Pinili Kong Huwag Uminom
Torsten König, Germany
Habang naglalakbay papuntang youth conference sa Stuttgart, Germany, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang isang matandang babae tungkol sa templo at sa pananampalataya ko sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Alam niya ang tungkol sa Simbahan at may kaunting ideya siya tungkol sa ilang doktrina ng ebanghelyo.
Gayunman, sa aming pag-uusap, may sinabi ang babae na ikinalungkot ko. Nang banggitin sa kanya ng isang kaibigang Banal sa mga Huling Araw ang tungkol sa Simbahan mga 40 taon na ang nakararaan, tandang-tanda pa niya ang sinabi nito. “Bawal akong uminom ng alak,” sabi ng kaibigan niya. Idinagdag pa ng babae na may kilala siyang ilang Banal sa mga Huling Araw na umiinom “paminsan-minsan.”
Taliwas sa akala ng babaeng ito, hindi ipinipilit ang ebanghelyo kaninuman. Lahat tayo ay may karapatang magdesisyon sa sarili natin. Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang Word of Wisdom para tulungan tayong panatilihing banal ang ating katawan, ngunit bawat isa sa atin ay dapat pumili kung ipamumuhay natin ang Kanyang batas ukol sa kalusugan dahil binigyan din Niya tayo ng kalayaang moral.
Nagpasiya ako ilang taon na ang nakararaan nang mabinyagan ako na susundin ko si Jesucristo. Dahil diyan, hindi ako umiinom ng alak. Ang mga utos ng Diyos ay mga kaloob sa atin, at kung susundin natin ang mga ito, aakayin tayo nito pabalik sa Kanya.
Mula sa simpleng paghaharap na ito, naalala ko na bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon, lagi tayong mga halimbawa sa iba. Gayunman, pinipili natin kung ano ang halimbawang iyon.