Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Nakikitang Paghihirap
Tinulungan ako ng isang bubuyog at isang pagbibiyahe sa bus na makita na may paraan para makaiwas sa gulo—ngunit madalas ay kailangan nating magtiwala sa isang taong may kakayahang makakita.
Isang umaga sa bus papasok sa trabaho, umupo ako sa tabi ng bintana. Maya-maya nakita ko ang isang maliit na bubuyog na nagsisikap umalpas sa pagkakaipit. Naipit ito sa dalawang panel na salamin ng bintana, at kahit anong pilit nito, hindi ito makaalpas. Nakulong sa isang malinaw na piitan, nakikita nito ang kalayaan pero hindi niya makita kung saan siya daraan para makatakas. Takot siguro, ikinampay nito nang mabilis ang kanyang mga pakpak at ibinangga ang sarili sa salamin.
Isa akong taong ayaw makakitang nasasaktan ang sinuman o anuman. Kaya matapos obserbahan ang bubuyog nang ilang sandali, sinikap kong ilabas ito mula sa pagkaipit niya. Pero dahil walang tiwala at hindi nauunawaan ang hangarin kong makatulong, hindi nito sinamantala ang tulong ko. Katunayan, ang ginawa lang nito ay patuloy na ibangga ang sarili sa bintana. Sa huli medyo nagsimula na akong mainis.
Pero naisip ko kung paanong minsan ay naiipit ang mga tao sa gayong mga sitwasyon. Napapasok tayo sa mga alanganing sitwasyon—na ang ilan ay hindi natin kagagawan. Nakagagawa rin tayo ng mali, maging ng mabibigat na kamalian. Gaya ng bubuyog, maaari nating madama na nakapiit tayo sa ganitong mga kahirapan. Sa kasamaang-palad, kahit alam ng Panginoon ang ating kailangan para matakasan ang ating mga pagsubok, kadalasan ay hindi tayo bumabaling sa Kanya—o sa mga yaong tinawag Niya para pamunuan tayo—para matulungan sa mga oras ng ating pangangailangan. Hindi tayo nakikinig sa mga bulong ng Espiritu at sinisikap nating haraping mag-isa ang ating mga hamon, sa halip na umasa sa mga taong higit na nakakakita.
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, alam naman natin talaga kung paano daigin ang paghihirap: mayroon tayong mga banal na kasulatan, panalangin, at patnubay ng Espiritu Santo. Ang ating mga lider ay tinawag ng Panginoon at handa sila at may pagkukusang tumulong.
Bago ako nakarating sa bababaan ko at matapos mahirapan nang husto ang kawawang bubuyog, nakuha nitong makaalpas sa pagkakaipit. Natutuhan ko rito na kaya rin nating daigin ang mga pagsubok—na mababawasan ang pagdurusa kung babaling tayo at magtitiwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na nakakakita ng lahat ng paghihirap.