2010
Mga Tanong at mga Sagot
Hunyo 2010


Mga Tanong at mga Sagot

“Matagal ko nang ipinagdarasal at pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, pero parang hindi nasasagot ang mga tanong ko. Bakit hindi ako pinagkakalooban ng patotoo ng Panginoon?”

Inilalarawan ng ilang tao ang madamdamin, at mahimalang mga karanasan na naging dahilan para magtamo sila ng patotoo. Ngunit kadalasan ay unti-unting dumarating ang patotoo sa tahimik na paraan. Kung hindi ka pa nakatatanggap ng malakas na espirituwal na patotoo, huwag mawalan ng pag-asa. Nagawa mo na ang unang hakbang sa pagkakaroon ng patotoo sa pamamagitan ng hangarin mong maniwala (tingnan sa Alma 32:27). Mahal ka ng iyong Ama sa Langit at nais Niyang pagkalooban ka ng patotoo—ngunit sa Kanyang sariling panahon at paraan (tingnan sa D at T 88:68).

Hindi pare-pareho ang pagtanggap ng patotoo ng bawat isa. Ang ilan ay nadarama na “ang [kanilang] dibdib ay [nag-aalab]” (tingnan sa D at T 9:8). Ang iba ay nadarama na nangungusap ng mga katotohanan ang Espiritu Santo sa kanilang puso’t isipan (tingnan sa D at T 8:2). Darating din ang iyong patotoo sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang makilala ang magigiliw na panghihikayat na ito.

Ang isang mabisang paraan para magkaroon ng patotoo ay samantalahin ang mga pagkakataong ibahagi sa iba ang ebanghelyo. Habang itinuturo mo ang mga katotohanan ng ebanghelyo, patototohanan sa iyo ng Espiritu, gayundin sa iba, na ang sinasabi mo ay totoo.

Patuloy na manalangin nang taimtim at may pananampalataya, at matiyagang hintayin ang sagot ng Panginoon. Kapag sinunod mo ang mga utos, magiging karapat-dapat ka sa pagsama ng Espiritu Santo, na siyang pinagmumulan ng patotoo.

Manalangin Tuwina

Nauunawaan ko ang pinagdaraanan mo. Dumanas ako ng mga panahon ng kahirapan kung kailan naging mahina ang aking patotoo. Nalampasan ko iyon—at lalong lumakas ang patotoo ko ngayon—dahil sa palagiang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pananalangin. Binabasa ko ang aking mga banal na kasulatan tuwing may pagkakataon. Nanalangin ako gabi’t araw, at sinikap kong madama ang Espiritu. Pero parang walang katuturan ang lahat. Ngunit isang araw, pag-uwi ko mula sa eskuwela, lumuhod ako sa tabi ng kama ko. Hindi ko alam kung gaano katagal ako nanalangin, pero nakatanggap ako ng sagot. Manalangin lang tuwina. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Matatanggap mo ang sagot na hinahanap-hanap mo.

Christopher W., 15, Nevada, USA

Maging Tapat

Alam ng Ama sa Langit ang nilalaman ng puso mo bago ka pa man humiling; naghihintay lang Siyang magtanong ka sa Kanya sa taimtim na panalangin. May personal akong patotoo na sinasagot Niya ang mga panalangin. Maaaring agad kang makatanggap ng sagot, o maaaring magtagal pa, pero alam ko talaga na sasagot Siya. Magtiyaga at magpatuloy sa iyong katapatan.

Sharon F., 20, Lagos, Nigeria

Makinig sa Espiritu Santo

Manalangin na mapatnubayan sa iyong paghahangad ng personal na karunungan. Naririnig at sinasagot ng Ama sa Langit ang lahat ng ating panalangin. Dumarating ang mga sagot sa pamamagitan ng mga panghihikayat ng Espiritu Santo. Humiling nang may pananampalataya, magpakumbaba, sundin ang mga utos, makibahagi ng sacrament nang marapat, pagnilayan ang mga banal na kasulatan, at matiyagang hangarin ang kalooban ng Diyos.

Ana Mae R., 20, Davao Oriental, Philippines

Magpatotoo

Itinuro ng mga lider ng Simbahan na bukod sa paghiling, dapat tayong magbahagi ng ating patotoo kung ano ang gusto nating malaman, kahit hindi pa tayo tumatanggap ng matibay na sagot. Maraming beses kong ipinagdasal na magkaroon ng patotoo at hindi ko natanggap ang patotoong hinihiling ko hanggang sa magpatotoo ako tungkol sa ebanghelyo at sa Panunumbalik. Kahit wala pa akong matibay na patotoo, natanggap ko ang malinaw, banayad, malakas na pagpapatibay na iyon ng Espiritu Santo. Alam ko na kung ibabahagi mo ang iyong patotoo, palalakasin ito ng Panginoon.

Aura O., 18, Huila, Colombia

Mag-ayuno at Manalangin

Ihahanda ng panalangin at pag-aayuno ang espirituwal na lupa kung saan lalago ang iyong patotoo, at ang iyong patotoo ang magiging lakas at sandigang tutulong sa iyo upang labanan ang bawat pagsubok at tukso. Ang patotoo ay nakakamtan sa pagiging tapat; kasigasigan natin ang tumutulong para madama natin ang katotohanan. Dapat tayong mag-ayuno nang maraming beses tulad ng ginawa ni Alma (tingnan sa Alma 5:45–46). Ang patotoo mo ay maaaring maliit sa simula, pero kapag patuloy kang nanalangin at nagsaliksik sa mga banal na kasulatan, makikita mo ang mga bunga ng iyong pananampalataya.

Elder Zubieta, 20, Colombia Cali Mission

Maghangad ng Banal na Paghahayag

Noong bagong binyag ako nagkaroon ako ng pagkakataong makapunta sa templo para magsagawa ng ilang binyag para sa mga ninuno ko. Habang nasa tubig para isagawa ang sagradong ordenansang ito, malakas ang pakiramdam ko na banal ang binyag na iyon para sa mga patay. Simula noon lumakas na ang aking patotoo tungkol sa binyag para sa mga patay. Sa pagkaintindi ko, ang ibig sabihin ng patotoo ay banal na paghahayag sa taong may pananampalataya. Para magkaroon ng patotoo, kailangan nating manalangin, pag-aralan ang ating mga banal na kasulatan, at sundin ang mga turo ni Jesucristo. Bawat patotoo ay nag-uugat sa matwid na pamumuhay; kung hindi, hindi mapatototohanan ng Espiritu ang gawain ng Panginoon sa ating panahon.

Mariam N., 19, Accra, Ghana

Huwag Kang Susuko

Maaaring matagalan bago magkaroon ng patotoo. Marami kang magagawa para magkaroon ng di-natitinag na patotoo. Huwag ka lang susuko sa pagsamo sa Ama sa Langit ng mga sagot sa iyong mga panalangin.

Wilben G., 18, Benguet, Philippines

Magtiyaga

Kung minsan hindi nasasagot kaagad ang ating mga panalangin. Maaaring matagalan bago dumating ang mga sagot at darating ang mga ito ayon sa mga hangarin ng puso ng isang tao. Ang isa sa mga katangian ng isang Banal ay matiyaga. Patuloy na manalangin, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, sundin ang mga utos, at makinig sa mga patotoo ng iba. Bigyan din ng pansin ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu. Maaaring dumating ang sagot sa oras na hindi mo inaasahan.

Chioma O., 15, Abia, Nigeria

Mapanatag

Ang Ama sa Langit ay laging handang sagutin tayo; gayunman, may isang bagay sa atin na kung minsan ay nagiging sagabal sa pagtanggap ng mga sagot na hinahangad natin. Palagay ko ang pinakamainam na paraan para magkaroon ng patotoo ay ang maging panatag, sa espirituwal at maging sa pisikal. Sa gayon, kapag nanalangin at nagbasa tayo ng mga banal na kasulatan, magiging handa tayong tumanggap [ng sagot].

Monica N., 19, Lima, Peru