Paano Ko Nalaman
Alam Mo Na
Naniwala ako na ang Simbahan ay totoo, pero kailan ko natanggap ang patotoong iyon?
Isang araw sa paaralan, napunta sa relihiyon ang usapan namin ng isang kaklase ko. Medyo mahilig sumalungat sa paniniwala ng iba ang kaklase ko at sinimulan niyang pintasan ang pinaniniwalaan ko.
Hinarap niya ako at sinabing, “Naniniwala ka lang sa Simbahan ninyo dahil doon ka pinalaki ng mga magulang mo. Kung hindi, hindi ka maniniwala.”
Hindi ko maalala kung ano ang sinabi ko sa kanya, pero lagi kong iniisip ang sinabi niya at kung bakit niya sinabi iyon. Pinalaki ako sa Simbahan, at, totoo namang hindi ako nagduda kailanman sa mga turo o doktrina ng Simbahan. Maliit pa ako, dama ko nang totoo ang Simbahan. Bago ako nabinyagan, binasa ng aming pamilya ang Aklat ni Mormon nang sabay-sabay, at alam kong totoo ito. Hindi lang ako basta naniwala; alam ko ito at wala akong duda. Pero hindi ko matukoy ang sandaling natanggap ko ang patotoong iyan. Matagal din akong nabagabag nito. Gusto kong magkaroon ng sariling karanasan kung saan magdarasal ako at darating kaagad ang sagot sa akin. Hinding-hindi iyon nangyari.
Pero matutukoy ko ang sandaling napagtibay ang patotoo ko. Pagkatapos ng unang taon ko sa hayskul, sumama ako sa ilang kabataan sa pamamasyal sa mga makasaysayang lugar ng Simbahan. Pagdating namin sa Sagradong Kakahuyan, inanyayahan kami ng aming tour guide na maghangad na mapagtibay sa aming sarili na totoo ang nangyari doon: na nagpakita ang Diyos Ama at si Jesucristo kay Joseph Smith at pinasimulan ang Pagpapanumbalik. Nakakita ako ng tahimik na lugar sa kakahuyan at binasa ko ang salaysay ng Unang Pangitain. Pagkatapos ay lumuhod ako at nanalangin. Alam ko na noon pa na nangyari ang Unang Pangitain at si Joseph Smith ay isang propeta. Pero nagtanong pa rin ako. Natapos ko ang aking panalangin, at walang nangyari. Walang kakaibang pakiramdam, walang pangitain, walang mga anghel. Wala kahit ano.
Nakakita ako ng isang malaking bato at naupo roon at binuksan ang patriarchal blessing ko at sinimulan ko itong basahin. Binanggit sa blessing ko ang Panunumbalik ng ebanghelyo, at nagpaulit-ulit ang mga salita sa isipan ko: “Alam mo na. Alam mo na.”
Kung mababalikan ko ang sandaling iyon nang hamunin ng kaibigan ko ang paniniwala ko, hindi ko alam kung paano ko ipaliliwanag kung paano ko nalaman na totoo ang Simbahan. Pero sana nasabi ko sa kanya na kahit itinuro sa akin ng mga magulang ko ang alam nilang totoo, kailangan kong malaman ang sagot na iyan para sa sarili ko. At nalaman ko nga.
Hindi ko na kailangang magpunta sa Sagradong Kakahuyan para malaman na totoo ang Simbahan. Hindi ko na kailangan ang anumang matinding karanasan para malaman na totoo ang Simbahan. Kailangan ko lang mapaalalahanan na, “Alam mo na.”