Mga Klasikong Ebanghelyo
Nakatayo sa Bato
Noong 1847 ang mga Banal sa mga Huling Araw, sa pamumuno ni Pangulong Brigham Young, … [ay inutusan] na iorganisa ang kanilang sarili sa mga grupo ng tig-isandaan, limampu, at sampu, bilang paghahanda sa mahaba at nakakapagod na paglalakbay sa karitong hila ng mga baka patungong Salt Lake Valley.
At ngayon ay gusto kong itanong ang ilang bagay: Makabubuti o makatwiran bang tangkain ng sinuman sa panahong ito na subuking isagawa ang mga kundisyon sa paghahayag na iyon? Ano ang iisipin ninyo tungkol sa isang tao, sa panahon ng mga tren at kotse at eroplano, na maglalagay ng pamatok sa mga baka rito sa Utah, at magsisimulang maglakbay patungong Missouri River? …
Ang aral na nais kong iparating ay ito: tayo ay maunlad na mga tao, dahil mga tao tayo ng Diyos, at dahil diyan may karapatan tayong gamitin ang mga makabagong pamamaraang ito, ang pinahusay na mga pasilidad ng siyensya, na inilaan ng Panginoon at inilagay sa ating mga kamay upang itaguyod ang Kanyang kagila-gilalas na gawain. …
Ano ang Ipinagkaiba Natin?
Maraming taon na ang nakararaan dumating sa Utah ang isang matalinong pastor ng [ibang] simbahan … , at nagkausap kami. Galing siya sa isang “Mormon” sacrament meeting at maraming pintas sa pamamaraan ng pangangasiwa natin sa Hapunan ng Panginoon, lalo na sa paggamit natin ng tubig sa halip na alak sa gayong mga pagkakataon. Kinilabutan daw siya nang makita niyang hinihigop ng mga tao ang tubig; at binigyang-diin ang isang katotohanan, at totoo naman, na ayon sa Biblia ang Tagapagligtas, nang pasimulan Niya ang sacrament sa mga Judio, ay gumamit ng alak, at ipinahayag na ito ang Kanyang dugo o kumakatawan ito sa Kanyang dugo. Masasabi kong nakasaad din sa Aklat ni Mormon na gumamit ng alak ang Tagapagligtas nang pasimulan Niya ang sacrament sa mga Nephita.
Batid man o hindi ng aking … kaibigan, napuna niya ang malaking kakaibang katangian ng Simbahan ng Diyos sa lahat ng iba pang simbahan sa lupa—ito ay, na samantalang nakasalig sila sa mga aklat at tradisyon at mga panuntunan ng tao, ang Simbahang ito ay nakatayo sa bato ni Cristo, sa alituntunin ng agaran at patuloy na paghahayag. Hindi ginagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga bagay-bagay dahil lamang sa nakasaad ang mga ito sa isang aklat. Hindi nila ginagawa ang mga bagay-bagay dahil sinabi ng Diyos sa mga Judio na gawin ang mga ito; ni hindi nila ginagawa o iniiwang hindi ginawa ang anumang bagay dahil sa mga tagubilin ni Cristo sa mga Nephita.
Anuman ang ginagawa ng Simbahang ito ay dahil sa ang Diyos, na nangungusap mula sa langit sa ating panahon, ay nag-utos sa Simbahang ito na gawin ito. … Ganyan ang pagkatatag ng Simbahan ni Cristo. Gumagamit man tayo ng tubig sa halip na alak sa sacrament ng Hapunan ng Panginoon, iyon ay dahil iniutos ito ni Cristo.
Patuloy ang Gawain ng Diyos
Nakaakma ang banal na paghahayag sa mga sitwasyon at kalagayan ng tao, at nagkakaroon ng mga pagbabago habang patungo ang umuunlad na gawain ng Diyos sa tadhana nito. Walang malaki o magandang aklat ang sasapat para mamuno sa Simbahang ito.
Sa pagsasabi nito, nagsasalita ako nang may lubos na pagpipitagan sa nakasulat na salita ng Diyos, na nakalimbag sa mga aklat, na may bahaging maaaring lipas na, dahil natupad na ang layunin nito at naitabi na, samantalang ang ibang bahagi ay may bisa pa, puno ng buhay, at angkop sa kalagayan natin sa kasalukuyan—sa antas ng ating pag-unlad ngayon. Ngunit kahit ang bahaging ito ay dapat unawain nang wasto. Hindi dapat makipagtalo ang sinuman tungkol sa nakasulat sa mga aklat, para labanan ang sugo ng Diyos, na nangungusap para sa Kanya at nagbibigay-kahulugan sa Kanyang salita. Ang gayong pakikipagtalo ay pagpanig sa lumang sulat kaysa mga salita ng buhay na propeta, na palaging isang maling pagpanig.
Ang sinabi ng Panginoon sa mga Judio at Nephita 2,000 taon na ang nakararaan o sa mga Banal sa mga Huling Araw 50 o 60 taon na ang nakalilipas ay walang bisa maliban kung umaayon ito sa paghahayag sa kasalukuyang panahon, sa pinakabagong mga tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang pinili o hinirang na lingkod o mga lingkod; at sila na nagbabalewala sa katotohanang ito ay mapapahamak. Ang pinakahuling salita ng Diyos ang dapat sundin, sa halip na anumang dati nang paghahayag, gaano man ito katotoo.
Ang Diyos ding iyon na nagsasabing gawin ang ganito at ganyan ay mapapawalang-bisa ang utos na iyan bukas, nang hindi siya nagiging pabagu-bago o paiba-iba. Ang lehislatura, na nagpupulong tuwing ikalawang taon, ay pinawawalang-bisa ang mga lumang batas o ginawang mga batas kung angkop sa kanilang layunin; ngunit walang nag-iisip na paratangan ang mga gumagawa ng batas na binabago o kinokontra nila ang sarili nila. Paano kaya maituturing na pabagu-bago ang Diyos kung sinabi Niya ang isang bagay ngayon at binago ito kinabukasan o sa susunod na buwan o taon para umangkop sa nagbagong mga sitwasyon?
Inutusan Niya si Abraham na patayin ang kanyang anak, at gagawin na sana ito ni Abraham nang sabihin ng Diyos ding iyon, “Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata” [Genesis 22:12]. Obligasyon ni Abraham … na sundin ang ikalawang utos sa halip na ang una; at naging suwail sana siya kung hindi siya sumunod.
Kailangan Nating Umagapay
Maaari kong ituloy nang walang katapusan ang usapang ito ngunit magtatapos na ako sa ideyang ito. Umuunlad ang gawain ng Diyos. Nagbabago ito ng anyo ngunit hindi kailanman ng mga alituntunin. Ang mga katotohanang pinagsasaligan nito ay walang hanggan, hindi mababago, ngunit maraming tuntuning pabagu-bago, habang nagpapatuloy ang gawain ng Diyos. Ang walang hanggang ebanghelyo ay isang bagay na higit pa sa ligtas na lagusan mula sa sunog, para makatakas sa mapanganib na sitwasyon. Ito ang banal na plano para sa pag-unlad ng tao, ang landas tungo sa kasakdalan; at ang diwa ng ebanghelyo ay diwa ng pagpapakabuti, ng pagsulong.
Ang gawain ng Diyos ay magpapatuloy, ngunit sasabay kaya tayo? … Paano tayo makakaagapay sa gawain ng Panginoon? Iisa lang ang paraan, at iyan ay ang gawin ang mga bagay na iniutos Niya at huwag gawin ang mga bagay na ipinagbawal Niya. …
O mga kapatid ko sa Simbahan ni Cristo! Gumising tayo at magbangon at kumilos. … Laging gumawa ng isang bagay para sa Diyos, nang ang diwa ng Kanyang gawain ay manatili sa inyo at gabayan kayo sa landas na “lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” [tingnan sa D at T 50:24].