2010
Mga Anino sa Dingding
Hunyo 2010


Mga Anino sa Dingding

“Huwag matakot, maliliit na bata, sapagkat kayo ay akin, at aking nadaig ang daigdig” (D at T 50:41).

“Inay!” sigaw ni Desiree. “Natatakot po ako!”

Lumitaw si Inay sa pintuan ni Desiree at binuksan ang ilaw sa kuwarto. Inaninag ni Desiree ang sulok na pinanggalingan ng nakakatakot na mga anino. Wala namang naroon.

“Parang may nakita po akong lobo sa sulok na iyan,” sabi ni Desiree.

Niyakap ni Inay si Desiree, kaya naginhawahan ito at napanatag. “Kapag bukas ang ilaw, makikita natin na wala talagang naroon,” sabi ni Inay.

Nang mapanatag si Desiree, pinatay ni Inay ang ilaw at bumalik na sa higaan. Pumikit si Desiree at pinilit na makatulog. Pagkatapos ay iminulat niya ang isang mata at tiningnan ang dingding. Naroon pa rin ang mga anino.

“Inay!” sigaw niyang muli.

Sa pagkakataong ito hindi na nakangiti si Inay nang buksan niya ang ilaw. Mukhang pagod na siya. Tanong niya, “Desiree, naaalala mo ba kung ano ang napanood mo sa telebisyon kanina?”

Tumango si Desiree. Tungkol sa mga lobo ang palabas na pinanood niya.

Naupo si Inay sa kama ni Desiree. “Talagang naaapektuhan tayo ng pinanonood natin—ang ating isipan, kilos, at pati damdamin natin.”

“Pero hindi naman masama ang pinanood kong palabas tungkol sa mga lobo,” sabi ni Desiree.

“Maaapektuhan ng pinanonood natin sa telebisyon ang ating isipan, kahit hindi iyon masama. Palagay ko dahil iyan sa pinanood mo kanina kaya ganyan ang pakiramdam mo ngayon,” paliwanag ni Inay.

Pinag-isipan ni Desiree ang sinabi ni Inay. Hindi niya napapansin na naaapektuhan siya ng pinanood niya.

“Wow,” sabi ni Desiree. “Kailangan ko po palang mas mag-ingat sa pagpili ng panonoorin ko.”

Ngumiti si Inay. “Magandang ideya iyan, Desiree.”

“Pero paano na po ngayong gabi? Takot pa po ako.”

“May naisip ako,” sabi ni Inay. Kinuha niya ang larawan ni Jesucristo sa ibabaw ng mesa ni Desiree at inilabas ito ng kuwadro. Pagkatapos ay maingat itong idinikit sa dingding kung saan nakita ni Desiree ang nakakatakot na mga anino. “Lagi Siyang nariyan para sa iyo, Desiree. Tandaan mo iyan tuwing matatakot ka.”

Nang patayin ni Inay ang ilaw, napanatag ang damdamin ni Desiree. Alam niyang totoo ang sinabi ni Inay. Lagi siyang babantayan ni Jesus, tutulungan siya, at papawiin ang kanyang mga takot.

Paglalarawan ni Sam Nielson; detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Batang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.