Patayin Mo ang TV!
Jonathan H. Westover, Utah, USA
Sabado ng gabi pagkatapos ng Thanksgiving, napag-isa ako sa apartment ko sa labas ng kampus. Wala akong gaanong ginagawa, kaya pinalipat-lipat ko ng istasyon ang TV hanggang sa makita ko ang isang pelikulang kasisimula pa lang.
Ilang minuto lang ay natanto ko na hindi magandang panoorin ang pelikula. Sumandali kong naisip, “E ano ngayon? Wala namang nakakakita. Tutal, ipinalabas na sa TV, kaya tinanggal na siguro lahat ang pangit na eksena.”
Gayunman, hinikayat ako ng Espiritu na patayin ang TV. Nagpasiya akong magbasa na lang ng aklat.
Paglipas ng mga kalahating oras may narinig akong kumatok sa pintuan. Miyembro pala ng elders quorum ko, na nagsabi sa akin na isa sa mga dalagang binisita niya sa bahay ang maysakit at kailangan ng basbas. Mahigit 30 minuto na siyang nagtatawag sa telepono at kumakatok sa mga pintuan, sa pagsisikap na makahanap ng isang taong nasa bahay at makakatulong sa kanya. Sa huli, kumatok siya sa pintuan ko. Pumayag akong tumulong at agad nagbihis ng damit-pangsimba.
Habang naglalakad kami papunta sa apartment ng dalaga, tinanong ko kung gaano kalubha ang sakit nito. Ang alam lang niya ay biglaan siyang tinawagan at pinapupunta siya kaagad ng roommate ng dalaga.
Pagdating namin sa apartment, halatang hindi mabuti ang pakiramdam nito. Mataas ang lagnat niya at namumutla siya. Sabi ng roommate niya ilang oras na siyang maysakit, nanghihina, at hindi makakain dahil masakit ang tiyan.
Akala ko ako ang magpapahid sa kanya ng langis, pero hiniling ng miyembro ng elders quorum ko na ako na lang ang magbasbas sa kanya. Nadama ko na hindi ako karapat-dapat at hindi ko alam ang sasabihin ko. Wala akong panahong ihanda ang isipan ko para magbigay ng basbas, pero tahimik kong ipinagdasal na ituro ng Diyos ang sasabihin ko.
Matapos ang pagpapahid ng langis, sinambit ko ang pangalan ng dalaga at binasbasan siya. Natagpuan ko ang sarili ko na nangangakong manunumbalik ang kanyang kalusugan at sumasambit ng nakapapanatag na mga salitang hindi sa akin nagmula. Pagkatapos ay tinapos ko ang basbas. Nang magmulat kami ng mga mata, nakita ko ang malaking ngiti sa mukha ng dalaga, at pinasalamatan niya kami para sa basbas. Di naglaon ay gumaling na siya at nakabalik sa kanyang pag-aaral at natapos niya ang semestre.
Kapag naiisip ko ang karanasang iyon, labis kong pinasasalamatan ang pagkakataong magtaglay ng priesthood. Tumagal lang nang mga 10 minuto ang karanasan, at natitiyak kong nalimutan na iyon ng dalagang maysakit. Ngunit habang buhay ang epekto niyon sa akin.
Nagpapasalamat ako sa mga bulong ng Espiritu, na naghikayat sa akin na umiwas sa tukso at manatiling handa sa espirituwal. Bukod pa rito, nagpapasalamat ako sa Espiritung umakay sa miyembro ng elders quorum ko sa aking apartment.
Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa mabait at maawaing Ama sa Langit, na nagpalakas sa akin sa kabila ng aking mga pagkukulang, sa paggabay sa pagsambit ko ng basbas at pagtupad sa mga salitang ipinasambit Niya sa akin. Alam ko na kapag nanatili tayong karapat-dapat, gagabayan ng Espiritu ang ating landas upang maging handa tayong paglingkuran ang mga nasa paligid natin.