Tulungan Ninyo Ako!
Tiffany Lewis, Texas, USA
Noong ikalawang gabi ng pag-aaral ko sa ibang bansa sa St. Petersburg, Russia, nagkita-kita kami ng mga kaibigan ko sa kabayanan para maglaro ng American football. Pagkatapos ng laro nagpasiya ako na subukang mag-bus pauwi. Hindi pa ako nakasakay ng bus sa Russia, pero sabi ng nanay ng pamilyang tinutuluyan ko, makakauwi raw ako kung bus 7 o bus 1 ang sasakyan ko. Kaya pagdating ng bus 7, sumakay ako.
Habang daan, tinitingnan ko ang mga tindahan at pinanonood ang mga tao sa bangketa. Unti-unti, nagsimula akong manibago sa lugar. Tiningnan ko ang relo ko at nalaman ko na 30 minuto na akong nagbibiyahe.
Biglang tumigil ang bus, namatay ang mga ilaw, at nagsibaba ang lahat. Sa pagsisikap na huwag matakot, naghanap ako ng mahihingan ng tulong. Alam ko na kung makikita ko ang istasyon ng tren, makakauwi ako nang ligtas. Namataan ko ang isang bata pang mag-asawa sa daan at nilapitan ko sila.
“Naligaw ako,” sabi ko. “Alam ba ninyo kung saan ang istasyon ng tren?”
“Napakalayo ng istasyon ng tren mula rito,” sabi ng lalaki. “Pero may sakayan ng bus sa banda roon. Sumakay ka sa bus 5, at dadalhin ka noon sa istasyon ng tren.”
Pinasalamatan ko siya at mabilis akong naglakad. Gayunman, pagdating ng isang bus sa sakayan, hindi iyon numero 5 kundi numero 1. Muli kong naalala ang sinabi ng nanay ng tinitirhan ko: “Sumakay ka sa bus 7 o bus 1, at makakauwi ka.”
Atubili akong sumakay, pero muli kaming nagbiyahe nang malayo. Isa-isang nagsibaba ang mga pasahero hanggang sa ako na lang ang natira.
Sa wakas, huminto ang bus sa tabing-daan.
“Bumaba ka na,” sabi ng drayber. “Hanggang dito na lang tayo.”
Nanginig ang buong katawan ko habang pinipilit kong makahinga at huwag umiyak. Gumagabi na, at kapag hindi ko nakita ang istasyon ng tren bago ito magsara, mapipilitan akong matulog sa mga kalye ng St. Petersburg.
“Tulungan po Ninyo ako, Ama sa Langit,” ang mahina kong dasal at nagsimula akong maglakad. Pagkatapos, habang tumatakbo, sinimulan kong kawayan ang nagdaraang mga taxi. Walang tumigil.
Di naglaon nakarating ako sa isa pang sakayan ng bus, na punung-puno ng mga tao. Ang mga ilaw ng papalapit na bus—numero 7—ay tumanglaw sa amin. Nag-atubili ako. Nagkandaligaw ako dahil sa mga bus, pero may malakas na puwersang nagtulak sa akin para umakyat sa bus. Pabagsak akong umupo sa upuan, at tumingin sa relo ko. Alas-11:50 n.g. Magsasara na ang istasyon ng tren sa loob ng 10 minuto.
Pumikit ako, at muling bumulong, “Tulungan po Ninyo ako.” Pagmulat ko, nakita ko ang liwanag ng mga ilaw sa istasyon ng tren pagtigil ng bus. Patakbo akong bumaba ng bus papunta sa istasyon para habulin ang huling tren sa gabing iyon.
Pag-upo ko, naisip ko kung paano binibilang ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga maya (tingnan sa Mateo 10:29–31), at tahimik ko Siyang pinasalamatan. Nalaman ko sa madilim na gabing iyon sa malaking lungsod na iyon na inakay Niya ako pauwi.