Pumanig sa Panginoon
Mula sa “Friend to Friend,” Liahona, Abr. 1999, F2–F4.
Noong bata pa ako, nakatira ako sa Zwickau, Germany. May kaibigan ang lola ko na puti at mahaba ang buhok. Ang pangalan niya ay Sister Ewig, at inimbitahan niya ang lola ko sa simbahan. Nang magpunta ang pamilya ko roon, marami kaming nakitang bata. Hangang-hanga kaming lahat sa musika, lalo na sa kantahan. Isang awitin, ang “Isang Sinag ng Araw,” ang talagang hinangaan ko.1 Parang napakalapit ko kay Jesus nang kantahin ko ito. Alam ko na gusto Niya akong maging isang sinag ng araw para sa Kanya. Gustung-gusto ko pa rin ang awiting iyon—at ang patotoong bigay nito sa akin tungkol sa Tagapagligtas.
Ang buong pamilya ko—maliban sa akin, dahil anim na taong gulang pa lang ako noon—ay nabinyagang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pagtuntong ko ng walong taong gulang, bininyagan ako ng tatay ko sa isang pampublikong swimming pool.
Pagtuntong ko ng 11 taong gulang, kailangang lisanin ng pamilya ko ang East Germany. Lumipat kami sa Frankfurt, West Germany. Dumalo ako sa Frankfurt Branch, na hindi kasinglaki ng nasa Zwickau. Maliit ang Frankfurt meetinghouse, at sa basement kami nagkaklase. Tinuruan kami ng mga misyonero ng mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo.
Isang misyonero, si Elder Stringham, ang talagang hinangaan ko sa mga aralin niya sa Mahalagang Perlas, lalo na sa bahaging itinuturo kay Moises na siya ay anak ng Diyos (tingnan sa Moises 1:3–4). Itinuro din sa akin ni Elder Stringham ang banal na kasulatan na nagsasabing, “Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?” (Mga Taga Roma 8:31). Binigyan ako nito ng kapanatagan at lakas ng loob, dahil noong panahong iyon mukhang malabo ang kinabukasan sa Germany. Ang lungsod ng Frankfurt ay puno ng mga labi ng binombang mga gusali. Nanatili sa isipan ko ang aral na iyan habambuhay. Itinuro nito sa akin na kailangan kong pumanig sa Panginoon. Hindi ko makakayang hindi pumanig sa Panginoon.
Hinahamon ko kayong mga bata na sundin ang mga salita ng mga propeta. Kapag ginawa ninyo ito, matatagpuan ninyo ang sagot sa inyong mga tanong, kayo man ay 6, 9, 11, 19, o kagaya kong 69 na taong gulang na!