2013
Integridad: Pundasyon ng Buhay na Katulad ng Kay Cristo
Pebrero 2013


Integridad Pundasyon ng Buhay na Katulad ng Kay Cristo

Mula sa mensahe sa debosyonal na ibinigay noong Disyembre 6, 2011, sa Brigham Young University. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Elder Tad R. Callister

Ang integridad ay tapang na gawin ang tama anuman ang ibunga nito at kahit mahirap pa ito.

Ang klasikong dula ni Robert Bolt na A Man for All Seasons ay kuwento tungkol kay Sir Thomas More. Naging kilala siyang iskolar, abugado, embahador, at, sa huli, bilang Lord Chancellor ng England. Siya’y lalaking lubos ang integridad. Ang dula ay nagsimula sa mga salitang ito ni Sir Richard Rich: “Bawat tao ay may katumbas na halaga! … Maging sa pera. … O kasiyahan. Mga titulo, mga babae, mga ari-arian, laging may katumbas na halaga.”1

Iyan ang tema ng dula. Iyan din ang tema ng buhay. May lalaki o babae ba sa mundong ito na hindi mabibili, na ang integridad ay hindi natutumbasan ng halaga?

Sa pagpapatuloy ng dula, gustong diborsyohin ni King Henry VIII si Queen Catherine at pakasalan si Anne Boleyn. Pero may problema: bawal ang diborsyo sa Simbahang Katoliko. Kaya nga inutusan ni King Henry VIII, na hindi mapigil sa kanyang mga hangarin, na sumumpa ang kanyang mga tao na susuportahan siya sa kanyang pakikipagdiborsyo. Ngunit may isa pang problema.

Si Sir Thomas More, na minamahal at hinahangaan ng mga karaniwang tao, ay hindi sumusuporta sa kanya—hindi maatim ng konsensiya nito na pumirma sa sumpa. Ayaw niyang sumunod, kahit personal pa itong hiniling ng hari. At dumating ang mga pagsubok. Magiliw siyang hinikayat at pinilit ng kanyang mga kaibigan, ngunit hindi siya nakumbinsi. Inalisan siya ng kayamanan, posisyon, at pamilya, ngunit hindi pa rin siya pumirma. Sa huli, inakusahan siya nang mali at nilitis, ngunit hindi pa rin siya nakumbinsi.

Kinuha nila sa kanya ang kanyang pera, kapangyarihan sa pulitika, mga kaibigan, at pamilya—at papatayin pa siya—ngunit hindi nila nakuha sa kanya ang kanyang integridad. Hindi iyon ipinagbibili sa anumang halaga.

Sa pinakamahalagang bahagi ng dula, nilitis si Sir Thomas More dahil sa maling paratang na nagtaksil siya sa bayan. Kinailangan ni Sir Richard Rich na magsinungaling para maipakulong siya. Nang lumabas ng korte si Sir Richard, tinanong siya ni Sir Thomas More, “Iyang kuwintas ng katungkulan na suot mo. … Ano [iyan]?”

Sumagot si Prosecutor Thomas Cromwell, “Si Sir Richard ang hinirang na Attorney-General para sa Wales.”

At mapangutyang tumingin si More sa mukha ni Rich at galit na sinabing, “Para sa Wales? Aba, Richard, walang mapapala ang tao kung ibibigay niya ang kanyang buhay para sa buong mundo. … Sa Wales pa kaya!”2

Sa kabilang-buhay, walang pag-aalinlangang marami ang mag-iisip sa gitna ng hindi mapigil na iyakan at paulit-ulit na magsasabi, “Bakit ko ipinagpalit ang aking kaluluwa para sa Wales o pansamantalang kaligayahan o katanyagan o katungkulan o pagtanggap ng aking mga kaibigan? Bakit ko ipinagbili ang aking integridad?”

Mga Alituntunin ng Integridad

Gusto kong talakayin ang pitong alituntunin ng integridad na sana’y magbigay-inspirasyon sa atin na gawing mahalagang bahagi ng ating pagkatao ang katangiang katulad ng kay Cristo.

1. Integridad ang pundasyon ng ating pagkatao at ng lahat ng iba pang mga banal na katangian. Noong 1853 sinimulan ng mga Banal ang pagtatayo ng Salt Lake Temple. Sa loob ng halos dalawang matagal at mahirap na taon ang mga Banal ay naghukay at naglatag ng pundasyon: mahigit walong talampakan (2.4 m) ang lalim, na yari sa sandstone. Isang araw nagpunta ang foreman kay Pangulong Brigham Young na dala ang malungkot na balitang ito: may mga bitak sa mga bloke ng sandstone. Naharap si Brigham Young sa mahirap na sitwasyong ito: (1) gawin ang lahat ng magagawa nila para takpan ang mga bitak at magtayo ng templong di-gaanong malaki at maringal gaya ng inaasahan o (2) gibain ang dalawang taon na pinaghirapan nila at palitan ito ng pundasyong yari sa granito na mapagtatayuan ng malaking templong nais ng Diyos para sa kanila. Sa kabutihang-palad, pinili ni Pangulong Young ang huling paraan.3

Integridad ang pundasyong saligan ng pagkatao at pamumuhay na katulad ng kay Cristo. Kung may mga bitak sa pundasyong iyon, hindi nito masusuportahan ang kadakilaan ng iba pang katangiang katulad ng kay Cristo na dapat isalig doon. Paano tayo magpapakumbaba kung wala tayong integridad na aminin ang sarili nating mga kahinaan? Paano tayo magkakaroon ng pag-ibig sa kapwa kung hindi tayo lubos na tapat sa pakikitungo sa kanila? Paano tayo magsisisi at magiging malinis kung hindi natin sasabihin ang buong katotohanan sa ating bishop? Integridad ang batayan ng bawat banal na katangian.

Sinabi ng Kristiyanong awtor na si C. S. Lewis na kapag nagkamali tayo sa isang mathematical equation, hindi na natin maipagpapatuloy ang paglutas sa mathematical problem: “Kapag nagkamali ako ng pagsuma sa simula, at agad kinilala ito at binalikan at sinimulang muli, mas mabilis kong nakukuha ang tamang sagot.”4

Gayundin, hindi natin matataglay nang lubos ang lahat ng iba pang katangiang katulad ng kay Cristo hangga’t hindi natin ginagawang matatag na pundasyon ang integridad sa ating buhay. Sa ilang pagkakataon maaaring kailangan nating magpakahirap na gibain ang dati nating pundasyon na nakasalig sa panloloko at palitan ito ng paisa-isang bato ng pundasyon ng integridad. Pero magagawa natin ito.

2. Ang integridad ay hindi lamang paggawa ng legal kundi ng bagay na mabuti o katulad ng kay Cristo. Maaaring legal ang mangalunya, maaaring legal ang magtalik bago makasal, maaaring legal ang magtsismis, ngunit wala sa mga gawaing ito ang mabuti o katulad ng kay Cristo. Ang integridad ay hindi lamang pagsunod sa batas; pagsunod din ito sa mas mataas na pamantayan ng moralidad. Katulad ito ng sinabi ni U.S. president Abraham Lincoln: mamuhay alinsunod sa “mas mabubuting katangian na likas sa atin.”5

Bawat binata ay may tungkuling moral na protektahan at ingatan ang dangal ng kanyang kadeyt, at gayon din ang tungkulin ng bawat dalaga sa kanyang kadeyt. Ito ay pagsubok sa kanyang integridad. Ang lalaki o babaeng nagsisikap magkaroon ng integridad ay magkakaroon ng determinasyon at disiplina na higit pa sa matinding simbuyo ng damdamin. Ang integridad na iyon sa Diyos at sa sarili at sa iba ang sumusuporta at nagpapalakas sa kanila kahit gamitin pa ni Satanas ang iba’t ibang paraan para tuksuhin sila. Sinabi ng Panginoon sa henerasyong ito, “Ako ay magbabangon sa aking sarili ng mga dalisay na tao” (D at T 100:16). Inaasahan ng Diyos na tayo ang magiging henerasyong iyon.

Ilang taon na ang nakararaan kinailangan namin ng kasosyo ko sa negosyo na sisantehin ang isang empleyado. Pagkaraan ng kaunting pag-uusap napagkasunduan naming bayaran ang kanyang serbisyo. Naisip ko na makatwiran ang napagkasunduang iyon, pero nasira pa rin ang samahan namin dahil dito. Noong gabing iyon nalungkot ako dahil doon. Sinikap kong alisin ang damdaming iyon sa pangangatwiran sa sarili ko na naging parehas ako, pero hindi ito naalis. Pagkatapos ay nadama ko ito: “Hindi sapat ang maging parehas; kailangan mo ring sikaping maging katulad ni Cristo.” Ang pagsunod sa pinakamataas na pamantayan ng moralidad ay katangian ng isang lalaki o babaeng may integridad.

3. Ang integridad ay gumagawa ng mga desisyon batay sa mga walang-hanggang posibilidad. Isa sa mga dalagita sa aming ward ang kumuha ng test sa high school sa aming lugar. Nang mapatingin siya, nakita niyang nandaraya ang isa sa mga kaibigan niya. Nagkatinginan sila. Napahiya, nagkibit-balikat ang kaibigan niya at iminuwestra sa bibig ang mga salitang “Kailangan kong pumasa.” Kahit paano nawala sa dalagitang ito ang kanyang walang-hanggang pananaw—hindi matataas na grado kundi pagkadiyos ang ating destinasyon. Ano ang mapapala natin kapag natanggap tayo sa pinakatanyag na unibersidad kung mawawala naman sa atin ang kadakilaan? Tuwing nandaraya ang isang tao, ipinagpapalit niya ang kanyang espirituwal na pagkapanganay sa isang nilutong pagkain (tingnan sa Genesis 25:29–34). Dahil makitid ang pag-iisip pinili niyang kunin ang isang dolyar ngayon sa halip na ang walang-katapusang kayamanan sa kabilang-buhay.

Minsan ay sinabi sa akin ng isang napakalungkot na ama na gusto ng kanyang anak na dalagita na “magpakasaya sa buhay” at pagkatapos, tatlong buwan bago ang plano niyang pakasal, ay magbabago at magsisisi siya para makatanggap ng temple recommend. Wala akong kilalang stake president na magbibigay ng recommend sa gayong sitwasyon. Ngunit kahit ibigay pa ito, ito ay magiging sumpa, hindi pagpapala. Ang integridad ay hindi kakitiran ng pag-iisip—hindi lamang ito pansamantalang pagbabago ng ugali; ito ay permanenteng pagbabago ng likas na pagkatao.

Sinabi sa atin ni Haring Benjamin kung paano natin mababago ang ating pagkatao mula sa likas na tao tungo sa pagiging espirituwal na tao: “Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” (Mosias 3:19; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Tumutulong sa pagbabago ng ating likas na pagkatao, hindi lamang ng ating ugali, ang walang-hanggang pananaw na tayo ay mga anak ng Diyos, na mayroon tayong kaunting kabanalan tulad Niya, at na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ay maaari tayong maging katulad Niya—ang sakdal na huwaran ng integridad.

4. Ang integridad ay pagsasabi ng buong katotohanan at pawang katotohanan lamang. Naniniwala ako na maaaring maunawaan ng Panginoon ang ating mga kahinaan at kamalian, hangga’t nagpapakita tayo ng pagnanais at pagsisikap na magsisi. Iyan ang kahulugan ng Pagbabayad-sala. Ngunit hindi ako naniniwala na madali Siyang magpaparaya sa mga mandaraya o sinungaling.

Ilang taon na ang nakararaan naglibot ako sa mission. Ang ilan sa mga missionary ay nahihirapang sumunod. Nang gabing iyon ininterbyu namin ng mission president ang ilan sa mga missionary. Kinabukasan sinimulan ng mission president ang aming zone conference sa pagbibigay ng napakagandang mensahe tungkol sa integridad. Naisip kong magsalita pa tungkol sa paksang iyon. Napansin namin na ilang sandali pa ay mag-iinterbyu ulit kami. Hiniling namin na huwag umimik ang mga missionary kung hindi sila tinatanong nang sa gayon isa lang ang magsasalita ng totoo kapag siya ang tinanong nang tuwiran at tahasan.

Naroon ang Espiritu, at apat na missionary na nainterbyu namin nang gabi bago ang araw na iyon ang lihim na lumapit at nagsabing, “May ipagtatapat pa po kami.” Sabi ng isa sa kanila, “Gusto ko pong maging matapat.” Sa araw na iyon pinalitan niya ang kanyang pundasyong buhangin ng isang matatag na pundasyon ng integridad.

5. Ang integridad ay hindi nagdadahilan o nangangatwiran. Marangal ang lalaki o babae na inaamin ang kanyang mga kahinaan at lubos na tinatanggap ang kanyang kasalanan nang hindi nangangatwiran o nagdadahilan. Sa maraming pagkakataon itinala ni Joseph Smith ang kanyang mga kahinaan sa Doktrina at mga Tipan para mabasa ng lahat. Sinasabi nito sa atin na siya ay hindi perpekto, ngunit wala rin siyang itinatago—siya ay isang taong may integridad. Ano ang epekto nito sa kanyang kredibilidad kapag ikinukuwento niya ang Unang Pangitain o ang mga pagdalaw ni Moroni? Sinasabi nito sa atin na mapagkakatiwalaan natin siya, na maaari nating paniwalaan ang lahat ng sinasabi niya dahil isa siyang taong tunay na may integridad.

6. Ang integridad ay pagtupad sa ating mga tipan at pangako, maging sa mga oras na mahirap gawin ito. Ang integridad ay tapang na gawin ang tama anuman ang ibunga nito at kahit mahirap pa. Ikinuwento ni Pangulong N. Eldon Tanner (1898–1982), dating Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang sumusunod na karanasan:

“Kailan lang ay lumapit sa akin ang isang lalaki at sinabi, ‘May kasunduan po kami ng isang lalaki na kailangan kong magbayad sa kanya bawat taon. May mga utang ako, at hindi ko na mababayaran ang mga iyon, dahil kapag ginawa ko ito, maiilit ang bahay ko. Ano po ang gagawin ko?’

“Tiningnan ko siya at sinabi ko, ‘Tumupad ka sa kasunduan.’

“‘Kahit po mailit ang bahay ko?’

“Sabi ko, ‘Wala akong sinasabi tungkol sa bahay mo. Ang sinasabi ko ay tungkol sa kasunduan ninyo; at palagay ko mas gusto ng asawa mo ang isang asawang tumutupad sa kanyang sinabi, nagbabayad ng kanyang mga obligasyon, tumutupad sa kanyang mga pangako o tipan, at uupa ng bahay kung kailangan kaysa magkaroon ng bahay sa piling ng isang asawang hindi tumutupad sa kanyang mga tipan at pangako.’”6

Nahirapan siyang pumili: bahay niya o ang kanyang integridad. Ang isang lalaki o babaeng may integridad ay hindi nagpapatangay o sumusuko dahil lamang sa mahirap o magastos o malaking abala ito. Sa aspetong ito ay lubos ang integridad ng Panginoon. Sinabi Niya, “Sino ako … na nangako at hindi tumupad?” (D at T 58:31).

Ang isa sa pinakamahihirap na pagsubok sa ating integridad ay kung tutuparin natin ang ating mga pangako o kung may mga pagkakataon na hindi tayo tumutupad sa ating sinabi.

7. Ang integridad ay hindi depende sa kung may ibang nakakakita. Ito ay kusang ginagawa, hindi nang dahil sa iba. Nagkuwento si Elder Marion D. Hanks (1921–2011) ng Pitumpu tungkol sa lalaki at sa kanyang musmos na anak na lalaki na “tumigil sa isang liblib na taniman ng mais sa isang malayong daan sa bayan” at pinag-interesan ang masarap na mais sa kabilang bakuran. Ang ama, matapos tumingin sa kanyang harapan, likuran, kaliwa, at kanan, ay “nagsimulang umakyat sa bakod” para kumuha ng ilang mais. Tiningnan siya ng kanyang anak at pinagsabihan siya, “Itay, nalimutan ninyong tumingala.”7

Sa dula ni Shakespeare na Hamlet, sinabi ni Polonius sa kanyang anak na si Laertes:

Maging tapat ka sa iyong sarili,

At kasunod nito, gaya ng kasunod ng umaga ang gabi,

Hindi mo magagawang magsinungaling sa iba.8

Napakagandang payo! Makapipili tayo. Maaari tayong manindigan at kontrolin ang ating buhay o maging mga laruan tayo na kontrolado ng ating kapaligiran at mga kabarkada.

Manonood ba kayo ng pornograpiya sa harap ng inyong ina, kadeyt, asawa, o bishop? Kung maling gawin ito sa harap ng iba, mali rin ito kahit wala sila. Ang taong may integridad na tapat sa sarili at sa Diyos ay pipiliin ang tama may nakatingin man o wala dahil kusa niya itong ginagawa, hindi dahil kontrolado siya ng iba.

Nawa’y magkaroon ng karatula ang integridad ng ating kaluluwa na nakasaad sa malalaking letra ang “HINDI IBINEBENTA SA ANUMANG HALAGA” para masabi tungkol sa atin, tulad ng sinabi tungkol kay Hyrum Smith, na, “Pinagpala ang aking tagapaglingkod na si Hyrum Smith sapagkat ako, ang Panginoon, ay minamahal siya dahil sa katapatan ng kanyang puso” (D at T 124:15).

Nawa’y magkaroon tayong lahat ng integridad—hindi dahil kailangan kundi dahil nais nating taglayin ito. Ipinahayag ng Panginoon ang gantimpala sa mga taong nagtataglay nito: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, lahat sa kanila na nakababatid na ang kanilang mga puso ay tapat … at handang tuparin ang kanilang mga tipan sa pamamagitan ng paghahain … ay tinatanggap ko” (D at T 97:8; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Nawa’y tanggapin tayong lahat ng Diyos dahil sinisikap nating maging mga lalaki at babaeng may integridad.

Mga Tala

  1. Robert Bolt, A Man for All Seasons: A Play of Sir Thomas More (1960), 2.

  2. Bolt, A Man for All Seasons, 95.

  3. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel, “Every Window, Every Spire ‘Speaks of the Things of God,’” Ensign, Mar. 1993, 9.

  4. C. S. Lewis, Mere Christianity (1960), 22.

  5. Abraham Lincoln, unang inaugural address, Mar. 4, 1861.

  6. N. Eldon Tanner, sa Conference Report, Okt. 1966, 99.

  7. Marion D. Hanks, sa Conference Report, Okt. 1968, 116.

  8. William Shakespeare, Hamlet, ed. W. J. Craig (1914), yugto 1, tagpo 3, mga linya 85–87.

Mga paglalarawan ni Robert Casey