Natuksong Magsinungaling
Aderogba Aderemi, Nigeria
Ang chapel na pinagsasambahan ko sa Nigeria ay malapit sa eskuwelahan at ang prinsipal dito ay walang pakialam sa Simbahan. Sa isang pagkakataon sinabihan ng prinsipal ang isang guro na huwag nang babalik sa eskuwelahan kailanman nang malaman nitong miyembro ng Simbahan ang guro. Isang miyembro ng Simbahan na nagboluntaryong bumisita at magpaliwanag ng misyon ng Simbahan ang tinanggihan nito.
Bilang salesman para sa laboratory at medical equipment, madalas akong bumisita sa mga eskuwelahan at ospital para magbenta. Pagkaraan ng isang buwan na wala akong naibenta, wala akong nagawa kundi puntahan ang eskuwelahang ito. Ang plano ko ay ibenta ang produkto ko at umalis, umaasang hindi malalaman ng prinsipal na miyembro ako ng Simbahan. Gayunman, ibinulong sa akin ng Espiritu na gugustuhin nitong malaman ang tungkol sa aking relihiyon.
Naging maayos naman ang pag-uusap namin ng pinuno ng science department ng eskuwelahan, at dinala ako nito sa prinsipal para mabayaran. Matapos sulatan ang tseke, nagtanong na siya sa akin para mas makilala pa niya ako. Nang maging personal na ang mga tanong niya, hindi na ako napakali. Pagkatapos ay itinanong niya ang ipinagdasal kong huwag niyang itanong: “Ano ang relihiyon mo?”
Natukso akong magsinungaling, kunin ang tseke, at umalis dahil kailangang-kailangan kong makabenta. Pero naramdaman ko na dapat kong sabihin sa kanya ang totoo. Tutal, mas malala ang naranasan ng mga naunang Banal kaysa sa maliit na pagsubok na ito sa pananampalataya ko.
Lakas-loob ko siyang tiningnan nang diretso sa mata at sinabi ko, “Miyembro po ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Pagkatapos ay nagpatotoo ako. Nagulat ako nang ngumiti siya, at sinabi niya na iisa ang Diyos na sinasamba nating lahat, at iniabot sa akin ang tseke.
Pag-alis ko, naisip ko ang isang talata sa banal na kasulatan: “Ngayon, ito ay naging isang malaking pagsubok sa mga yaong nanatiling matatag sa pananampalataya; gayon pa man, sila ay naging matatag at di natitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at kanilang binata nang may pagtitiis ang pag-uusig na ibinunton sa kanila” (Alma 1:25).
Masaya ako dahil hindi ko binigo ang Ama sa Langit o ang sarili ko. Dahil sa karanasang ito, nangako ako na laging magiging mabuting sales representative. Ang mas mahalaga, nangako ako na laging maging mabuting kinatawan ng ebanghelyo ni Jesucristo.