Marami Ring Ginagawa ang Aking Guro sa Seminary
Ni Maria Andaca, Metro Manila, Philippines
Sa Pilipinas, may mga science high school na nakatuong mabuti sa akademika. Ang mga estudyante sa mga paaralang ito ay mas maraming subject, mas matagal ang oras sa klase, at maraming homework. Ganito ang uri ng aking kapaligiran noong dalagita pa ako.
Hindi ko dinaluhan ang maraming aktibidad pagpasok ko ng high school dahil alam kong mas marami akong iuukol na oras sa pag-aaral. Halos hindi ako dumadalo noon sa mga aktibidad ng Simbahan at paminsan-minsan ay hindi nagsisimba sa araw ng Linggo dahil sa mga gawain sa paaralan. Nahirapan din akong dumalo ng seminary.
Isang Sabado sinabi sa amin ng aming guro sa seminary kung gaano siya kaabala noong nasa high school pa siya. Sa kabila ng kanyang iskedyul, nagagawa pa rin niya ang asayment sa seminary at pinag-aaralan ang mga scripture mastery sa aklatan. Nagdesisyon akong tanggapin ang kanyang hamon at gayon din ang gawin. Dala-dala ko lagi ang aking mga scripture mastery card at nirerebyu ang mga ito kapag may libreng oras ako. Nanalangin ako at humingi ng tulong na mabalanse ko ang pag-aaral ko ng seminary at ang mga gawain sa paaralan. Nagsasaulo ako ng mga banal na kasulatan habang nasa sasakyan papunta sa paaralan. Inilalabas ko ang mga card habang nakikipag-usap ako sa aking mga kaibigan. Kapag oras ng meryenda at tanghalian, natutuwa ang mga kaibigan ko sa pagtatanong sa akin ng nasa mga mastery card. At nagsimulang dalhin ng ilan sa kanila ang kanilang mga banal na kasulatan at nagkukuwentuhan tungkol sa mga aktibidad sa kanilang mga simbahan. Nadama ko ang pagbabago sa aking kapaligiran, at naging mas magaan ang gawain at mas maganda ang pakiramdam ko sa eskuwelahan.
Sinundan ng tatlo kong nakababatang mga kapatid na babae ang aking halimbawa, at ngayon ay inaani ng pamilya ko ang mga pagpapalang dulot ng mga banal na kasulatan sa aming tahanan. Ang pagsasaulo ko ng mga scripture mastery verse ay napakasimpleng gawain, ngunit mas mahalaga kaysa sa mga naisaulong salita, natutuhan ko ang kaibhang magagawa ng mga banal na kasulatan sa akin at sa mga taong nakapaligid sa akin. Alam ko na kahit ano pa ang hamon o pagsubok na ating makaharap, palagi tayong magkakaroon ng lakas at patnubay sa mga salita ng ating mapagmahal na Tagapagligtas.