Magpokus sa mga Pinahahalagahan
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa kabataan sa Nairobi, Kenya, noong Nobyembre 2011.
Ang pagkakaroon ng walang-hanggang mga pinahahalagahan ay tutulong sa atin na marating ang nais ng ating Ama sa Langit na marating natin.
Gusto kong magsalita tungkol sa ilang pinahahalagahan na dapat ninyong pagtuunan ng pansin sa inyong araw-araw na buhay. Makikilala ninyong mga kabataang babae ang mga ito. At kayong mga kabataang lalaki, hindi lamang ito para sa mga kabataang babae. Ang mga pinahahalagahang ito ay nararapat din ninyong pagtuunan ng pansin gaya ng mga kabataang babae.
Pananampalataya
Ang unang pinahahalagahan ng Young Women ay pananampalataya. Sa katunayan, pananampalataya ang unang alituntunin ng ebanghelyo. Dapat ninyong ituon ang inyong pananampalataya sa ating mapagmahal na Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang Panginoong Jesucristo. Dapat patuloy rin ninyong patatagin ang inyong pananampalataya sa plano ng Diyos ukol sa kaligtasan.
Mahalagang magkaroon ng pananampalataya upang masunod ang lahat ng kautusan ng Diyos, nalalaman na ibinigay ang mga ito para pagpalain kayo at magdulot sa inyo ng kagalakan. May makikilala kayong mga tao na namimili kung aling mga utos ang susundin at kung alin ang kanilang babalewalain. Hindi uubra ang ganitong pagpili. Hahantong ito sa kalungkutan. Sa paghahandang humarap sa Diyos, kailangan ninyong sundin ang lahat ng Kanyang mga utos. Kailangan ng pananampalataya para masunod ang mga ito, at ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay magpapalakas sa pananampalatayang iyon.
Banal na Katangian
Ang pangalawang pinahahalagahan ng Young Women ay ang banal na katangian. Iyan ang paraan ng matatanda sa pagsasabing, “Ako ay anak ng Diyos.” Kayo ay may kabanalan sa inyong kalooban. Ang ating Ama sa Langit ang lumikha sa inyo.
Naisip na ba ninyong magpasalamat para sa inyong puso? Tingnan ninyo ang trabahong ginagawa nito. Bumobomba ito ng sapat na likido o tubig bawat araw na makapupuno sa isang railroad tank car, mga 2,000 galon (7,570 litro). Sa loob ng puso ay may apat na balbula na bukas-sara nang 100,000 beses sa isang araw, mahigit 36 milyong beses sa isang taon, at hindi nasisira ang mga ito. Walang bagay na gawa ng tao—papel, plastik, metal, o bakal—na makakapagbukas-sara nang ganoong karaming beses, nang ganoon kadalas, nang hindi nasisira. Bawat organ o bahagi ng katawan ay napakainam ng pagkadisenyo at kagila-gilalas ang gamit nito.
Alam ninyo kung lalangoy kayo sa ilalim ng tubig nang hindi humihinga, sandali lang ang itatagal ninyo. Ano ang nagtutulak sa inyo na huminga? Ang carbon dioxide ay sinusukat ng dalawang maliliit na metro sa leeg, at nagpapadala ang mga ito ng mensahe sa inyong utak na parang sinasabing, “Masyado nang mataas ang lebel ng iyong carbon dioxide. Alisin mo na ito.” Kaya’t lumalangoy kayo paahon at bubuga ng hangin, para lumabas ang carbon dioxide.
Talagang pambihira ang mga nagagawa ng inyong katawan! Pangalagaang mabuti ang inyong katawan. Huwag gumawa ng anumang bagay na magpaparumi sa likas na kagandahan nitong kagila-gilalas na likhang bigay ng Diyos.
Kahalagahan ng Sarili
Ang susunod na pinahahalagahan ng Young Women ay ang kahalagahan ng sarili. Ang matapat na disipulo ni Jesucristo ay magiging matapat na anak ng Diyos—mas gugustuhing maging mabuti kaysa maging makasarili, mas sabik na magpakita ng awa kaysa maging dominante, mas pipiliin ang integridad kaysa popularidad.
Alam ninyo ang inyong walang katapusang kahalagahan. Tunay na bawat matapat na dalagita sa Simbahan ay nagsasabing ang kahalagahan ng sarili ay isa sa mga pinakamahalaga sa kanya. Sinasabi niya, “Ako ay may walang hanggang kahalagahan at may sarili akong banal na misyon, na pagsisikapan kong isakatuparan” (Pansariling Pag-unlad ng Young Women [buklet, 2009], 29). Totoo rin ito sa mga kabataang lalaki. Bawat anak na lalaki at anak na babae ng Diyos ay walang hanggan ang kahalagahan dahil sa kanyang banal na misyon.
Kabilang din sa kahalagahan ng sarili ang pag-unlad ng inyong pananampalataya bilang indibiduwal. Walang ibang makapagpapaunlad ng inyong pananampalataya. Maaaring gusto ninyong magkaroon ng pananampalatayang tulad ng kay Pangulong Thomas S. Monson o ng iba pang hinahangaan ninyo, pero kailangang kayo mismo ang magpaunlad nito. Kapag nakagagawa kayo ng pagkakamali, bilang isang indibiduwal pinagsisisihan ninyo ang mga nagawa ninyong pagkakasala. Nang kayo ay bininyagan at natanggap ninyo ang kaloob na Espiritu Santo, ginawa ito sa bawat isa. Kaya, bilang isang indibiduwal, gumagawa kayo ng mga tipan. Ang mga ordenansang ito ng kaligtasan ay ginagawa ng bawat isa.
Ang pinakadakilang mga ordenansa at pagpapala ng pagiging miyembro sa Simbahan ay dumarating sa loob ng templo. Naroon ang mga ordenansa ng endowment at ng mga pagbubuklod sa mga magulang, asawa, at mga ninuno. Lahat ng ordenansa ng kadakilaan ay para sa pamilya. Nakikita ba ninyo ang kaibhan? Ang mga ordenansa ng kaligtasan ay isahang ginagawa; ang mga ordenansa ng kadakilaan ay kinabibilangan ng mahigit sa isang tao.
Kaalaman
Ang susunod na pinahahalagahan ng Young Women ay kaalaman. Sa Simbahan, ang pagkakamit ng edukasyon at pagkakaroon ng kaalaman ay responsibilidad ng relihiyon. Tinuturuan natin ang ating isipan para balang-araw makapagbigay tayo ng makabuluhang paglilingkod sa ibang tao. Ang magnais na gumawa ng kaunting kabutihan o gumawa ng kaunting kabutihan ay nakasalalay sa taglay na kaalaman.
Madalas akong tanungin ng mga tao kung ano ba ang pakiramdam ng maging isang doktor. Tanong nila, “Gaano ka katagal nag-aral?” Ah, napakatagal. Mula nang makatapos ako ng medisina hanggang sa maningil ako ng unang bayad sa ibinigay kong serbisyo ay gumugol ng 12½ taon. Matagal na panahon, ngunit nag-aral man ako o hindi paglipas ng 12½ taon pareho lang ang edad ko? Parehong-pareho. Kaya makabubuting sikapin mong abutin ang kaya mong marating.
Dahil nag-aral ako ng medisina nagawa kong operahan sa puso si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) noong 1972. Kaya huwag ninyong mamaliitin ang kaalaman. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay talagang katalinuhan (tingnan sa D at T 93:36).
Pagpili at Pananagutan
Ang kasunod na pinahahalagahan ng Young Women ay pagpili at pananagutan. Isang paraan ito ng pagsasabi ng “kalayaang moral.” Ang kalayaang moral ay bahagi ng buhay dahil gusto ng Ama sa Langit na kumilos ang bawat isa sa atin para sa ating sarili at marating ang nais nating marating.
Ang pagpili at pananagutan ang nagsasabi sa inyo na sa bawat desisyong ginagawa ninyo, kayo ay mananagot sa mga ibubunga ng desisyong iyon. Kaya kailangan tayong gumawa ng makabuluhang mga desisyon. Siguro hindi gaanong mahalaga kung ang suot ninyong kurbata ay asul o pula o ang damit ninyo ay kulay lila o berde, ngunit ang mahalaga ay kung ang pagpili ninyo ay naglalapit ba sa inyo o naglalayo sa inyo sa Panginoon at sa Kanyang paraan ng pamumuhay. At bakit kami nagpapayo at nakikiusap na sundin ninyo ang paraan ng Panginoon? Simple lang, dahil ito ang landas tungo sa kaligayahan.
Mabubuting Gawa
Ang susunod na pinahahalagahan ng Young Women ay mabubuting gawa. Ang huwaran nito ay ang buhay ni Jesucristo, na nagmamahal sa mga tao. Para ipakita ang Kanyang pagmamahal sa mga tao, pinaglingkuran Niya sila. Kapag mahal natin ang isang tao, ipinakikita natin ito sa paggawa ng mabuti. Kaya matutong maglingkod: hanapin ang pangangailangan at tugunan ang pangangailangan. Gawan ng kabutihan ang isang tao nang hindi nila inaasahan. May ganyan tayong pagkakataon sa tahanan, sa paaralan, at sa simbahan.
Naaalaala ko pa nang una akong magpunta sa Africa bilang General Authority. Kasama ko noon sa pagbiyahe si Elder Russell C. Taylor. Paggising ko tuwing umaga, makikita ko na lang na pinakintab na niya ang aking sapatos. Hindi niya kailangang pakintabin ang sapatos ko, pero iyon ang paraan niya ng pagsasabing, “Mahal kita.”
Integridad
Ang kasunod na pinahahalagahan ng Young Women ay integridad. Ang salitang integridad ay mula sa salitang integer, na ibig sabihin ay “buo” o “walang kulang.” Sa medisina pinag-uusapan namin ang tungkol sa integridad ng istruktura ng puso. Kaya’t kapag nagkaroon ng problema—halimbawa, nasugatan ang puso—sinasabi naming nawalan ito ng integridad; hindi na nito ginagawa ang dapat nitong gawin. Kung nakapatungkol sa tao, ang ibig sabihin ng integridad ay mapagkakatiwalaan ka—puwede kang asahan.
Sa mga banal na kasulatan mababasa natin na ang kapatid ni Propetang Joseph Smith na si Hyrum ay minahal ng Panginoon dahil sa “katapatan ng kanyang puso” (D at T 124:15). Hindi tinutukoy ng Panginoon ang anatomiya ng puso; ang tinutukoy Niya ay ang integridad ng espiritu ni Hyrum.
Kabanalan
Ang pinakabagong pinahahalagahan ng Young Women ay ang kabanalan. Ang kabanalan ay napakagandang salita. Ano ang ibig sabihin nito sa inyo? Ang ibig sabihin ng kabanalan ay “kadalisayan.” Ngunit may isa pang kahulugan. Naaalala ba ninyo sa Bagong Tipan nang hipuin ng babaing inaagasan ang laylayan ng damit ng Tagapagligtas? Sinabi ng Tagapagligtas, “May humipo sa akin: sapagka’t naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin” (Lucas 8:46). Sa gayong sitwasyon, ang kabanalan ay may kaibang kahulugan. Sa wikang Griyego ang salitang dunamis, ang pinag-ugatan ng mga salitang dynamo at dynamite. Ibig sabihin nito ay “kapangyarihan.” Nais namin ang dalawang uring ito ng kabanalan para sa inyong mga kabataan.
Abutin ang Inyong Potensiyal
Ang kaalaman ay nagdudulot ng kapangyarihan; ang kadalisayan ay nagdudulot ng kapangyarihan; ang pag-ibig ay nagdudulot ng kapangyarihan. Nais naming mapasainyo ang kapangyarihan upang marating ang nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo. Lumalaki kayo, nagbabago kayo, at kayo ang bahala sa kahihinatnan ninyo.
Sa palagay ko walang ipinagkaiba kung kayo man ay isang tagapagbenta ng mga muwebles, isang siruhano, abugado, o arkitekto. Anumang karapat-dapat na trabaho, ano man ang akma sa inyo, ay napakaganda. Ngunit ang talagang mahalaga ay ang kahihinatnan ninyo.
Itanong ang mga ito sa inyong sarili: May integridad ba ako? May kadalisayan ba ako? May pagmamahal ba ako? Mahabagin ba ako? Lahat ng mga katangiang ito ay hindi masusukat. At habang iniisip at ipinamumuhay ninyo ang mga katangian ng mga pinahahalagahan ng Young Women, tutulungan kayo nitong maabot ang inyong potensiyal.