Mga Kuwento mula sa Kumperensya
Batid ng Diyos ang Ating mga Kaloob
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Tulungan Silang Magtakda ng Mataas na Mithiin,” Liahona, Nob. 2012, 67.
Nang maging deacon ako sa edad na 12, nakatira ako noon sa New Jersey, 50 milya (80 km) ang layo sa New York City. Nangarap akong maging bantog na manlalaro ng baseball. Pumayag ang tatay ko na isama ako para makapanood ng isang laro sa lumang Yankee Stadium, sa Bronx. Parang nakikita ko pa rin ang paghataw ng bat ni Joe DiMaggio nang maka-home run siya at ang bola ay napunta sa may mga upuan sa center field habang katabi kong nanonood si itay, ang tanging pagkakataon na magkasama kaming nanood ng larong major league baseball.
Ngunit may isa pang araw na kasama ko ang aking itay na habampanahong humubog sa aking buhay. Dinala niya ako mula sa New Jersey tungo sa tahanan ng isang inorden na patriarch sa Salt Lake City. Noon ko lamang siya nakita. Iniwan ako ni itay sa may pintuan. Pinaupo ako ng patriarch sa isang silya, ipinatong ang kanyang kamay sa aking ulo, at binigkas ang basbas bilang kaloob mula sa Diyos na kasama ang pinakamatinding hangarin ng aking puso.
Sinabi niya na isa ako sa mga sinabihan na, “Mapalad ang mga tagapamayapa.” [Mateo 5:9.] Nagulat ako na nalaman ng isang estranghero ang nasa puso ko kaya’t iminulat ko ang aking mga mata para makita ang silid na pinangyayarihan ng gayong himala. Ang basbas tungkol sa mga maaari kong magawa ang humubog sa buhay ko, sa pag-aasawa ko, at sa paglilingkod ko sa priesthood.
Mula sa karanasang iyon at sa mga sumunod pa rito, mapatototohanan ko na, “Sapagkat hindi lahat ay pinagkakalooban ng lahat ng kaloob; sapagkat maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos” (D at T 46:11).
Sa paghahayag sa akin ng Panginoon ng isang kaloob, natanto ko at napaghandaan ang mga pagkakataong magamit ito para pagpalain ang mga mahal ko at pinaglilingkuran.
Batid ng Diyos ang ating mga kaloob. Ang hamon ko sa inyo at sa akin ay ipagdasal na malaman ang mga kaloob na ibinigay sa atin, para malaman kung paano pauunlarin ang mga ito, at matanto ang mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Higit sa lahat, dalangin ko na mabigyan kayo ng inspirasyong tulungan ang iba na tuklasin ang kanilang espesyal na kaloob mula sa Diyos upang makapaglingkod.
Pagsasabuhay ng Mensaheng Ito
-
Habang binabasa at pinagninilayan ninyo ang Doktrina at mga Tipan 46:11–26, ipagdasal na malaman kung ano ang mga espirituwal na kaloob na maaaring nasa inyo.
-
Paano mapapaunlad ng paglilingkod sa iba ang inyong mga espirituwal na kaloob?
-
Kung wala pa kayong patriarchal blessing, isiping kumuha na nito.
Isiping isulat ang inyong mga ideya sa inyong journal o talakayin ang mga ito sa iba.