2013
Pagsagot sa mga Tanong tungkol sa Plano ng Kaligtasan
Pebrero 2013


Pagsagot sa mga Tanong tungkol sa Plano ng Kaligtasan

question marks and raised hands

At ano ang paniniwala ng mga Mormon tungkol sa kasal?” tanong sa akin ng guro namin sa Spanish sa hayskul.

Lumingon ang lahat ng kaklase ko mula sa kanilang upuan, para makinig sa sagot ko. Napalunok ako at nagtaka kung paano napunta sa pagdedeyt at kasal ang talakayan namin sa klase tungkol kina Don Quixote at Dulcinea.

Wala nang ibang miyembro ng Simbahan sa klase. Ano ang dapat kong sabihin? Gaano karaming detalye ang dapat kong ibigay? Pagtatawanan ba ako ng lahat kung magsalita ako tungkol sa walang-hanggang kasal?

“Kami ay, ah … ,” pautal kong sinabi, na hindi pa rin tiyak kung ano ang sasabihin.

Noon ako sinagip ng kaibigan kong si Denise. “Maganda ang pananaw ng mga Mormon tungkol sa kasal,” wika niya. “Naniniwala sila na ang mga kasal na isinasagawa sa kanilang mga templo ay maaaring magtagal magpakailanman.”

“Iyan ang maganda,” sagot ng aming guro. Maging ang mga kaklase ko ay tila nasiyahan.

Matapos iyon, nagpatuloy ang klase namin at iniisip ko pa rin kung bakit ako pinagpawisan sa isang tanong na napakadaling nasagot ng kaibigan kong hindi miyembro ng simbahan.

Habang dumarami ang mga taong nakaririnig tungkol sa Simbahan, darami ang pagkakataon ng mga Banal sa mga Huling Araw na sumagot sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo. Sa hayskul, nalaman ko na hindi tayo kailangang magbigay ng mahahabang sagot, at hindi tayo kailangang matakot. Maliwanag ang sinasabi ng magaganda at mga simpleng doktrina ng ebanghelyo.

Sa susunod na magtanong ang mga kaibigan ninyo tungkol sa alam natin bilang “plano ng kaligtasan,” isiping gamitin ang sumusunod na maiikling sagot. Naroon ang mga detalyeng nais malaman ng karamihan sa mga tao, kaya hindi ninyo dapat isipin na kailangan ninyo ng diagram ng buong plano ng kaligtasan sa isang tsart.

Saan Tayo Nanggaling?

Tayo ay mga walang-hanggang nilalang. Bago tayo isinilang, nabuhay tayo sa piling ng Diyos, ang Ama ng ating mga espiritu. Lahat ng tao sa mundo ay literal na magkakapatid na may iisang Ama sa Langit. Sa buhay bago tayo isinilang sa mundo, bawat isa sa atin ay isang indibiduwal na may banal na katangian at tadhana. Binigyan tayong lahat ng Diyos ng kaloob na kalayaan, o ng karapatang pumili para sa ating sarili, kapwa sa buhay bago tayo isinilang at dito sa lupa. Dahil Siya ang Ama ng ating espiritu, tinatawag natin Siya na ating Ama sa Langit.

Bakit Tayo Narito?

Ang buhay sa mundo ay bahagi ng plano ng Diyos para sa ating walang-hanggang kaligayahan. Kasama sa planong iyan ang pagkakaroon ng pisikal na katawan at pagkatutong pumili sa pagitan ng mabuti at masama. Sinabi ng ating buhay na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson: “Lubos tayong magpasalamat na bumuo ng daigdig ang matalinong Lumikha at inilagay tayo rito na may lambong ng pagkalimot tungkol sa ating pinagmulan kaya maaari tayong dumanas ng pagsubok, isang pagkakataon para patunayan ang ating sarili, upang maging karapat-dapat sa lahat ng inihanda ng Diyos na matanggap natin” (“Ang Takbo ng Buhay,” Liahona, Mayo 2012, 91).

Saan Tayo Pupunta Pagkatapos ng Buhay na Ito?

Patuloy tayong mabubuhay pagkamatay natin, ngunit ang buhay natin sa hinaharap ay batay sa kung paano tayo namumuhay ngayon. Kung ipamumuhay natin ang ebanghelyo, ang biyaya ng Panginoong Jesucristo ay bibigyan tayo ng kakayahang magsisi, mapatawad sa mga kasalanan, at maging malinis sa harapan ng Diyos.

Nalaman natin sa Aklat ni Mormon na “ang espiritu ng lahat ng tao matapos na sila ay lumisan sa katawang mortal na ito, … maging sila man ay mabuti o masama, ay dadalhin pabalik sa Diyos na sa kanila ay nagbigay-buhay.

“At sa gayon ito ay mangyayari na ang mga espiritu ng yaong mabubuti ay tatanggapin sa kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso, isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan, kung saan sila ay mamamahinga mula sa kanilang mga suliranin at sa lahat ng alalahanin at kalungkutan” (Alma 40:11–12).

Kung isasabuhay natin ang Pagbabayad-sala, o sakripisyo, ni Jesucristo, pagsisisihan ang ating mga kasalanan, at sisikaping mabuhay na katulad Niya, lilinisin tayo ng Kanyang Pagbabayad-sala at tutulutan tayo nitong mabuhay magpakailanman sa piling ng Ama sa Langit.

Yaong mga magpapasiyang huwag sundan si Cristo at tanggapin ang Kanyang ebanghelyo ay hindi tatanggap ng mga pagpapalang iyon (tingnan sa Alma 40:13–14).

Ano ang Papel na Ginagampanan ni Jesucristo?

Isinugo ng ating Ama sa Langit ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang maging Tagapagligtas natin at upang ituro sa atin kung paano mamuhay ayon sa plano ng Diyos. Mahuhugasan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang ating mga kasalanan at magagawa tayong karapat-dapat na bumalik sa piling ng Diyos. Matapos Ipako sa Krus ang Tagapagligtas, nahimlay ang Kanyang katawan sa libingan nang tatlong araw hanggang sa magbalik ang Kanyang espiritu. Dahil napagtagumpayan ni Jesus ang kamatayan (tingnan sa Mormon 7:5), tayo ay mabubuhay na mag-uli pagkamatay natin at mabubuhay magpakailanman na may perpektong katawan.

Mga larawan © Thinkstock/iStock at iStock; LARAWAN NG TEMPLO NA KUHA NI Craig Dimond