Ang Ating Paniniwala
KAILANGAN TAYONG IPANGANAK NG TUBIG AT NG ESPIRITU
Naniniwala tayo na kailangan nating mabinyagan at matanggap ang kaloob na Espiritu Santo (sa pamamagitan ng ordenansa ng kumpirmasyon) para maligtas sa kaharian ng langit. Itinuro ng Tagapagligtas, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5).
Itinuro din ng Panginoon na ang ordenansa ng binyag—gaya ng lahat ng iba pang mga ordenansa ng ebanghelyo—ay dapat isagawa ng isang karapat-dapat na mayhawak ng priesthood: “Ang taong tinawag ng Diyos at may karapatan mula kay Jesucristo na magbinyag, ay bababa sa tubig kasama ang taong bibinyagan. … Pagkatapos ay kanyang ilulubog siya sa tubig, at iaahon muli mula sa tubig” (D at T 20:73–74).
Ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay simbolo ng libing ng makasalanan at ng espirituwal na muling pagsilang ng tao upang mamuhay sa “panibagong buhay” (Mga Taga Roma 6:4). Sa binyag tinatalikuran natin ang dati nating buhay at nagsisimula tayo ng bagong buhay bilang mga disipulo ni Jesucristo. Sa ating kumpirmasyon, tayo ay nagiging mga miyembro ng Kanyang Simbahan.
Kasama rin sa binyag ang isang sagradong tipan, isang pangako, sa pagitan ng Ama sa Langit at ng taong bininyagan. Nakikipagtipan tayong susundin ang Kanyang mga utos, paglilingkuran Siya at ang Kanyang mga anak, at tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Nangangako Siyang patatawarin ang ating mga kasalanan, “[ibubuhos] nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa [atin]” (Mosias 18:10), at pagkakalooban tayo ng buhay na walang hanggan.
Sinunod mismo ng Tagapagligtas ang utos na magpabinyag, kahit wala Siyang kasalanan (tingnan sa Mateo 3:13–17). Nabinyagan Siya para sumunod, para magpakita ng halimbawa sa atin, at para “ganapin ang lahat ng katwiran” (tingnan sa 2 Nephi 31:5–9). Sa gayon, ang mga nagpapabinyag ay sumusunod sa halimbawa ng Tagapagligtas.
-
Ang mga nagnanais magpabinyag ay dapat “[mag]pakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos, … pinatutunayan sa simbahan na sila ay tunay na nagsisisi sa lahat ng kanilang kasalanan, at [maging handang] taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo” (D at T 20:37).
-
“Naniniwala kami [sa] … pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4).
-
Kasunod ng binyag, kinukumpirma tayong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at tumatanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
-
Ang binyag at kumpirmasyon ay nagtutulot sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na espirituwal na linisin ang ating buhay, kabilang na ang “kapatawaran ng … mga kasalanan” (D at T 33:11).
-
Sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon tayo ay nagiging “mga kababayan na kasama ng mga banal” sa “sangbahayan ng Dios” (Mga Taga Efeso 2:19).