2013
Kailangan Natin ang Simbahan ni Cristo
Pebrero 2013


Kailangan Natin ang Simbahan ni Cristo

Uso ngayon ang pagsisinungaling na puno ng kasamaan.

youth walking

Kung masisilip ninyo ang lalagyan ng mga kasangkapan ng diyablo, makikita ninyo ang mga kasangkapang sadyang ginawa para iligaw ang tao, gayundin ang ilang mahuhusay na kasangkapan na kitang-kitang madalas niyang gamitin.

Isang partikular na kasangkapan na napakadalas niyang gamitin sa mga panahong ito ay nasa mapanlinlang na kasinungalingang ito: “Hindi ninyo kailangan ng organisadong relihiyon para maging mabuting tao, maging espirituwal, o mahalin si Jesus. Lahat ng simbahan ay hindi perpekto at tiwali rin naman.”

Ang panlilinlang na ito ay tuso dahil nagsasabi ito ng dalawang totoong ideya para tanggapin ninyo ang malaking kasinungalingan. Totoong dapat nating patatagin ang ating relasyon sa Diyos at ang mga tao ay hindi perpekto, ngunit hindi dahil sa totoo ang mga ito ay mali na ang mismong ideya ng pagkakaroon ng simbahan.

Hindi totoo ang ganitong klase ng pag-iisip, at narito ang limang dahilan lamang kung bakit:

1. Itinatag ni Cristo ang Kanyang Simbahan. Sa mga Ebanghelyo ayon kina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan, makikita ninyo na halos buong ministeryo ng Tagapagligtas ay binuo ng pagtawag sa mga tao, pagbibigay sa kanila ng awtoridad, pagsasanay sa kanila sa pamumuno, at pagtuturo sa kanila kung paano kumilos bilang isang grupo. Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mga hindi naniniwalang kailangan ang organisadong relihiyon ay tumatanggi sa gawain ng Guro, na nagtatag ng Kanyang Simbahan at humirang sa mga pinuno nito noong kalagitnaan ng panahon at muling nagtatag ng mga ito sa makabagong panahon.”1

Christ and the restoration of the Melchizedek Priesthood

2. Pinangangasiwaan ng Simbahan ang ebanghelyo at ang mga ordenansa nito. Malinaw na itinuro ng Tagapagligtas na ang binyag at ang kaloob na Espiritu Santo ay mahalaga sa kaligtasan (tingnan sa Juan 3:5), at ang awtoridad na ipangaral ang ebanghelyo at isagawa ang mga ordenansa ay ipinag-utos. Tulad ng sabi ni Elder Oaks, “Malinaw na nakasaad sa Biblia na kailangan ang awtoridad ng priesthood at na ang awtoridad na ito ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga taong mayhawak nito. Ang awtoridad ng priesthood ay hindi nagmula sa hangaring maglingkod o mula sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan.”2

3. Ang Simbahan ay tumutulong sa atin na maging mas mabubuting tao. Kamakailan ay itinuro ni Elder Donald L. Hallstrom ng Panguluhan ng Pitumpu: “Kailangan natin ang ebanghelyo at ang Simbahan. Sa katunayan, layunin ng Simbahan na tulungan tayong ipamuhay ang ebanghelyo.”3 Bagama’t ang Simbahan ay binubuo ng mga taong hindi perpekto, tinutulungan tayo nitong maging higit na katulad ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin ng Kanyang doktrina, pagbibigay sa atin ng mga pagkakataong maglingkod at personal na umunlad, at pagtutulot sa atin na pumasok sa mga tipan at panibaguhin ang mga ito sa Diyos.

4. Mahalaga ang pagkakaisa. Iniutos sa atin ng Panginoon na “maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (D at T 38:27). Ang pagiging isa o pagkakaisa ay mahalagang bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit para sa atin. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

“Nasasabik tayo bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit sa kagalakang iyon na minsa’y nadama natin sa piling Niya bago tayo isinilang. Hangad Niyang ipagkaloob ang sagradong pangarap nating iyon na magkaisa dahil mahal Niya tayo.

“Hindi Niya ito maipagkakaloob sa atin nang hiwa-hiwalay tayo. Ang galak sa pagkakaisa na gustung-gusto Niyang ibigay sa atin ay hindi sa pag-iisa. Hangarin natin ito at maging marapat para dito na kasama ang iba. Hindi nakakagulat kung gayon na hinihimok tayo ng Diyos na magtipon upang mapagpala Niya tayo.”4

5. Ang “organisado” ay hindi kasing-kahulugan ng “masama” o “tiwali.” Karaniwan kapag tinawag ng mga tao na “organisado” ang isang tao o isang bagay, papuri iyon. Ngunit sa relihiyon ito ay parang pang-iinsulto. Ayon kay Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang isa sa mga dahilan kaya inorganisa ni Cristo ang Kanyang Simbahan ay “dahil hindi sapat ang manaka-nakang kabutihan ng bawat tao para labanan ang kasamaan.”5 Niliwanag ng Panginoon ang usaping ito nang sabihin Niyang, “Masdan, ang aking bahay ay isang bahay ng kaayusan, wika ng Panginoong Diyos, at hindi isang bahay ng kaguluhan” (D at T 132:8). Pagiging organisado ang mismong kailangan ng isang relihiyon.

Kapag nakaharap ninyo ang mga kasinungalingan na mga kasangkapan ng diyablo, tandaan na may sarili kayong mga kasangkapan na tutulong sa inyo na ipamuhay ang ebanghelyo—mga kasangkapang makukuha natin sa pamamagitan ng Simbahan ni Jesucristo: mga banal na kasulatan, kaloob na Espiritu Santo, inyong patotoo, at mga katotohanang inihayag sa pamamagitan ng mga makabagong propeta.

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan,” Liahona, Nob. 2010, 85.

  2. Dallin H. Oaks, “Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan,” Liahona, Ago. 2011, 50.

  3. Donald L. Hallstrom, “Nagbalik-loob sa Kanyang Ebanghelyo sa Pamamagitan ng Kanyang Simbahan,” Liahona, Mayo 2012, 14.

  4. Henry B. Eyring, “Nagkakaisa ang Ating mga Puso,” Liahona, Nob. 2008, 69.

  5. Neal A. Maxwell, “Why Not Now?” Ensign, Nob. 1974, 13.

Kaliwa: paglalarawan ni Cristina Smith; kanan: detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.; Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood, ni Walter Rane, © IRI; paglalarawan ni Welden C. Andersen © IRI