Adik sa Video Games
Noong ako ay 13-taong-gulang, binigyan ako ni Inay ng isang video game para sa kaarawan ko. Bago para sa akin ang video games noon, at napakaganda ng graphics ng isang ito at talagang nakalilibang. Walang pasok noon sa eskuwela, at nagpasiya akong tapusin kaagad ang laro hangga’t maaari para mas marami akong oras na makapaglaro sa labas kasama ng mga kaibigan ko.
Isang hapon ng Huwebes sinimulan kong laruin ang bago kong video game. Bago ko namalayan, lampas na pala ng hatinggabi, at hindi man lang ako nakapagdasal. Pero patuloy pa rin ako sa paglalaro.
Lalo lang lumala ang lahat. Paggising ko kinabukasan, ang unang ginawa ko ay buksan ang laro at magsimula na namang maglaro. Halos hindi ako tumitigil para kumain o matulog, at ang tanging nasa isip ko ay makarating sa kasunod na level sa aking laro.
Pagsapit ng Sabado ng gabi binalaan ako ni Inay na kung hindi ako matutulog nang maaga, mahihirapan akong gumising kinabukasan para magsimba. Pero patuloy pa rin akong naglaro at alas-3:00 na nang umaga ako nakatulog. Pagdating ko sa Simbahan, pagod at puyat ako kaya’t nahirapan akong magtuon na mabuti. Hindi ako nakapagpasa ng sakramento, at umuwi ako para matulog, at talagang nanlalata ako.
Tulog ako sa buong araw ng Linggo at Lunes na nang umaga ako nagising, at gumising lang ako para maglaro pa rin. Nang linggong iyon alam kong kailangan kong makapagpahinga nang mabuti sa gabi at sikaping matulog nang maaga, pero sinayang ko pa rin ang oras ko sa video games. Nagsimula na akong gumugol ng mas maraming oras sa paglalaro ng video games kaysa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Sa katunayan, ilang araw pa akong tumigil sa pagbabasa ng mga ito. Nang magsimula muli ang pasok sa eskuwelahan, sinabihan ako ni Inay na huwag maglaro nang Lunes hanggang Biyernes, kaya’t sinamantala ko ang mga Sabado sa paglalaro, pati na ang araw ng Linggo.
Sa hindi na pagdalo sa mga pulong sa araw ng Linggo, itinigil ko ang paggawa ng mga bagay na mahalaga kapalit ng hindi mahalagang bagay na gaya ng video game. Hindi ko na sinusunod ang payo ng aking lolo, na minsang nagsabing, “Huwag na huwag mong ipagpapalit ang mahahalagang bagay sa mga bagay na pangkaraniwan lamang.” Palagi kong naiisip ang payong ito.
Natanto ko na kailangang maging balanse ang aking buhay. Ang isang nakatulong sa akin ay ang aking klase sa seminary. Sa aking middle school, ang seminary ay idinaraos bilang bahagi ng kurikulum sa araw-araw, at malaki ang naitulong nito sa akin. Binigyan ako nito ng pagkakataon na matutong isaayos ang aking mga priyoridad at unahin ang Panginoon higit sa anupamang bagay. Kung nagtitiwala tayo sa Kanya at kung hihilingin natin sa Kanya mula sa kaibuturan ng ating mga puso na tulungan tayo sa ilang aspeto ng ating buhay, diringgin tayo ng Panginoon. Kung talagang gusto nating magbago, magagawa natin ito.
Mabuti na lamang hindi ko kinailangang dumanas ng malaking problema para lamang tumigil sa paglalaro. Ang pagsasaayos sa aking mga priyoridad at paglilimita ng oras ko sa paglalaro ay sapat na. Gayunman, hindi iyon nangyari hangga’t hindi ako nanalangin sa Panginoon na tulungan ako, at tinulungan nga Niya ako.