Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Pag-alaala sa Kanya sa Sabbath
Maayos naman ang takbo ng aming aralin sa Sunday School tungkol sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath—hanggang sa may nagbanggit tungkol sa telebisyon.
Habang nagbabanggit ang mga tao ng kanilang mga opinyon tungkol sa kung dapat bang manood ng telebisyon sa araw ng Linggo, ang ilang miyembro ng klase ay nagpayo kung ano ang dapat gawin nang medyo may pagmamagaling. Hindi nagtagal, nagdamdam na ang iba pang miyembro ng klase. Ang Espiritu, na nadama sa simula ng aming talakayan, ay napalitan ng tensiyon na nadama ng lahat.
Dahil napansin ang tumitinding pagtatalo, hiniling ni Kenneth Payne, miyembro ng aming stake presidency, na makapagsalita siya. Tumindig siya at nagsimulang magkuwento tungkol sa anak niyang si Brian, na naglingkod sa Japan Tokyo North Mission. Nang salubungin ni President Payne at ng kanyang pamilya si Brian sa airport nang umuwi ito mula sa kanyang misyon noong Marso 2003, idinaing niya ang matigas at masakit niyang panga. Sa loob ng ilang linggo, natuklasan ng doktor na si Brian ay mayroong non-Hodgkin’s lymphoma, na isang uri ng kanser.
Makalipas ang isang buwan sinimulan niya ang mga chemotherapy at radiation. Sinabi ni President Payne na nagplano ang mga doktor na magsagawa ng bone-marrow transplant sa Setyembre 22, ngunit pagkatapos ng unang araw ng buwan na iyon, “nagsimulang mahirapan si Brian.”
Naospital siya sa ikalawang linggo ng Setyembre. Nang sandaling iyon, dahil sa mabilis na pagkalat ng kanser, nagpasiya ang mga doktor na huli na para gawin ang transplant. Iniuwi ng pamilya si Brian mula sa ospital noong Setyembre 21. Namatay siya kinabukasan nang umaga.
“Ang Setyembre 22 ay espesyal na araw para sa aking pamilya at sa akin,” sabi ni President Payne. “Sa araw na iyan nag-uukol kami ng oras para isipin si Brian, ang kanyang mga kontribusyon sa aming pamilya, at kung paano niya inialay ang huling dalawang taon ng kanyang buhay sa Panginoon at mga Hapones, na minahal niya. Nangungulila kami sa kanya, at sa araw na iyon ay iniisip namin ang kanyang buhay at nagpupugay sa kanyang alaala.”
Para sa ating lahat, sabi ni President Payne, ang Linggo ay araw para mag-ukol ng oras na mag-isip-isip.
“Nag-uukol tayo ng panahon para makadalo sa ating mga miting sa Simbahan, makibahagi ng sakramento, malungkot sa ating mga kasalanan, at pagnilayan ang pagdurusa ng Tagapagligtas para sa ating kapakanan,” sabi niya. “Naglilingkod tayo, nagmamahal, at sinisikap nating huwag magambala ng mga aktibidad na hahadlang sa atin sa pagsamba sa Kanya.”
Sinabi ni President Payne na kung ang mga aktibidad sa Linggo ay naaayon sa diwang iyon, magiging maganda ang pakiramdam natin habang ginagawa natin ito. Ngunit kung hadlang ito sa pag-alaala sa Tagapagligtas at sa paglilingkod sa Sabbath gaya ng gagawin Niya, marahil dapat nating muling pag-isipan ang ating desisyon.
Pagkatapos siya ay umupo at wala nang sinabi pa. Hindi na niya kailangang gawin iyon. Bumalik ang Espiritu sa silid-aralan, at nakinig kaming lahat.