Ang Tunay na Mahalaga
“Aking Ama’y buhay, mahal N’ya ako. Espiritu’y bumubulong: ‘Ito ay totoo, ito ay totoo” (“Aking Ama’y Buhay,” Aklat ng mga Awit Pambata, 8.)
Nahirapan ako noong nasa ikalimang grado ako. Iisa lang ang grupo ng mga kaibigan ko hanggang ikaapat na grado, at akala ko palagi kaming magiging mga magkaibigan. Ngunit di nagtagal nang magsimula ang ikalimang grado, nagsimulang gumamit ang mga kaibigan ko ng masasamang salita at kumilos sa paraang alam kong hindi magugustuhan ng Ama sa Langit. Nagsimula rin silang maging salbahe sa ibang mga bata sa aming klase at nagsasabi ng hindi maganda tungkol sa ibang tao.
Kalaunan naging isa ako sa mga batang ginagawang katatawanan ng mga kaibigan ko. May palayaw pa sila sa akin na hindi maganda: Makapal na Labing Charlotte, o “MLC” para maikli. Nasaktan ang damdamin ko. Sinimulan kong iwasan ang mga kaibigan ko sa paaralan, ngunit mahirap dahil magkakasama kami sa iisang klase.
“Kumusta na!” Sabi ko minsan nang oras ng tanghalian, sinisikap na maging palakaibigan at masayahin.
“Aba, MLC! Makapal na Labing Charlotte!” ang sabay-sabay nilang sinabi habang iniinis nila ako.
Tumakbo ako palayo, sinisikap na pigilan ang mga luha. Mag-isa akong kumain ng tanghalian at halos hilahin ko na ang oras para makauwi na ako.
“Ano’ng problema mo, anak?” tanong ni Inay nang mapansin niya ang bakas ng mga luha sa pisngi ko pagkatapos ng klase.
“Ang mga dati ko pong kaibigan, may bansag po sila sa akin na hindi maganda. Hindi ko po maintindihan kung bakit ganoon sila kasalbahe sa akin.” Nagsimula na naman akong umiyak.
“Hindi dapat ganoon ang pakitungo nila sa iyo. Pero sa totoo lang, hindi mahalaga kung ano ang iniisip ng ibang tao tungkol sa iyo. Maganda ka, at walang dahilan para pakinggan mo ang sinasabi ng mga batang iyon.”
“Pero Inay,” sabi ko. “Araw-araw ko po silang nakikita. Nag-aalala po ako sa iniisip nila tungkol sa akin. At pinakikinggan ng ibang tao ang sinasabi nila tungkol sa akin. Paano ko po hindi papansinin ang lahat?”
“Charlotte, ang tanging opinyon na mahalaga ay ang sa iyo at sa Panginoon. Kung sa tingin mo OK ka naman at ang ginagawa mo, at kung OK naman sa Ama sa Langit ang mga pagpili o desisyon mo, hindi na mahalaga kung ano ang tawag sa iyo ng ibang tao o ano ang sinasabi nila tungkol sa iyo. Maniwala ka.”
Sa pagpasok ko sa paaralan nang sumunod na ilang linggo, pinagtatawanan pa rin ako ng mga dati kong kaibigan at may bansag pa rin sila sa akin. Pero ‘di nagtagal nadama ko na nakakalakad na ako na may kapayapaan sa puso ko. Alam ko na kung OK sa Ama sa Langit ang makakapal na labi ko, ayos na rin ito sa akin.
Nakatapos ako sa ikalimang grado. Sa huli ay nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan na hindi ako binabansagan o tinutukso at tumulong sa akin na maging maganda ang pakiramdam ko sa aking sarili. Higit sa lahat, natutuhan ko na kung natutuwa ang Ama sa Langit sa kung sino ako, hindi na ako dapat mag-alala pa sa iniisip ng ibang tao tungkol sa akin.
Si Charlotte Wood Wilson ay nakatira sa Oregon, USA.