2013
Ang Pagpapala sa Pag-iimbak Namin ng Pagkain
Pebrero 2013


Ang Pagpapala sa Pag-iimbak Namin ng Pagkain

Bruce Richards, Illinois, USA

Kami ng asawa kong si Brittney ay maagang nagsimulang bumili ng iimbaking pagkain noong mga unang buwan ng aming pagsasama. Sa mga unang buwan matapos kaming ikasal, bumili kami ng ilang bagay na maaaring imbakin tuwing bumibili kami ng groseri. Sa unti-unting pagdaragdag sa tuwina, nakaipon kami ng mapapakinabangang imbak ng pagkain. Hindi namin alam kung kailan namin ito kakailanganin, pero alam namin na mahalaga ito.

Isang taon matapos kaming ikasal, nangibang bayan kami para mag-aral sa graduate school, at dinala namin ang naimbak naming pagkain. Hirap kami noon sa pera. Nagamit namin ang lahat ng aming ipon sa pagbabayad ng bahay, at wala namang suweldo si Brittney bilang student teacher. Inasahan namin ang suweldo ko sa graduate school assistantship para bayaran ang mga bayarin, pero maliit lang iyon.

Nadagdagan pa ang problema namin sa pera noong ikalawang gabi sa bagong bahay namin. Nagising si Brittney na napakasakit ng tiyan, at nang hindi napawi ang sakit pagkaraan ng ilang oras, nagpunta na kami sa ospital. Inalis ang kanyang apendiks kalaunan nang araw na iyon.

Nang gumaling na siya, nag-usap kami para ibadyet ang pera namin. Nang kalkulahin namin ang bayarin sa susunod na apat na buwan—kasama na ang operasyon—natuklasan namin na makakaraos pa rin kami nang hindi nangungutang. Gayunman, para magawa iyon, hindi kami maaaring gumastos nang mahigit $25 sa groseri buwan-buwan. Mga sangkapat iyon ng dati naming ginagastos.

Naging napakahalaga ng inimbak naming pagkain noong nakaraang taon. Sapat na iyon para matugunan ang mga pangunahin naming pangangailangan sa loob ng apat na buwan, at ginamit namin ang binadyet naming $25 sa pagbili ng gatas at iba pang pagkaing kailangang kainin kaagad. Hindi kami kumain ng mamahaling pagkain, pero hindi kami ginutom.

Nang magtipid kami at kusang naglingkod sa iba, tumanggap kami ng dagdag na mga pagpapala. Nakatapos ng kanyang degree ang isa sa mga kaklase ko at nagpatulong sa amin sa paglipat ng kanyang pamilya. Habang tumutulong kami, tinanong niya kung gusto naming kunin ang pagkaing naiwan sa freezer nila. Dahil sa kanyang kabaitan, nagkaroon kami ng karneng pandagdag sa imbak naming pagkain.

Pinagpala kami ng Panginoon nang mag-imbak kami ng pagkain, magbayad ng aming ikapu, at magpakita ng kahandaang maglingkod. Nakaraos kami sa mga buwang iyon nang hindi nangungutang. Pagkatapos ng semestreng iyon, nakakita ng full-time job ang asawa ko, at nadagdagan ang pambili namin ng groseri. Nag-ipon kaming muli ng imbak na pagkain, at patuloy kaming pinagpapala kapag sinusunod namin ang mga utos ng Panginoon.