2013
Sumali Kami
Pebrero 2013


Sumali Kami

Nancy Grant, Georgia, USA

Lumipat kami mula sa isang malaking lungsod na maraming miyembro ng Simbahan tungo sa isang bayan na may 5,000 mamamayan sa bukiring rehiyon ng Deep South sa Estados Unidos, kung saan kami nanirahan nang mahigit pitong taon. Nang paalis na ako sa lokal na hardware store sa unang araw namin doon, sinabi ng tinedyer na klerk doon, “Ingat po, Mrs. Grant.”

Itinanong ko, “Paano mo nalaman ang pangalan ko?”

Sagot niya, “Kayo lang po ang bago rito.”

Nakabili kami ng bahay na katapat ng kalye ng isang simbahang Protestante at isang kanto ang layo mula sa isa pa, pero 45 minuto ang layo ng bahay namin sa pinakamalapit na LDS meetinghouse. Tuwing Linggo, at dalawang beses sa buong linggo, mahaba ang biyahe namin papunta sa meetinghouse namin. Sa loob ng pitong taong iyon, naglingkod ang aking asawa sa bishopric, at naglingkod ako bilang Primary president at pagkatapos ay bilang Young Women president.

Alam namin na ang buhay at pundasyon ng lipunan sa maliliit na bayan ay nasa mga lokal na simbahan. Para matanggap, alam namin na kailangan naming makihalubilo. Agad naging kaibigan ng tatlong musmos na anak namin ang iba pang mga bata sa ward, ngunit gusto rin naming madama nila na kabilang sila sa aming komunidad. Hinikayat namin silang makilahok sa karaniwang araw ng linggo sa mga aktibidad ng simbahan doon, kabilang na ang mga hapunan ng pamilya tuwing Miyerkules ng gabi sa isang simbahan.

Isinama namin ang aming anak na lalaki at mga anak na babae sa programa ng mga kabataan doon. Dumalo rin ang aming mga anak sa Vacation Bible School sa dalawang kalapit na simbahan. Kumanta ang mga anak naming babae sa isang lokal na choir ng mga kabataan; naging soloista pa sa koro ang isang anak namin. Dumalo ang anak naming lalaki sa isang lokal na grupo ng mga kabataan sa simbahan.

Madalas mangaral ang isang bumibisitang evangelical na pastor laban sa “mga Mormon,” ngunit alam ng mga kapitbahay namin na hindi kami katulad ng mga taong sinisiraan ng mga mangangaral na iyon.

Nag-iisponsor ng youth camp tuwing summer ang mga parokya ng isang relihiyong Protestante sa rehiyon sa St. Simons Island, Georgia. Pagkatapos ng isang gayong camp, sinabi ng pastor mula sa pulpito, “Ang tanging kabataang pupunta sa camp ngayong summer ay ang ating mabait na batang Mormon na si Kelly Grant.”

Lubos kaming tinanggap ng mga kapitbahay naming Protestante dahil lubos namin silang tinanggap. Hindi namin kinailangang ikompromiso ang aming mga pamantayan o prinsipyo kahit kailan.

Nang lumaki ang aming mga anak, lumaki rin ang kanilang patotoo sa ipinanumbalik na Simbahan. Ang natutuhan nila sa mga kuwento ng ibang mga simbahan tungkol sa Biblia ay naging daan para lalo nilang maiugnay ang Biblia sa Aklat ni Mormon. Bukod dito, nakita nila ang mahalagang papel ng priesthood sa ating Simbahan, at nadama nila ang kaibhan.

Pagsapit ng aming mga anak sa edad na maaari na silang makipagdeyt, inilipat ng kumpanya ang aking asawa sa Atlanta, Georgia. Umiyak ako nang pirmahan namin ang mga papeles ng bahay para ibenta sa mga bagong may-ari nito. Niyakap ako ng aming abugado at magiliw nitong sinabi, “Walang makapagsasabi kailanman na hindi nanirahan dito ang mga Mormon.”

Natutuhan ng aming mga anak ang magparaya, magtiis, at umunawa mula sa naging karanasan nila sa munting bayang Protestante. Nakakita sila ng magkatulad na paniniwala sa mga taong iba ang relihiyon, na nakatulong sa kanila na maglingkod bilang mga kinatawan ng Simbahan. At pinasalamatan nila ang kahalagahan ng Espiritu Santo, ng priesthood, at ng malaking pagmamahal ng Tagapagligtas para sa ating lahat.

Wala kaming napabinyagan sa loob ng pitong taong iyon, ngunit nagkaroon na sila ng interes sa Simbahan. Napagpala kami ngayon dahil dumating sa buhay namin ang mga tao sa munting bayang iyon. Sana’y napagpala rin sila sa pagdating namin sa kanilang buhay.