2013
Mga Pamantayan para sa Lahat ng Panahon
Pebrero 2013


Mga Pamantayan sa Lahat ng Panahon

Si Lori Fuller ay nakatira sa Utah, USA.

Ibinahagi ng limang young adult kung paano sila ginagabayan ng mga halimbawa ng pagsunod mula sa Aklat ni Mormon sa pagpili nila nang tama o mali.

Sa mga unang pag-aaral natin ng ebanghelyo, tinuturuan tayong kilalanin ang tama sa mali. Nalaman natin na ang mga pagpili ay may mga bunga, na ang pagsunod ay nagdudulot ng mga pagpapala, at ang mabubuting pagpili ay naglalapit sa atin sa Diyos. Noong tayo ay tinedyer tumanggap tayo ng buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, na malinaw na nagsasaad ng mga pamantayan ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo.

Ngunit kung minsan para sa mga young adult na nahihirapang manirahan sa mundo nang hindi sinusunod ang paraan ng mundong ito (tingnan sa Juan 17:14), maaaring hindi na malinaw ang mga pagpipilian at pamantayan. Marahil naroon ang tila malawak na lugar ng mga pagpipilian, isang alanganing lugar sa pagitan ng tama at mali.

Samantalang mukhang mas mahirap pumili habang tumatanda tayo, angkop pa rin ang dating mga pamantayan noong bata pa tayo. Ang alituntunin ng pagsunod ay hindi nagbabago. Mahalaga pa rin ngayon ang piliing maging masunurin tulad noon. Habang nahaharap tayo sa mga desisyon, ang mga alituntunin mula sa Aklat ni Mormon—na isinulat para sa ating panahon—ay magagabayan tayong gumawa ng pinakamabubuting pagpapasiya at ipaaalala sa atin na ang pinakadakilang mga pagpapala ay dumarating dahil sa pinakadakilang pagsunod. Sa artikulong ito, nagbigay ng puna ang limang young adult kung paano nila sinusunod ang mga alituntuning ito.

Ang Pagsunod ay Naglalapit sa Atin sa Diyos

“Ano ang nararapat kong gawin upang isilang sa Diyos, … upang ako ay mapuspos ng galak, upang hindi ako maitakwil sa huling araw? … Tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala [ang Diyos]” (Alma 22:15, 18).

Nang marinig ng ama ni Haring Lamoni ang salita ng Diyos, ipinasiya niyang talikuran ang lahat ng kanyang kasalanan upang makilala Siya. Nang malaman niya ang mga pamantayan ng Diyos, ipinasiya niyang sundin ang mga ito para manatiling malapit sa Diyos. Kasama ang iba pang mga Anti-Nephi-Lehi, ginawa niya at tinupad ang kanyang mga tipan sa Ama sa Langit at “kailanman ay hindi nagsitalikod” (Alma 23:6).

Ang alituntunin ng pagsunod ay ipinamumuhay rin ng mga young adult ngayon. Paliwanag nga ni Vijay Patha ng India, “Ang pagsunod ay naglalapit sa atin sa Diyos. Naghahatid ito ng kapayapaan ng isipan, pananampalataya, kaligayahan, pagmamahal, at magandang pananaw. Wala nang iba pang paraan upang makamit ang mga ito kundi sa pamamagitan ng ebanghelyo.

“Kapag kailangang gumawa ng mahihirap na desisyon,” pagpapatuloy niya, “magagabayan tayo ng Espiritu Santo. Kapag walang mga hangganan, lalo tayong nanganganib na mahulog. Ang pagtupad sa aking mga tipan ay naglalaan sa akin ng mga hangganan. Ang mga hangganang ito ay proteksyon upang hindi ako mahulog sa di-kilalang mga landas at natulungan ako sa maraming pagkakataon na maging kinatawan ni Cristo at iwasang gawin ang mga bagay na gaya ng paggamit ng masasamang pananalita. Ang pagtatakda ng mga hangganan ay nagbibigay ng kaliwanagan.”

Tutulungan Tayo ng Diyos na Sumunod

“Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7).

Kung minsan tila mahirap sundin ang mga utos, ngunit nangako ang Ama sa Langit na lagi Siyang maglalaan ng paraan para makasunod tayo. Tulad ni Nephi, ang mga young adult na determinadong maging tapat ay makababaling sa Ama sa Langit upang magkaroon ng lakas at kakayahang maging masunurin. Ikinuwento ni Duncan Purser ng England kung paano ito nangyari sa kanya:

“Ang ikapu ay isang utos na nagtatakda ng mga hangganan: nagbabayad tayo ng 10 porsiyento ng ating kinikita. Ngunit sa mga handog-ayuno binibigyan tayo ng mas malaking kaluwagan sa ating pagsunod.

“Habang nag-iipon ako ng pang-matrikula sa unibersidad, ang ideyang magbayad ng handog-ayuno ay isang hamon sa akin. Talagang nahirapan ako sa Linggo ng ayuno, sa pagsisikap na magpasiya kung magbabayad ba ako at kung magkano ang ‘malaking’ handog. Nagdarasal ako, at hindi lamang ako laging nahihikayat na magbayad ng mga handog-ayuno kundi nadama ko rin ang ibayong hangaring gawin ito.

“Alam ko na pinagpapala ng Panginoon ang mga sumusunod sa utos na ito, at kapag sumusunod ako, palaging napapasaakin ang mga kailangan ko sa buhay. Kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, sinusunod ang mga utos, at natatanto na tayo ay mga halimbawa sa lahat ng nakapaligid sa atin, mag-iibayo ang ating hangaring magpakabuti, at ipapaalam sa atin ng Panginoon kung ano ang gagawin.

“Binigyan tayo ng Panginoon ng mga pamantayan para sa ating ikabubuti. Mapipili natin kung hanggang saan natin ipamumuhay ang mga pamantayang ito at kung babaguhin tayo ng ating pagsunod o hindi. Sa aking karanasan, nakita ko nang dumating ang mga pagpapala nang sundin ko ang panghihikayat ng Espiritu.”

Nais ng Panginoon na Sumunod Tayo nang May Kahustuhan

“Sinunod nila at tinupad gawin ang bawat salita ng pag-uutos nang may kahustuhan; oo, at maging alinsunod sa kanilang pananampalataya ay nangyari sa kanila” (Alma 57:21).

Ang pagsisikap na sumunod nang may kahustuhan, tulad ng ginawa ng mga kabataang mandirigma, ay makatutulong sa mga disipulo ni Jesucristo na maging katulad Niya. Ngunit nauunawaan ng ating Tagapagligtas at ng Ama sa Langit na walang taong perpekto. Sa mga panahong nagkukulang tayo, naglaan Sila ng paraan para makapagsisi tayo at maging mas mabuti.

“Nawala sa akin ang babaeng pangarap kong mapangasawa dahil sinuway namin ang batas ng kalinisang-puri—nang kaunti,” sabi ni Tyler (pinalitan ang pangalan). “Pero ang pagsuway sa batas ng kalinisang-puri nang ‘kaunti’ ay pagsuway pa rin sa batas ng kalinisang-puri. Laging nawawala sa akin ang mahahalagang pagpapala ng pagsunod; gusto kong manatili ang Espiritu sa buhay ko.

“Ayaw kong gawin ang anuman sa maliliit na bagay na iniisip ng mga tao na OK ‘basta’t hindi natin kailangang makipagkita sa bishop.’ Gusto kong sundin ang batas nang 100 porsiyento. Pero huli na ang desisyon kong maging masunurin para isalba ang aming relasyon; narumihan na ito ng pagsuway sa batas ng kalinisang-puri.

“Nariyan ang batas ng kalinisang-puri para sa ating proteksyon. Hindi ito limitasyon sa ating pag-ibig. Sa halip, ito ang pinakamahalagang paraan ng pagpapahayag ng ating pag-ibig. Sa pagsunod dito, sinasabi nating, ‘Mahal na mahal kita kaya kita iginagalang at sinusunod ang mga utos ng Diyos. Mahal na mahal kita kaya pinananatili ko ang ating buhay na nakasentro kay Cristo.’

“Bilang mga single adult kailangan din nating sumunod sa mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ang batas ng kalinisang-puri ay angkop sa lahat, anuman ang inyong edad o sitwasyon. Nagpapasalamat ako sa bagong patotoong ito dahil tutulungan ako nitong mapalapit sa Tagapagligtas at sa aking magiging asawa hanggang sa kawalang-hanggan kapag natagpuan ko siya.”

Ang Mahigpit na Pagsunod ay Naglalayo sa Atin sa Panganib

“At ito ay nangyari na, nang matanggap ni Lehonti ang mensahe ay hindi siya nagtangkang bumaba sa paanan ng bundok. … At ito ay nangyari na, nang malaman ni Amalikeo na hindi niya makuhang pababain si Lehonti mula sa bundok, siya ay umahon sa bundok” (Alma 47:11–12).

Determinadong manatili si Lehonti sa ligtas na lugar. Ngunit ipinasiya niya na hindi naman masama na bumaba nang kaunti para salubungin sa gitna ang kanyang kaaway. Bagama’t sigurado si Lehonti na siya ang may kontrol, sinimulan ni Amalikeo na “unti-unting lasunin” (Alma 47:18) si Lehonti hanggang sa mamatay, na marahil ay hindi natanto ang panganib hanggang sa huli na ang lahat.

Ikinuwento ni Claudia R. ng Colorado, USA, kung paano siya nagpakatatag:

“Pakiramdam ko ay parang hindi na malinaw sa lipunan ang mga pamantayan ng moralidad. Halimbawa, sasabihin ng mga tao tungkol sa alak, ‘Hindi ka naman mamamatay sa isang tikim lang nito.’ Sa gayong klaseng katwiran ay talagang mapapaisip ka. At sa gayong mga sitwasyon—ang mga bagay na tila hindi naman nakakasama—ay talagang sumusubok sa kalayaan mong pumili.

“Kaya kailangan mong matutong magpigil, na maging matatag. May ilang taong nag-aakala na hindi masamang gawin ang isang bagay, at ang bagay na iyon kalaunan ay humahantong pala sa kasalanan. Pagkatapos parang wala ka nang kawala roon.

“Nakipagdeyt na ako nang ilang beses sa isang lalaki, pero minsang wala kaming kasama sa kotse sa dilim, tinangka niya akong gawan nang hindi maganda. Alam ko na ang gusto niyang gawin ay maaaring humantong sa iba pang imoralidad. Hindi ko papayagang mangyari iyon, kaya lumabas ako ng kotse.

“Bilang mga single adult, kapag may nangyari na hindi ayon sa ating mga pamantayan, kailangan nating manindigan. Sa pakikipagdeyt, siyempre, gusto ninyong maghawak-kamay, yumakap at humalik. Ngunit gusto tayong linlangin ni Satanas sa pag-iisip na ang batas ng kalinisang-puri ay batas na maaaring sundin nang bahagya lamang.

“Kailangan nating tatagan pa ang ating mga pamantayan kaysa rati. Kailangan na nating magpasiya bago dumating ang mahihirap na desisyon. Kailangan nating manindigan kapag mali ang mga pangyayari. Alam ko na hindi madaling mabuhay sa ating mundo; napakaraming nangyayari sa paligid natin. Ngunit binigyan na tayo ng mga propeta at apostol ng mga pamantayan at patnubay. Dala-dala ko ang maliit na bersiyon ng Para sa Lakas ng mga Kabataan sa pitaka ko, at nakakatulong iyon sa akin sa mahihirap na panahon.”

Maaari Tayong Maging Masunurin Kahit Hindi Masunurin ang mga Tao sa Ating Paligid

“Kung wala silang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi na ito mahalaga sa iyo, ikaw ay naging matapat; kaya nga, ang iyong mga kasuotan ay gagawing malinis” (Eter 12:37).

Nang ipagdasal ni Moroni na pagpalain ang mga Gentil sa hinaharap, sinabi sa kanya ng Diyos na ang pinakamahalaga ay nanatili siyang tapat. Hindi tinutulutan ng mundo na maging madali para sa matatapat na young adult na ipamuhay ang kanilang mga pamantayan. Ngunit kahit ibang landas ang piliing tahakin ng iba, posibleng piliin ang mas mataas na landas.

Gaya ng iba pang mga young adult, natagpuan ni Victor Kim ng South Korea na nasa sitwasyon siya kung saan ang iba ay hindi niya katulad ang mga pamantayan:

“Kung minsan sa trabaho, lumalabas kami ng mga kaopisina ko para kumain nang sama-sama, at lagi silang nag-iinuman. Pinipilit nila ako palagi na uminom, at hindi madaling tanggihan silang lahat. Lagi kong tinitiyak na alam na nilang hindi ako umiinom bago kami lumabas. Magkagayunman, kinailangan kong magpakatatag at magpakita ng kumpiyansa sa mga limitasyon ko.

“Sa aking karanasan, ang mga hindi nagtatakda ng malilinaw na hangganan ay maaaring maging kampante, at kalaunan ay makumbinsi na OK lang ang maliit na kasalanan. Maaari silang maging manhid sa Espiritu at hindi na makita kung ano ang mali at kung bakit mali ito.

“Ang pambubuyo ng barkada ay maaaring talagang malakas din. Ang mga hindi matatag ay maaaring sumama kalaunan dahil tila may katwiran ang sinasabi ng kanilang mga kaibigan, kahit hindi iyon akma sa ating mga pamantayan. Pero hindi kayo maaaring gumitna. Kalaunan ay kailangan ninyong pumili.

“Para manatiling matatag, nakatutulong ang magkaroon ng mabuting kaibigan para magkausap kayo at magkatulungan. Sa gayon ay maaari kayong manatiling matatag na magkasama. Kapag sinusunod ko ang aking mga pamantayan, pakiramdam ko ay ligtas ako. Karapat-dapat akong humiling sa Diyos na protektahan ako. Nananalig ako na kung ako ay masunurin, tutulungan Niya ako.”

Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo ng mga alituntunin ng pagsunod na makatutulong sa atin na kumapit sa gabay na bakal sa paggawa natin ng mga desisyon.

Mga paglalarawan ni Howard Lyon