2013
Lights … Camera … Action!
Pebrero 2013


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Lights … Camera … Action!

Adrián Ochoa

Kayo ang nagdedesisyon kung anong landas ang tatahakin ninyo sa buhay.

Malamang narinig na ninyo ang katagang “Ang buong mundo ay isang entablado” mula sa bantog na dula ni William Shakespeare na As You Like It. Ang ideya na ipinakikita ni Shakespeare ay na tayong lahat ay may ginagampanang papel sa malaking dula ng buhay. Ang tanong ko ngayon sa inyo ay, “Ano ang papel na ginagampanan ninyo sa buhay?” o kaya naman, “Ano ang gusto ninyong gampanang papel sa buhay?”

Sinabi ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) na, “Ang kaisipan ang pinagmumulan ng mga pagkilos, at mas nauuna ito.”1 Pero bakit ang inyong kaisipan ang nagiging script sa inyong utak? Alam na siguro ninyo na ang utak natin ay tulad ng computer: ang makukuha mo lamang dito ay ang ipinasok mo rito. Kung basura lamang ang ipapasok mo rito, iyon lang din ang makukuha mo rito. Dapat ninyong malaman na ang lahat ng inyong pinanonood, binabasa, o pinakikinggan ay tutulong sa pagsusulat ng script ng inyong buhay.

young woman with computer

Mga paglalarawan ni David Malan

Mga Imahe at Kaisipan na may Malaking Epekto

Dahil malaking bahagi ng aking propesyon ay nasa advertising, marami akong karanasan sa nakita kong paraan ng media na makalikha ng mga imahe at kaisipan na may malaking epekto sa isip ng tao. Ang paggawa ng napakagandang patalastas sa telebisyon ay maaaring katulad talaga ng paggawa ng isang pelikula sa Hollywood, maliban na ang “shooting” o pagsasapelikula ay karaniwang ginagawa sa loob lamang ng ilang araw sa halip na ilang buwan.

Matapos gumugol ng mahabang panahon sa pagsasaliksik at pagpaplano ng media campaign, maaari akong kumuha at magbayad ng mga cinematographer o cameraman mula sa Hollywood, mga modelo mula sa Italy, at mga music producer mula sa New York City. Sa gayon ay masisimulan na ang trabaho. Matapos ang napaka-abalang iskedyul, ilulunsad na namin ang advertising campaign sa lahat ng uri ng media. Kasiya-siya, kapana-panabik, at masaya ang gawaing ito.

Dahil sa karanasang ito masasabi ko sa inyo na ang mga patalastas na nakikita ninyo online, sa telebisyon, o sa mga magasin ay hindi tunay. Ang mga imahe na nakikita ninyo ay mga malikhaing sining lamang, na ginawa para akitin ang mga tao na bilhin ang ipinapatalastas na produkto. Ito ang dahilan kaya hindi ako pumayag kailanman na gumawa ng patalastas para sa mga produktong hindi ko pinaniniwalaan. Nauunawaan ng karamihan sa mga tao ang mga katotohanang ito tungkol sa mga patalastas, at ganito rin ang prinsipyo sa mga pelikula, programa sa TV, web at mobile content, at mga electronic game: lahat ng ito ay sadyang nilikha na may nakatagong mensahe at motibo sa mga ito.

Malakas na Proteksyon

Dahil ginagamit ni Satanas ang media para subukang iligaw tayo ng landas at malabag ang mga kautusan ng Diyos, dapat ninyong sundin nang buong determinasyon ang payo na ibinigay sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Matalinong pumili kapag gumagamit ng media dahil anuman ang inyong binabasa, pinakikinggan, o tinitingnan, ito ay makakaapekto sa inyo. Piliin lamang ang media na nagbibigay-inspirasyon sa inyo.”2

Tandaan na sa katunayan kayo ay narito sa buhay na ito para magkaroon ng pananampalataya, subukan, at matuto at maging maligaya. Bilang miyembro ng totoong Simbahan ni Cristo, may dakilang kapangyarihan na tutulong sa inyo. Nasa inyo ang kapangyarihan ng Espiritu Santo para balaan kayo kapag hindi tama ang bagay na nasa harapan ninyo. Nasa inyo rin ang kapangyarihang pumili, upang mapili ninyo ang gagawin at hindi ninyo gagawin.

Kung may mga pagkakataon na hindi kayo naging matalino at paminsan-minsan ay pinipiling tingnan o pakinggan ang maling nilalaman, magpasiya ngayon na magbago. Kung ang masasamang pagpiling iyon ay nakabawas sa kakayahan ninyong madama ang Espiritu, lumuhod at humingi sa Ama sa Langit ng lakas at kapatawaran. At kung may problema pa rin kayo, hingin ang tulong ng iyong mga magulang o bishop. Maaaring nahihiya o natatakot kayong makipag-usap sa kanila, pero ang ibig sabihin niyan ay kailangan na lalo ninyo itong gawin. Taglay ang tapang at kababaang-loob malalampasan ninyo ang mga hamon sa inyong buhay, at kapag nagawa ninyo ito, madarama ninyo ang maluwalhating kapayapaan at kagalakang dulot ng pagsisisi.

Hindi kayo basta aktor o aktres lamang sa isang entablado; kayo ay anak ng Diyos na nasa daigdig ng pagsubok na puno ng mabubuti at masasamang media. Kung bubusugin ninyo ang inyong espiritu ng tamang nilalaman, magiging maligaya ang papel na gagampanan ninyo sa buhay, at magiging tulad kayo ng isang ilaw na nagliliwanag para tulungan at gabayan ang iba. Palaging may kadiliman sa ating paligid, ngunit palaging nariyan ang walang-hanggan at naiilawang landas na gumagabay sa atin tungo sa pinagmumulan ng lahat ng kabutihan at liwanag.

Mga Tala

  1. David O. McKay, Stepping Stones to an Abundant Life, comp. Llewelyn R. McKay (1971), 206.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan, (2011), 11.