2013
Pagkakaroon ng Bagong Kaibigan
Pebrero 2013


Pagkakaroon ng Bagong Kaibigan

Ni Laura Potts, Illinois, USA

Kasama kong nananghalian noon ang aking mga kaibigan nang mapansin ko na ang bagong pasok na estudyanteng si Michael ay sumabay sa oras ng aming tanghalian. Parang wala siyang kakilala pero gusto namang magkaroon ng mga bagong kaibigan. Nagpasiya siyang umupo sa tabi ng mga batang mas matanda sa kanya, na nagkunwaring mga kaibigan niya sandali ngunit sa bandang huli ay ginawa na siyang katatawanan. Palagi nilang pinagtatawanan si Michael hanggang sa nagsimula na siyang umiyak. Nakita kong nangyari ito, at hindi talaga ako mapalagay. Kalaunan nalaman kong may autism si Michael.

Nagpasiya akong tanungin si Michael kung gusto ba niyang maupong katabi ko at ng aking mga kaibigan. Tumanggi siya, siguro sa takot na muli siyang pagtawanan ng mga tao. Nagdesisyon siyang umupo na lang nang mag-isa.

Nang sumunod na araw, nilapitan ko siya at ipinakilala sa kanya ang mga kaibigan ko. Halatang masaya siya na hindi ako tumigil sa paglapit sa kanya, at nagsimula kaming mag-usap. Nalaman ko na napakahusay pala niyang maglaro ng tic-tac-toe. Halos walang makatalo sa kanya. Nalaman ko rin kung gaano siya katalino. Alam niya ang lahat ng pangulo ng U.S. at masasabi sa iyo kung kailan sila nanungkulan. Ang galing talaga niya, ngunit ilan lang ang taong hindi pumapansin sa kanyang kapansanan. Tinutukso ako ng ilang estudyante sa pag-upo ko sa kanyang tabi, pero hindi ko sila pinansin. Gustung-gusto kong kasama si Michael.

Araw-araw kapag nagkikita kami sa tanghalian, masasabi kong nagiging mas masaya si Michael. Inaabangan niya ang tanghalian araw-araw, at gayon din ako. Ang inakala kong simpleng paglilingkod ay naging simula ng isang napakagandang pagkakaibigan.