Mga Tanong at mga Sagot
“Talagang nasaktan ako sa ginawa ng isa sa mga kaibigan ko. Alam ko na dapat akong magpatawad, pero paano ko malilimutan ang sakit?”
Ang pagpapatawad sa iyong kaibigan at paglimot sa sakit na nadama ay maaaring mahirap gawin. Ang pagpapatawad at paglimot sa sakit na nadama ay mangangailangan ng awa—mula sa iyo at sa Panginoon. Ang tungkulin mo ay hindi ang kalimutan ang sakit kundi ang magpatawad: magpakita ng habag sa iyong kaibigan (tingnan sa D at T 64:8–10). Sa paggawa mo nito, magpapakita sa iyo ng habag ang Panginoon kung hihingin mo ang Kanyang tulong. Ibig sabihin, mapapalitan Niya ng pagmamahal at kapayapaan ang damdamin mong nasaktan.
Kausapin ang kaibigan mo. Unawain ang nangyari. Baka matuklasan mong hindi naman sinadya ng kaibigan mo na saktan ka, na mas magpapadali sa pagpapatawad at paglimot sa sakit.
Kahit na mahirap o matatagalan ang pagpapatawad, sikapin mong gawin ito. Kalaunan, gugustuhin mong ipaalam sa iyong kaibigan na pinatawad mo na siya at gusto mong manatili pa rin ang inyong pagkakaibigan. Ang pagtatanim ng sama-ng-loob sa kaibigan ay hindi kailanman magdudulot ng kapayapaang nagmumula sa tunay na pagpapatawad.
Alalahanin na lahat tayo ay nakaasa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para mapatawad sa ating mga kasalanan. Manalangin na makapagpatawad, at manampalataya na tutulungan ka ng Panginoon. May kapangyarihan Siyang pahilumin ang iyong pusong sugatan.
Hayaang Panginoon ang Humatol
Hayaang Panginoon ang humatol sa ginawang pananakit ng ibang tao. Alalahanin ang sinabi ng Panginoon: “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (D at T 64:10). Mahirap kalimutan ang damdaming nasaktan, ngunit kung magdarasal ka at hihingi ng tulong, matatanto mo na kayang pahilumin ng pagpapatawad ang matitinding sugat at palitan ang pagkapoot ng kapayapaan at pag-ibig na tanging Diyos ang makapagbibigay.
Genessis H., edad 16, Antofagasta, Chile
Patawarin ang Lahat
Dahil sa pagdurusa ng Panginoong Jesucristo Siya ay nilabasan ng dugo sa bawat butas ng Kanyang balat, ngunit nalampasan Niya ang sakit at nagkaroon ng lakas na magpatawad habang nasa krus. Hindi dahil sa wala Siyang nadamang sakit kundi dahil para sa Kanya, ang tanging mahalaga ay ang kalooban ng Ama. Gayundin sa atin, dapat ang tanging mahalaga ay ang kalooban ng Diyos, at nais Niyang patawarin natin ang lahat. Kahit mabagal ang paggaling ng ating mga sugat, malalampasan natin ang sakit sa pamamagitan ng panalangin at taos-pusong pagpapatawad sa mga nakagawa sa atin ng pagkakamali.
Ahou O., edad 17, Ivory Coast
Mahalin Sila
Nalaman ko na ang pinakamainam na paraan para mawala ang sakit ay mahalin ang taong nakasakit sa iyong damdamin. Pagkatapos masaktan ng isang tao ang aking kalooban, sinisikap kong purihin siya at magpakita lalo ng kabaitan sa kanya hangga’t maaari. Sa paggawa nito, hindi na magngingitngit ang iyong kalooban. Sa halip ay mawawala na ito nang tuluyan. Mas magiging matatag ang ugnayan ninyo ng sinumang nakasakit sa iyong damdamin.
Katie A., edad 18, Utah, USA
Tingnan Sila Gaya ng Pagtingin sa Kanila ng Panginoon
Nadama ni Jesucristo ang iyong pasakit upang mapatawad ang iyong mga kasalanan at para mapatawad mo rin ang ibang tao. Kapag nanalangin ka na magkaroon ng kakayahang makita ang isang tao gaya ng pagkakita sa kanya ng Panginoon, makikita mo na mas mauunawaan mo sila. Sa paglipas ng mga linggo, mapapansin mo na maglalaho ang pagngingitngit ng iyong damdamin.
Kimberly B., edad 18, Nebraska, USA
Manalangin na Maging Mapagpatawad
Manalangin sa ating Ama sa Langit na magkaroon ka at ang iyong kaibigan ng lakas ng loob na patawarin ang isa’t isa. Ang pagpapatawad sa isang taong nakasakit sa iyo ay gawain ni Cristo. Napahihilom ng pagpapatawad maging ang lubhang nasaktang damdamin.
Lehi E., edad 16, Abu Dhabi, United Arab Emirates
Alalahanin ang Pag-ibig sa Kapwa-tao
Itinuro ni Nephi, “Ang Panginoong Diyos ay nagbigay ng isang kautusan na dapat magkaroon ng pag-ibig sa kapwa ang lahat ng tao, kung aling pag-ibig sa kapwa-tao ay pagmamahal” (2 Nephi 26:30). Para sa akin, ang pag-ibig sa kapwa-tao ang pinakamainam na paraan para mawala ang sakit nang masaktan ng isa sa aking mga kaibigan ang aking kalooban. Ang ibig sabihin ng pag-ibig sa kapwa ay pagtanggap sa mga kahinaan ng isang tao; pagpapasensya sa isang taong bumigo sa atin; at hindi pagdaramdam kapag hindi ginawa ng isang tao ang isang bagay sa paraang inaasahan natin. Kung mahal natin ang ating mga kaibigan, tayo ay pagpapalain.
Liezel V., edad 21, Negros Occidental, Philippines
Manalangin na Matutong Magpatawad
Dapat mong ipanalangin na matutuhan mong mahalin at patawarin ang ibang tao. Bagama’t kung minsan ay napakahirap magpatawad, ang ating Ama sa Langit ay laging handang tumulong sa atin. Alalahanin ang halimbawang ipinakita ng Tagapagligtas sa pagpapatawad sa ating lahat. Sinasabi sa Mga Taga Colosas 3:13 na, “Mangagtiisan kayo sa isa’t isa, at mangagpatawaran kayo sa isa’t isa, kung ang sinoman ay may sumbong laban sa kanino man: na kung paanong pinatawad tayo [ni Cristo], ay gayon din naman ang inyong gawin.” Ang tunay na pagpapatawad ay isang proseso, minsan ito ay matagal. Ngunit kapag tunay tayong nagpatawad, nakadarama tayo ng malaking kapanatagan at kagalakan. Alam ko na kung pagsisikapan, malilimutan ninyo ang sakit na nadama at makahahanap ng tunay na kaligayahan.
Leonardo L., edad 20, Buenos Aires, Argentina
Magtiwala sa Pagbabayad-sala
Puno ng kagalakan ang puso ko kapag naaalala ko na maaaring alisin ng kapangyarihan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pait na ating nadarama. May mga pagkakataon na tayong lahat ay nagkakaroon ng mapait na karanasan, ngunit sa mahigpit na paghawak sa salita ng Ama sa Langit, matatanggap natin ang lakas na kailangan natin upang makapagtiis. Kahit noong ipinapako Siya ng mga kawal sa krus, hiniling ni Jesucristo sa Ama na patawarin sila. Ang Kanyang kalooban ay puno ng pagmamahal at awa sa lahat ng tao. Alam ko na kung lalapit tayo sa Kanya at hihingin ang Kanyang tulong, mapupuspos tayo ng Kanyang walang-hanggang pagmamahal.
Virginia M., edad 20, Peru