2017
Paano Magbago
February 2017


Mga Sagot mula sa mga Pinuno ng Simbahan

Paano Magbago

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Marso 18, 1980.

Kapag nagkasala kayo at natanto ang kabigatan ng inyong mga pagkakamali, ang pinakamahalagang hamon ay ang maniwalang magbabago ka, na maaaring magkaroon ng panibagong ikaw. Malinaw na ang hindi paniniwala ay isang paraan ni Satanas na naglalayong pahinain ang iyong loob at talunin ka. Ang pagsisisi ay hindi isang nakakatakot na salita. Ito, kasunod ng pananampalataya, ang pinaka-nakahihikayat na salita sa bokabularyo ng mga Kristiyano. Maaari kayong magbago! Maaari kayong maging anumang gusto ninyo sa kabutihan.

Kung may isang pahayag na hindi ko matatanggap, ito ay ang kahabag-habag, kaawa-awa, at paos na panangis, “Ganyan na talaga ako.” Kung gusto ninyong pag-usapan ang tungkol sa mga nakapanlulumong katangian, iyan ang isang nagpapalungkot sa akin. Mangyaring huwag ninyo sabihin sa akin na “Ganyan na talaga ako.” Narinig ko na iyan sa napakaraming tao na nais magkasala at tinatawag itong sikolohiya. At ginagamit ko ang salitang kasalanan upang sumaklaw sa maraming iba-ibang gawi na nagdudulot ng kalungkutan at pagdududa at pagdadalamhati.

Mababago ninyo ang anumang bagay na nais ninyong baguhin at magagawa ninyo ito nang mabilis. Isa pang kasinungalingan ni Satanas ang papaniwalain tayo na aabutin ng libu-libong taon at ng kawalang-hanggan ang pagsisisi. Kasing tagal ng pagsisisi ang pagsabi ng “magbabago ako”—at gawin talaga ito. Mangyari pa na may mga problema na aayusin at mga pagsasauli na gagawin. Maaari mong gugulin—oo, dapat mong mas gugulin—ang natitirang bahagi ng iyong buhay na pinapatunayan na tapat ang iyong pagsisisi. At maaaring mapasaiyo ang agarang pagbabago, pagbuti, pagpapanibago, at pagsisisi tulad ng nangyari kay Alma at sa mga Anak na Lalaki ni Mosias.

Huwag magkamali ng pag-unawa. Ang pagsisisi ay hindi madali o walang pighati o magaang gawin. Maaaring isa itong mapait na saro na mula sa impiyerno. Ngunit si Satanas lamang ang nagnanais na isipin ninyo na ang mahalaga at kailangang pag-amin ng kasalanan ay mas mahirap kaysa manatili sa kasalanan. Siya lamang ang magsasabing, “Hindi mo kayang magbago. Hindi ka magbabago. Masyadong matagal at masyadong mahirap ang magbago. Sumuko ka na. Bumigay ka na. Huwag magsisi. Ganyan ka na talaga.” Iyan, mga kaibigan ko, ay isang kasinungalingang nagmumula sa kawalang-pag-asa. Huwag kayong palinlang dito.