2017
Pagsisikap na Malagpasan ang mga Pagsubok sa Aking Pamilya
March 2017


Pagsisikap na Malagpasan ang mga Pagsubok sa Aking Pamilya

Young woman with book

Mga paglalarawan ni Melissa Manwill

Matapos magdiborsyo ang mga magulang ko, nahirapan ako sa buhay. Karaniwa’y gumaganda ang pakiramdam ko kapag nagsisimba ako, pero nasasaktan ako kapag nakakarinig ako ng mga mensahe tungkol sa mga pamilya dahil hindi ako naniniwala na mayroon ako nito.

Ang aking ina ay di-gaanong aktibo at muling nag-asawa. Ang aking ama ay isang ateista at nakisama sa ibang babae. Kapwa sila nagkaroon ng mga anak sa kani-kanilang bagong kinakasama, at nadama ko na parang pabigat ako—isang pagkakamali—na para bang wala akong silbi.

Kaya nagsimula akong magdasal, magbasa ng mga banal na kasulatan, magnilay-nilay, at magsikap na patuloy na magsimba. Ngunit hindi ko maiwasang mag-isip: Ano ang gagawin ko sa kabilang-buhay kung hindi nabuklod ang pamilya ko sa templo?

Hindi kaagad dumating ang mga sagot, pero dumating din ang mga ito. Hinanap ko ang kahulugan ng pamilya at binasa ko ang mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa paksa, at nakita ko ang kagandahan ng buhay. Sa halip na isipin na wala akong pamilya, nalaman ko na makakatulong akong dalhin ang mga anak ng Diyos sa Simbahan bilang missionary. Natuto akong magtiyaga at magsilbing liwanag. Sinikap kong magpakabuti. Natanto ko rin na kung walang pamilyang katulad ng sa akin, baka hindi ako nagkaroon ng pananampalatayang katulad ng sa akin, at hindi ko pahahalagahan ang batas ng kalinisang-puri at ang plano ng kaligtasan na tulad ng ginagawa ko ngayon.

Naunawaan ko na mayroon akong pamilya, at nagpapasalamat ako sa aking bago at mas malaking pamilya. Mahirap, pero hindi ko inaalala ang mangyayari sa pamilya ko sa kabilang-buhay. Nagtitiwala ako sa Diyos, at alam Niya kung bakit hindi kami nabuklod. Alam Niya kung gaano ko sila kamahal at kung ano ang pinakamainam para sa akin. Hindi natin mauunawaan ang lahat ng bagay, kaya mahalagang manampalataya sa Diyos para lumakas tayo at malaman natin na magiging maayos ang lahat.