“At Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga Tao na Sion”
Nawa’y masunod natin ang tagubilin ng propeta na itatag ang Sion—na magkaroon ng isang puso at isang isipan, mamuhay sa kabutihan, at magsikap na walang maralita sa atin.
Kapag pumupunta ang mga tao sa Humanitarian Center ng Simbahan sa Salt Lake City, madalas kong hilingin sa kanila na basahin nang malakas ang pahayag ni Joseph Smith na nakasabit sa bulwagan: “[Ang isang miyembro ng Simbahan] ay dapat pakainin ang nagugutom, damitan ang hubad, tulungan ang mga balo, pahirin ang luha ng mga ulila, aliwin ang nagdurusa, sa simbahan mang ito, o sa iba pa, o sa walang kinabibilangang simbahan, saanman niya sila makita.”1
Ang pahayag na ito ay ibinigay noong panahong lubog sa utang ang Simbahan, inaayos ng mga lider ang titirhan ng mga miyembro sa bagong lugar, at itinatayo ang Nauvoo Temple. Paano kaya naisip ni Propetang Joseph Smith na pangalagaan ang mga maralita ng Simbahang ito, pati na rin ang iba pa? Ngunit maging sa napakahirap na kalagayang iyon, naunawaan ni Joseph na ang pangangalaga sa mga nangangailangan ay dapat pagtuunan palagi ng pansin ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon.
Isang Pananaw tungkol sa Sion
Ang inspiradong pagsasalin ng Biblia ay isa sa mga sinimulang gawin ni Joseph matapos maorganisa ang Simbahan noong Abril 1830. Madalas kong isipin kung bakit. Sa kritikal na panahong iyon ng kasaysayan ng Simbahan, bakit niya inuna ang muling pagsasalin ng Genesis? Kilalang-kilala na ang aklat na iyon. Ngunit kalaunan, ang pagsasalin na iyon ay naging aklat ni Moises sa Mahalagang Perlas, na may natatanging detalye ng doktrina na napakahalaga sa makabagong Simbahan.
Inihayag sa mga kabanatang ito ang mga karanasan nina Moises at Enoc, na sa ilang paraan ay talagang natutulad sa sariling karanasan ni Joseph. Bawat propeta ay tinawag ng Panginoon para gumawa ng isang dakilang gawain. Ipinakita ng Panginoon sa bawat isa sa kanila ang Kanyang mga likha upang mas maunawaan nila ang kanilang bahagi sa plano (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76; Moises 1; 7). Maibubuod ang kanilang napakahalagang tungkulin sa sumusunod na paraan: Tipunin ang Israel bilang isang makasaserdoteng bansa, itatag ang Sion, at maghandang salubungin si Jesucristo.
Ngunit paano isasakatuparan ang bagay na ito? Nagbigay ng malinaw na sagot si Enoc: “At tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila” (Moises 7:18; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Isang mahalagang bahagi ng misyon ng Simbahan sa mga huling araw ay alisin ang kahirapan na umiiral sa ating mga komunidad at sa ating mga puso; magtatag ng nagkakaisang Sion; at ihanda ang mga tao para sa pagbabalik ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos.
Paglalaan sa Paraan ng Panginoon
Milyun-milyong dolyar ang nagastos ng mga pamahalaan at organisasyon sa huling siglo para maalis ang kahirapan. Ngunit sa kabila ng lahat ng gawaing may mabuting layunin, karamihan sa mga ito ay hindi nagtagumpay at nasayang lamang. Bakit? Dahil di-sinasadyang nagbunga ito ng ugaling palaasa sa halip na kakayahan.
Ang paraan ng Panginoon ay patatagin kapwa ang nagbibigay at ang tumatanggap, tulutan ang mga tao na maging kinatawan ng kanilang sarili, at dakilain ang maralita nang “sa gayon yaong mayayaman ay ibababa” (Doktrina at mga Tipan 104:16). Kung minsan ay tinatawag natin ito na pag-asa sa sarili, ngunit ang tunay na kahulugan nito ay pagpapalabas ng banal na kapangyarihan na taglay ng lahat ng indibiduwal para lutasin ang kanyang sariling problema sa tulong ng Diyos at magkaroon ng kakayahan kalaunan na maglingkod sa iba.
Mga Halimbawa Noon at Ngayon
Malugod na ginawa ni Joseph Smith ang paglilingkod sa iba sa paraan ng Panginoon. Nagpasiya si James Leach at ang kanyang bayaw, matapos mabigo sa paghahanap ng trabaho sa Nauvoo sa loob ng maraming araw, na humingi ng tulong sa Propeta. Naalala ni James:
“Sabi ko, ‘G. Smith, may maibibigay po ba kayong trabaho sa aming dalawa, para may makain kami?’ Masaya ang mukha niya nang tingnan niya kami, at magiliw na sinabing, ‘Buweno, mga ginoo, ano ang kaya ninyong gawin? … Kaya n’yo bang gumawa ng kanal?’ Sinabi kong gagawin namin ang lahat ng makakaya namin dito.
“… Nang matapos na ito pinuntahan ko siya at sinabing tapos na ito. Pinuntahan niya at tiningnan ito at sinabing, ‘… kung ako lamang ang gumawa nito hindi ito ganito kaayos. Ngayon sumama kayo sa akin.’ “Nanguna siya pabalik sa kanyang tindahan, at sinabihan kami na kunin ang pinakamahal na ham o piraso ng karne para sa aming sarili. Dahil nahihiya kami, sinabi kong mas gusto naming siya na lamang ang magbigay sa amin. Kaya’t kinuha niya ang dalawang pinakamalaki at pinakamahal na piraso ng karne at isang sako ng harina para sa bawat isa sa amin, at tinanong kami kung sapat ng kabayaran iyon. Sinabi namin sa kanya na handa kaming magtrabaho pa para dito, subalit sinabi niya, ‘Kung nasiyahan na kayo, mga ginoo, ako rin.’
“Magiliw kaming nagpasalamat sa kanya, at umuwi nang nagagalak dahil sa kabaitan ng Propeta ng ating Diyos.”2
Isang makabagong halimbawa ng ganito ring pagbalanse ng bukas-palad na pagtulong at pag-asa sa sarili ang nangyari noong 2013 nang hagupitin ng Typhoon Haiyan o Bagyong Yolanda ang gitnang bahagi ng Pilipinas, na puminsala o sumira sa mahigit isang milyong kabahayan. Sa halip na basta lang mamigay ng tulong, na maaaring magbunga ng ugaling palaasa at pag-aaksaya, gumamit ang Simbahan ng mga alituntunin ng pag-asa sa sarili upang matulungan ang mga apektadong residente na magkaroon ng mga kasanayan na kailangan para makabangong muli. Bumili ng mga materyales para sa pagtatayo ng bahay, at ang mga lokal na lider ng Simbahan ay nangontrata ng mga magtuturo kung paano ito gawin. Ang mga residenteng nangailangan ng bahay ay binigyan ng mga kagamitan, materyal, at pagsasanay, at sila mismo ang nagtayo ng sarili nilang bahay. Tinulungan nila ang kanilang mga kapit-bahay na gayon din ang gawin.
Sa huli, nakatanggap ang bawat kalahok ng isang sertipiko sa pagsasanay na nagpapatunay na natuto sila ng mga bagong kasanayan at karapat-dapat sila para sa mahahalagang pagkakataong makapagtrabaho. Ang tulong na ito na may kalakip na pagsasanay habang nagtatrabaho ay hindi lamang nagtayo ng mga bahay—nagbigay din ito ng kakayahan. Hindi lamang muling pagtatayo ng mga bahay ang nagawa nito—naibalik din nito ang kumpiyansa ng mga tao sa kanilang sarili.3
Mahalaga ang Maliliit na Kontribusyon
Hindi natin kailangang maging mayaman para makatulong. Isinulat ng isang binata ang nasaksihan niya tungkol kay Joseph Smith: “Nasa bahay ako ni Joseph noon … at ilang kalalakihan ang nakaupo sa bakod. Lumabas si Joseph at nakipag-usap sa aming lahat. Kalaunan isang lalaki ang dumating at nagsabing sinunog kagabi ang bahay ng isang maralitang tao na nakatira di kalayuan sa bayan. Halos lahat ng kalalakihan ay nagsabing nalulungkot sila para sa taong iyon. Dumukot si Joseph ng limang dolyar sa kanyang bulsa at nagsabing, ‘Nalulungkot ako para sa brother na ito at narito ang limang dolyar; gaano kalaki ang nadarama ninyong kalungkutan para sa kanya?’”4
Kamakailan ay may nakilala akong 10 taong gulang na batang lalaki mula sa isang lalawigan na ginastos ang kanyang kaunting pera para bumili ng isang voucher na maglalaan ng bakuna sa polio para sa isang bata. Nabasa ng batang lalaki ang tungkol sa mga batang naparalisa dahil sa polio, at hindi niya gustong may iba pang magdusa dahil sa sakit na iyon. Namangha ako kung gaano niya pinag-aralan at pinag-isipan ang kanyang maliit na kontribusyong ito.
Malinaw na may maibibigay ang bawat isa sa atin, anuman ang ating kalagayan, at ang tunay na kahalagahan ng ating kontribusyon ay hindi lamang masusukat sa katumbas nitong pera.
Ang Kapangyarihan ng Pagkakaisa ng mga Puso
Kung taos-puso nating tinutupad ang ating mga tipan, sisikapin ng bawat isa sa atin na magkaroon ng isang puso at isang isipan, na mamuhay sa kabutihan, at na walang maralita sa atin. Pagsasamahin nito ang ating mga puso at makatutulong ito na mabawasan ang mga hindi patas na kalagayan sa mundo. Ngunit may higit pang lakas kapag pinagsama ng mga pinagtipanang tao ang kanilang mga pagsisikap: maaaring magtulungan ang mga pamilya, mga korum, Relief Society, mga klase sa Young Women, at mga stake sa pagtugon sa mga partikular na pangangailangan ng kanilang mga komunidad para lalong magtagumpay.
Pinagsasama ng organisasyong pantao ng Simbahan, ang Latter-day Saint Charities, ang maliliit na pagsisikap para matulungan ang mga taong nangangailangan sa iba’t ibang dako ng mundo.5 Ang mga miyembro ng Simbahan ay bukas-palad na nag-aambag ng oras, pera, at kahusayan. Karamihan sa mga kontribusyong ito ay maliliit: pag-aabot ng kaunting pera o pagboboluntaryo nang ilang oras. Ito ay isang modernong kahalintulad ng lepta ng balo (tingnan sa Marcos 12:41–44); ipinapakita ng tila maliliit na kontribusyong ito kung ano ang magagawa ng mga balo at mga magsasaka at mga 10 taong gulang na batang lalaki kapag pinagsama nila ang kanilang resources at hiniling nila sa Panginoon na palaguin ito (tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:6).
Napakalayo na ng narating natin mula noong mga unang araw ng Simbahan sa pagtatatag ng mga kalagayan para sa Sion, ngunit marami pang dapat gawin. Nawa’y pagpalain ng Diyos ang bawat isa sa atin na hanapin ang mga nangangailangan at gawin ang magagawa natin upang mapagaan ang kanilang mga pasanin at mapalakas ang kanilang kakayahan. At nawa’y pagpalain din Niya ang Kanyang Simbahan na pagsamahin at palakasin ang mga pagsisikap ng bawat isa sa mga miyembro nito nang sa gayon ay masunod ang tagubilin ng propeta na itatag ang Sion—na magkaroon ng isang puso at isang isipan, mamuhay sa kabutihan, at magsikap na walang maralita sa atin—hanggang sa bumalik ang Tagapagligtas.