Musika para Gumanda ang Araw
Sinipa ni Elizabeth ang isang bao ng niyog sa maalikabok na daan. Nakasimangot siya habang gumugulong ito papalayo. Hindi naging maganda ang araw na ito.
Hindi talaga!
May sinabing hindi maganda si Lagi sa kanya sa paaralan. Kalaunan, nagtawanan ang ibang mga bata nang magkamali siya sa pagsagot ng isang tanong sa harap ng klase. At pagkatapos, nasira ang kanyang proyekto sa sining.
“Nakakainis!” sabi ni Elizabeth. Bakit ba napakapangit ng araw na ito?
Pumitas si Elizabeth ng isang magandang bulaklak. Kahit papaano may isang magandang bagay sa araw na ito. Maging sa isang pangit na araw sa Samoa, nakakakita siya ng magagandang bulaklak sa paligid.
Ipinulupot niya ang kulay rosas na bulaklak sa kanyang buhok at naglakad siya pauwi.
“Talofa!” sabi ni Itay. “Kumusta ang araw mo?”
Tumungo si Elizabeth. “Hindi po maganda.” Nilagpasan niya ang maiingay na baboy sa kanilang bakuran at umupo siya sa tabi ni Itay sa balkonahe.
Nakaupo lang si Itay habang nakikinig sa kuwento niya tungkol sa kanyang pangit na araw.
“Nakakalungkot naman,” sabi ni Itay habang yakap siya. “Nakaranas na rin ako ng mga araw na ganyan. Gusto mo bang malaman ang isang bagay na nakatulong sa akin?”
Tumango siya. “Opo, sige po!”
Nagsimulang kumanta si Itay ng isang awitin na alam na alam ni Elizabeth. Palaging kinakanta ni Itay ang magandang awiting ito ng pag-ibig para kay Inay.
Tumawa siya at itinulak niya ang balikat ni Itay. “I–taaay!”
Ngumiti si Itay. “Seryoso ako! Nakakatulong ang magandang musika para gumaan ang pakiramdam ko. Oo nga pala …”
Alam ni Elizabeth kung ano ang sasabihin ni Itay. Oras na para mag-ensayo sa pagtugtog ng piyano.
Higit sa lahat, gusto ni Elizabeth na matutong tumugtog ng piyano para makatugtog siya ng mga awitin sa simbahan. Nagustuhan na niya ang pagkanta kasama ang kanyang pamilya. Lalo na kapag kasama si Itay. Pero mas mahirap ang pagtugtog ng piyano. Kailangang mahanap ng kanyang mga daliri ang mga nota.
“Parang wala po akong ganang mag-ensayo ngayon,” sabi niya.
Tumayo si Itay. “Sikapin mong ituon ang iyong isipan sa tinutugtog mo. Ang mga himno ay makakatulong sa atin na mas mapalapit sa Diyos.”
Pagkatapos ay hinubad ni Itay ang kanyang tsinelas at pumasok siya sa loob para tumulong sa paghahanda ng hapunan.
Hinubad din ni Elizabeth ang kanyang tsinelas at sumunod siya sa loob. Hinihiwa ni Itay ang mga gulay habang hinahalo ni Inay ang nilaga.
Ang kopya ng nota ng “Fa‘afetai i Le Atua” ay nakapatong sa keyboard. Gustung-gusto ni Elizabeth ang Samoan na himnong ito. Ito ay tungkol sa pasasalamat sa Diyos.
Binuksan ni Elizabeth ang electric keyboard at nagsimula siyang tumugtog. “Ituon ang iyong isipan sa tinutugtog mo,” sabi ni Itay.
Iyon nga ang ginawa niya. Inisip niya ang lahat ng mga bagay na ipinagpapasalamat niya. Ang kanyang pamilya. Ang kanyang bahay. Musika. Magandang Samoa.
Mas madali nang nahanap ng kanyang mga daliri ang mga nota. Makalipas ang ilang sandali, nagsimulang magbago ang damdamin niya. Nakadama siya ng kapayapaan. Ngumiti si Elizabeth. Naramdaman niya ang Espiritu Santo!
Itinigil ni Itay ang paghihiwa ng gulay. Nagsimulang humimig si Itay. Tumayo si Itay sa tabi ni Elizabeth at nagsimulang kumanta.
Patuloy siyang tumugtog, at sumali na rin si Inay. Patuloy na inisip ni Elizabeth ang lahat ng mga paraan na pinagpala siya at ang kanyang pamilya ng Diyos.
Sa dulo ng awitin, yumuko si Itay at nagtanong, “Gumaan na ba ang pakiramdam mo?”
“Opo!” sabi niya. “Tama po kayo. Nakatulong po talaga ang magandang musika para gumanda ang araw ko!” ●