Mga Katangi-tanging Anak na Babae ng Diyos
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa Kumperensya ng Kababaihan sa BYU noong Mayo 5, 2017.
Ang pagsisikap na tumulong sa maliliit at simpleng paraan ay maaaring magpala sa ating pamilya at sa iba sa mga di-karaniwang paraan.
Karaniwan lamang ang aking kuwento. Habang lumalaki ako, gustung-gusto kong nag-aaral, pero hindi ako kailanman nanguna sa anumang klase. Wala akong maipagmamalaking anumang kahusayan. Tumutugtog ako ng piyano ngunit nahihirapan akong tumugtog ng himno. Mahilig akong magpunta sa mga museo ng sining, ngunit ang aking mga talento sa sining ay hanggang sa pagguhit lang ng kung anu-anong mga disenyo sa aking mga notebook. Kaya kong magtahi ng paldang pwede nang isuot, pero hindi ko kayang magtahi ng terno.
Bagama’t nabiyayaan ako ng malusog na katawan at mahilig akong tumakbo sa parke o lumangoy sa lawa, hindi ako sumali sa mga palakasan sa aming paaralan sa anumang antas. Hindi ako kailanman naanyayahan sa sayawan, at hindi ako naging presidente ng anuman. Hindi ako kailanman naging bahagi ng mga sikat na grupo, at isang napakagandang kaibigan ang minsang sumiyasat sa aking hitsura at nagsabing, “Hindi ka magiging maganda, pero pwede kang maging cute.” Sa madaling salita, karaniwan lang ako.
Maaaring ganito rin ang nararanasan ng ilan sa inyo, nadaramang karaniwan lang kayo—marahil mas mababa pa kaysa sa karaniwan. Kung tao kayo—at lalo na babae—malamang ay nakaranas na kayo ng mga panahon ng pag-aalinlangan at kawalang pag-asa dahil hindi ninyo naaabot ang lahat ng gusto ninyong maabot.
Ngunit gayunpaman, maging sa aking pagiging karaniwan, nakita ng Ama sa Langit ang aking kahalagahan at tinulungan Niya ako na simulang paghusayin ang mga kakayahan at talento na alam Niyang tutulong sa akin na maging katulad ng nilayon Niyang kahinatnan ko. Dapat ninyong malaman na ilalaan ng inyong Ama sa Langit ang lahat ng kailangan ninyo upang maging katangi-tangi bilang anak na babae ng Diyos. Bawat isa sa atin ay maaaring maging katangi-tangi dahil sa ating mga di-karaniwang talento at kakayahan.
Hindi tulad sa mundo, sa Kanyang kaharian ay walang tuntungan para sa nagwagi kung saan isa o dalawang tao lamang ang kasya. Bawat isa sa Kanyang mga anak na babae ay tinuruan at inihanda at pinagkalooban sa premortal na daigdig ng kahanga-hangang potensyal na maging reyna sa kahariang selestiyal.
Ang Inyong Potensyal para sa Kadakilaan
Ano ang gusto ninyong maisakatuparan sa inyong buhay? Ano ang inyong mga mithiin at hangarin? Kung ang inyong pangmatagalang mithiin ay makapasok sa kahariang selestiyal para mabuhay magpakailanman kasama ang ating mga Magulang sa Langit at ang ating mga mahal na kapamilya, ang matibay na mithiing iyon ang tutulong sa inyo na magawa ang higit sa inaakala ninyong posible ngayon (tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:9).
Mayroon kayong kahanga-hangang potensyal para sa kabutihan dahil kayo ay pinagtipanang anak na babae ng mga Magulang sa Langit. Ang katibayan ng inyong likas na potensyal para sa kadakilaan ay ang simpleng katotohanan na isinilang kayo sa mundo dahil pinili ninyo sa premortal na daigdig na tanggapin ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at tularan ang halimbawa ng Kanyang Anak na si Jesucristo. At dahil handa si Jesucristo na akuin ang mga kasalanan at mga kahinaan—o mga kakulangan—ng bawat isa sa atin (tingnan sa Alma 7:11–13) at isagawa ang sagradong tungkuling iyon sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, nagkaroon tayo ng lubos na pag-asa na maaaring maabot nating lahat ang ating banal na potensyal. Kapag tayo ay gumagawa at tumutupad ng mga sagradong tipan, ipinapakita natin ang ating hangaring isakatuparan ang banal na potensyal na iyon. Alam natin na hindi natin ito magagawa nang mag-isa, ngunit sa pamamagitan ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ng biyaya ng Tagapagligtas, magagawa natin ang lahat ng kinakailangan para sa kadakilaan.
Ang kaisipang iyon ang nagpalakas sa akin nang tawagin ako bilang Relief Society General President. Batid ko na wala ako ng lahat ng karunungan at kakayahan para maisagawa ang mga kinakailangan, gayunpaman ako ay napanatag at napalakas ng kaalamang “taglay [ng Diyos] ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa” (Mosias 4:9) at kung pagsisikapan lamang natin, gagawin ang lahat ng ating makakaya kahit hindi perpekto, ang Panginoon “ay papasa[ating] kanang kamay at sa [ating] kaliwa, … at ang [Kanyang] mga anghel ay nasa paligid [natin], upang dalhin [tayo]” (Doktrina at mga Tipan 84:88). Ang tanging hinihingi Niya ay “ang puso at may pagkukusang isipan” (Doktrina at mga Tipan 64:34). Kapag masunurin tayo sa Kanyang mga kautusan, tayo ay mapapalakas upang maisakatuparan ang lahat ng kinakailangang gawin sa buhay na ito gayundin para makapasok sa Kanyang kaharian sa kabilang-buhay. Ang pagpili na maging disipulo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na magkaroon ng malaking impluwensya sa mga nakapaligid sa atin.
Saanman tayo nakatira, anuman ang kalagayan ng ating pamilya, gaano man kalaki ang pera natin sa bangko, o gaano man katagal mula nang maging miyembro tayo ng Simbahan, bawat isa sa atin ay maaaring maging malaking impluwensya para sa kabutihan. Ang pamumuhay nang may integridad sa tahanan at sa komunidad, paggamit ng mahinahong pananalita at hindi pagtataas ng boses sa isang batang mahirap alagaan o katrabahong mahirap pakisamahan, pagpapakita ng inyong mga pamantayan sa pamamagitan ng disenteng pananamit, at paglampas sa inyong personal na antas ng kaginhawaan para makilala ang mga nakatira sa inyong paligid ay ilan lamang sa mga simpleng bagay na magagawa natin na makakaimpluwensya sa iba na paunlarin ang kanilang espirituwal na pamantayan ng pamumuhay.
Alam ng mga taong pamilyar sa kasaysayan ng paninirahan sa mga hangganan ng mga lugar sa iba’t ibang dako ng mundo na maraming bayan ang nagsimula sa hindi organisadong pagtitipon ng malulupit na kalalakihang nagdatingan para magnegosyo at maghanap ng suwerte. Nagkaroon lamang ng tunay na pag-unlad na matatawag na sibilisadong pamumuhay nang magdatingan ang maraming kababaihan at magpumilit na magtayo ng mga simbahan at mga paaralan at magtatag ng maayos na kapaligiran.
“Noon pa mang una, umaasa na ang lipunan sa mabuting impluwensya ng kababaihan,” sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Bagama’t totoong hindi lang ito ang nakaiimpluwensya nang mabuti sa lipunan, ang pundasyon ng kabutihang laan ng kababaihan ay napatunayang kapaki-pakinabang sa kapakanan ng lahat. Marahil, dahil lagi naman itong naririyan, ang mabuting impluwensya ng kababaihan ay hindi gaanong napapahalagahan. … Isinilang ang kababaihan na may taglay na kabutihan, isang banal na kaloob na nagbibigay sa kanila ng kakayahang magkintal sa puso’t isipan ng pananampalataya, katatagan, pakikiramay, at kapinuhan sa pakikipag-ugnayan at sa mga kultura.”1
Ang kababaihan ay binigyan ng mga espesyal na kakayahan na nagtutulot sa kanila na makita ang mga detalye ng buhay gayon din ang kabuuang layunin ng buhay, nang sabay kadalasan. Tuklasin ang mga kakayahang iyon at gamitin ang mga ito, mahal kong mga kapatid!
Naaalala ko ang sinabi sa atin ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) sa kanyang makapangyarihan ngunit mapagpakumbabang tinig: “Hindi ninyo nalalaman ang kabuuang saklaw ng impluwensya ninyong mga kababaihan. Mas pinabubuti ninyong mga kababaihan ang buong sangkatauhan. … Dala ng bawat babae ang kanyang natatanging kalakasan sa pamilya at sa Simbahan.”2
Ano ang Kahulugan sa Inyo ng Relief Society?
Bilang mga adult na babaeng miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kayo at ako ay kabilang sa isa sa mga pinakauna at pinakamalaking organisasyon ng kababaihan sa mundo. Sa mahigit 7.1 milyong miyembro ng Relief Society sa buong mundo, tayo ay may samahan na maaaring maging walang-hanggan.
Ang Relief Society ay hindi lamang basta klase sa araw ng Linggo. Tulad ng itinuro ni Pangulong Faust, ito ay isang kapatiran ng kababaihan na itinatag ng langit. Ito ay isang lugar ng pag-aaral. Ito ay isang organisasyon na ang pangunahing layunin ay pangalagaan ang iba tulad ng nakasaad sa ating sawikain, “Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang.”
“Ang pagiging miyembro ng Relief Society … ay naglalaan ng isa pang tahanan maliban sa [ating] tahanan sa langit, kung saan maaari [tayong] makihalubilo sa iba na kapareho [natin] ng mga pinaniniwalaan at pinahahalagahan.”3
Mayroong mga problema at mga hamon sa buhay. Kung nagkaroon kayo ng hindi kasiya-siyang karanasan sa Relief Society, alalahanin na lahat tayo ay natututo pa. Ito ay isang ligtas na lugar para sa kababaihan kung saan makakapagtanong sila at para sa mga taong naghahanap ng identidad at layunin. Ito ay isang lugar na tutulong sa bawat isa sa atin na paghusayin ang ating sarili at umunlad nang magkakasama.
Kung pamilyar kayo sa binagong pahayag ng layunin ng Relief Society, alam ninyo na “ang Relief Society ay tumutulong na ihanda ang kababaihan para sa mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan habang pinag-iibayo nila ang pananampalataya nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala; [habang] pinalalakas nila ang mga indibiduwal, pamilya, at tahanan sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan; at [habang] nagkakaisa sila sa pagtulong sa mga nangangailangan.”4
Kaya, una, sinisikap nating maisakatuparan ang ating banal na potensyal. Upang magawa iyon, “tulong-tulong” tayong lahat na mahalin ang iba, na “sa sangkatauhan ay [mag-kawanggawa].”5 Nakikibahagi tayo sa gawain ng kaligtasan, na kinapapalooban ng gawaing misyonero ng mga miyembro, pagpapanatili sa mga bagong binyag, pagpapaaktibo sa mga miyembrong hindi gaanong aktibo, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo6—lahat ng bagay na ginagawa na ninyo.
Saan Tayo Magsisimula?
Saan at paano natin gagawin ang gawaing ito? Kapag inakbayan natin ang isang mahiyaing babae sa simbahan, kapag tinutulungan natin ang isang dalagang nahihirapan, kapag kumikilos tayo para pakainin at damitan at turuan ang isang bata araw-araw, kapag ibinabahagi natin sa ating kapit-bahay kung ano ang nakapagpapasaya sa atin tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, kapag dumadalo tayo sa templo kahit hindi kumbinyente, kapag sinisikap nating paunlarin ang ating mga talento na may mithiing maging kasangkapan para sa Panginoon—lahat ng mga gawaing ito at ang iba pang simple ngunit makabuluhang paglilingkod ay bahagi ng gawain ng kaligtasan. Iyon ang ating misyon, at talagang napakalaki nito,7 ngunit maaari itong maisakatuparan kapag bawat isa sa atin ay may ginagawa—at ipinagpapatuloy ito!
Tulad ng sinabi ni Emma Smith, ang unang Relief Society General President, noong 1842, “May gagawin tayong isang bagay na di karaniwan.”8
Halimbawa, isang abala at bata pang ina sa Arizona, USA ang nag-isip kung ano ang magagawa niya para matulungan ang isang pamilyang refugee na bagong dating sa kanilang komunidad. Hindi nagtagal ay nalaman niya na maaari siyang magbigay ng ilang gamit para sa apartment nila na wala pang laman. Nang bisitahin nilang mag-iina ang pamilya para dalhin ang mga gamit, nalaman niya na walang lalagyan ang ina ng kanyang mga personal na gamit. Alam niya na siya at marami sa kanyang mga kaibigan ay may mga ekstrang lalagyan, kaya nag-post siya ng isang kahilingan sa social media. Ang simpleng simula na iyon ay nagbunga ng isang warehouse na puno ng mga gamit na kinakailangan ng mga pamilyang refugee na bagong dating sa lugar at nakatulong na magkaroon ng magandang samahan ang mga kababaihang ito na magkakaiba ng relihiyon.
Nagpatotoo si Sister Eliza R. Snow, ang pangalawang Relief Society General President, tungkol sa mga pagpapala ng Relief Society: “Kung mayroon mang mga anak na babae o mga ina sa Israel na nakadarama kahit paano na [limitado] ang nagagawa nila, ngayon ay magkakaroon sila ng sapat na pagkakataon na maipakita ang lakas at kakayahan nila sa paggawa ng kabutihan na saganang ipinagkaloob sa kanila.”9
Kaya, anong di-karaniwang bagay ang pipiliin ninyong gawin? Pumili ng isang bagay ayon sa oras at resources na mayroon kayo. “Huwag kang tumakbo nang mas mabilis o gumawa nang labis kaysa sa iyong lakas at kakayahan … ; sa halip maging masigasig” (Doktrina at mga Tipan 10:4). Kung karamihan sa inyong gawain ng kaligtasan ay isinasagawa sa loob ng tahanan sa panahong ito ng inyong buhay o kung ang inyong impluwensya ay umaabot sa iba’t ibang dako ng mundo, o anuman sa pagitan nito, ang Panginoon ay nalulugod sa inyong mga pagsisikap kapag nakatuon kayo sa paglilingkod sa mga anak ng Diyos at sa walang-hanggang mithiin na makabalik sa Kanya bilang isang bago at pinaunlad na bersyon ng inyong espirituwal na sarili. Tulad ng malinaw na sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kadakilaan ang ating mithiin; pagkadisipulo ang ating paglalakbay.”10
Habang sumusulong tayo sa paglalakbay na ito ng pagkadisipulo, nawa’y piliin ng bawat isa sa atin na tumulong sa maliliit at simpleng paraan na magpapala sa ating pamilya at sa iba sa mga di-karaniwang paraan. Nawa’y pahalagahan natin ang ating samahan sa organisasyong ito na dinisenyo ng langit at kilalanin at sundin natin si Jesucristo, na ang mga turo at perpektong halimbawa ay gagabay sa atin pabalik sa ating Ama sa Langit.