2020
Ang Aking Isla ng Pananampalataya
Marso 2020


Ang Aking Isla ng Pananampalataya

family walking to church in the rain

Paglalarawan ni Allen Garns

Noong bata pa ako sa Robinson Crusoe Island, matatagpuan 416 milya (670 km) mula sa baybayin ng Chile, tinuruan kaming magkakapatid ng aming mga magulang tungkol sa pananampalataya at pagtitiyaga.

Nangyari ang isa sa kanilang mga di-malilimutang aral noong isang araw ng Linggo na bumabagyo. Alam ng aking mga magulang na mayroon silang pangako na dapat tuparin sa Panginoon—kailangan nilang magsimba. Sira na ang aming mga payong, kaya mga dyaket at bota lang ang proteksyon namin laban sa bagyo. Naisip ng aking ina na talukbungan kami ng mga plastik na lalagyan ng basura. Hindi kami nahiya na kami lang ang mga taong naglalakad sa kalye sa gitna ng ulan. Alam namin na ginagawa namin ang nais ng Panginoon na gawin namin.

Pagdating namin sa bahay na ginagamit namin bilang chapel, napagtanto namin na kami lang ang magsisimba noong araw na iyon. Maraming araw ng Linggo na gaya niyon. Ang aking ama ang branch president noon at kadalasang namumuno sa mga miting na dinadaluhan lamang ng mga bata at ilang Relief Society sister. Siya rin ang nagbabasbas at nagpapasa ng sakramento.

Nais kong balikan ang mga araw na iyon na nagsisimba kami bilang pamilya. Ang pagkanta ng mga himno nang magkakasama at pag-aaral tungkol sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo ay mananatiling isang napakagandang alaala. Ang aking puso ay naroon pa rin sa Robinson Crusoe Island. Lahat ng alaala ng aking kabataan, pati na ang pagtuturo sa akin ng aking mga magulang ng ebanghelyo, ay nangyari roon.

Dahil kakaunti lang ang mga miyembro ng Simbahan sa isla, hindi namin natamasa ang mga programa o resources na tinatamasa ng maraming miyembro. Ngunit tinuruan kami ng aming mga magulang na magsimba, manalangin, at basahin ang mga banal na kasulatan. Sa pagbabasa ko ng mga banal na kasulatan, nakahanap ako ng lakas at patnubay at nakatanggap ako ng mga personal na paghahayag. Hindi ko makakalimutan ang araw ng Linggo na natanggap ko ang pagpapatibay na magmisyon.

Noong nasa kolehiyo ako sa Viña del Mar, Chile, naalala ko ang mga panahong naglalakad kami ng aking mga magulang papunta sa Simbahan sa gitna ng katirikan ng araw, pagbuhos ng ulan, pagbagsak ng yelo, at pag-ihip ng malakas na hangin. Tuwing araw ng Linggo, ang alaalang ito ang nagtutulak sa akin na bumangon, maghanda, at magsimba—anuman ang nangyayari sa labas.

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naging sentro ng aking buhay bilang isang bata, missionary, at ngayon bilang asawa at ina. Ngayong may sarili na akong pamilya, ipapasa naming mag-asawa sa aming mga anak ang halimbawa ng pananampalataya ng aking mga magulang.