Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa Pamamagitan ng mga Propeta at mga Apostol
Ang gawain ng Panginoon ay nangangailangan ng isang organisasyon na pinamumunuan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga lider na Kanyang pinili at binigyan ng awtoridad at na Kanyang ginagabayan sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga layunin. Ipinapakita sa kasaysayan sa banal na kasulatan na ang mga lider na iyon ay isang propeta o kaya’y mga propeta at mga apostol. Ito ang huwaran noong panahon ng pinagtipanang Israel at noong kalagitnaan ng panahon, at nagpapatuloy ito sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.
Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang mga Tao sa Pamamagitan ng Isang Organisasyon
Ang layunin ng ating Ama sa Langit ay “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” ng Kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae (Moises 1:39). Sa dispensasyong ito, isinasakatuparan Niya ito sa pamamagitan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ang layunin ay “tulungan ang mga indibiduwal at pamilya na maging karapat-dapat para sa kadakilaan.”1
Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na “ang tatlong dakilang tungkulin na ibinigay sa Simbahan [ay] una, ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga tao sa mundo; pangalawa, ipatupad ang ebanghelyong iyon sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan; at pangatlo, ipaabot ang mga pagpapala nito sa pamamagitan ng mga ordenansang gagawin para sa mga yaong nasa kabilang-buhay.”2
Sa ating panahon, marami ang tila nagnanais ng espirituwalidad o relihiyon ngunit inaakala nila na matatamo nila ito nang walang anumang organisasyong pangrelihiyon. Binabalewala ng mga taong nag-aakalang matatamo nila ito nang walang pormal na organisasyon ang nakatalang kasaysayan tungkol sa itinatag ng Panginoong Jesucristo upang matiyak ang pagpapatuloy at pagiging epektibo ng Kanyang ebanghelyo at mga turo. Tulad ng ipinaalala sa atin ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang di-malilimutang pangkalahatang kumperensya limang taon na ang nakararaan, “Sa kalagitnaan ng panahon, itinatag ni Jesus ang Kanyang gawain sa paraan na maitatatag ang ebanghelyo nang sabay-sabay sa maraming bansa at sa iba’t ibang mga tao.”3 Kabilang sa organisasyong iyon ang mga Apostol at ang iba pang mga lider na inilarawan sa Bagong Tipan.
Bakit kinakailangan ng isang organisasyon upang maisakatuparan ang mga layunin ng Panginoon? Bagama’t mahal tayo ng Tagapagligtas at tinutulungan Niya ang bawat isa sa atin, upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin para sa lahat ng anak ng Diyos—lalo na sa Kanyang mga pinagtipanang tao—kumikilos Siya sa pamamagitan ng isang organisasyon na pinamumunuan ng mga propeta at mga apostol.
Tanging sa pamamagitan lamang ng isang organisasyon matatanggap ng bawat miyembro ng tinatawag ni Apostol Pablo na “katawan ni Cristo” (I Mga Taga Corinto 12:27) ang mga pagkakataong kinakailangan nila para makamtan ang espirituwal na pag-unlad na siyang layunin ng kanilang pagkalikha. At tanging isang organisasyon na may iba-ibang talento at sari-saring pagsisikap ang makatatamo ng yaong kinakailangan para maisakatuparan ang gawain ng Panginoon.
Kabilang sa mga bagay na maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng mga organisadong grupo ng mga nananampalataya ay ang pagsisikap na tulungan ang mga maralita, ang pagpapahayag ng ebanghelyo sa buong mundo, at ang pagtatayo at pagpapanatili ng mga templo. Sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang layunin ng Diyos sa pagtitipon ng Kanyang mga tao ay “upang magtayo ng bahay para sa Panginoon kung saan maihahayag Niya … ang mga ordenansa ng Kanyang bahay at ang mga kaluwalhatian ng Kanyang kaharian, at maituturo sa mga tao ang daan tungo sa kaligtasan.”4
Kinakailangan din ng isang organisasyon para masunod ang utos ng Panginoon na “maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (Doktrina at mga Tipan 38:27). Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, ng Unang Panguluhan, na hindi natin matatamo ang pagiging isa na iyon—ang pagkakaisang iyon—bilang mga indibiduwal. “Kailangan natin itong hangarin at maging karapat-dapat tayo para rito kasama ang iba. Hindi nakakagulat kung gayon,” sabi niya, “na hinihimok tayo ng Diyos na magtipon upang mapagpala Niya tayo.”5
Kinakailangan ding maranasan ng bawat nananampalataya ang relihiyon sa pamamagitan ng isang organisasyong pangrelihiyon dahil sa paraan lamang na ito tayo awtorisadong masasaway o mapaparusahan para sa mga kasalanan at pagkakamali. Ang pagpaparusang iyon ay kinakailangan para sa ating espirituwal na pag-unlad (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 136:31; 101:4–5; tingnan din sa Mosias 23:21–22).
Nagbigay si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng isa pang dahilan kung bakit kinakailangang mag-organisa ng relihiyon o ng mga espirituwal na tao: “dahil ang indibiduwal na kabutihan ay hindi sapat sa paglaban sa kasamaan.”6
Ang Ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay Pinamamahalaan ng mga Propeta at mga Apostol
Ang organisasyon ng Simbahan ni Jesucristo ay dapat magkaroon ng mga lider na pinili Niya at binigyan ng kapangyarihan at awtoridad na ipahayag ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga tao.
“Ako’y hindi ninyo hinirang,” itinuro ng Tagapagligtas, “nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo’y magsiyaon at magsipagbunga” (Juan 15:16). Malinaw sa Biblia kung sino ang pumipili ng mga propeta at mga apostol. Sa Lumang Tipan, makikita ito nang malinaw sa pagtawag kina Moises at Samuel at sa Bagong Tipan, makikita ito sa pagtawag sa Labindalawang Apostol at kay Apostol Pablo (tingnan sa Exodo 3; I Samuel 3; Marcos 3; Mga Gawa 9). Ang mga lider na ito ay hindi nagboluntaryo, at hindi sila inihalal ng mga mananampalataya.
Ipinapakita rin sa Biblia na ang mga lider ng relihiyon ay dapat magkaroon ng awtoridad ng priesthood ng Diyos, na iginagawad sa pamamagitan ng isang taong nagtataglay ng awtoridad na iyon. Ang mga paglalarawan ng Biblia tungkol sa pagtawag at pagbibigay ng awtoridad kay Aaron, sa mga miyembro ng Labindalawang Apostol, at sa Pitumpu ay naglalarawan sa alituntuning ito (tingnan sa Exodo 28:1–4; Marcos 3:14–15; Lucas 10:1, 17). Ang awtoridad ng priesthood ay hindi nagmula sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan o sa hangaring maglingkod. At ang ordinasyon na nagkakaloob ng awtoridad ng priesthood ay nagmumula sa mga lider ng Simbahan, at ipinapaalam ito sa mga tao (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:11).
Sa Lumang Tipan, ang mga espirituwal na lider ay mga propeta. Inilarawan sila sa tatlong magkakaibang tungkulin. Ang ilan ay mga banal na tao na nagsasagawa ng gawain ng propeta para sa kanilang mga inapo, tulad ni Abraham. Ang ilan ay mga lider na namumuno sa pamahalaan at bilang saserdote, tulad nina Moises at Josue. Ginagampanan ng karamihan ang kanilang tungkulin bilang propeta, hiwalay sa kanilang tungkulin sa pamilya at sa pamahalaan, tulad nina Samuel at Isaias. Nakasaad din sa Aklat ni Mormon ang tatlong tungkulin ng mga propeta, tulad ng kina Lehi (patriyarka), Haring Benjamin (namumuno sa pamahalaan), at Nakababatang Alma (pagkatapos magbitiw sa kanyang tungkulin bilang punong hukom) (tingnan sa 1 Nephi 1–2; Mosias 1–6; Alma 4–5). Gayunman, malinaw na lahat ng propetang nabuhay bago si Jesucristo ay nanawagan ng pagsisisi sa mga tao, at, higit sa lahat, nagpropesiya tungkol sa pagdating ng Mesiyas.7
Ang tungkulin ng Apostol ay unang nabanggit sa Bagong Tipan, noong tumawag ang Tagapagligtas ng mga Apostol nang iorganisa Niya ang Kanyang ministeryo na mangaral, magbinyag, at magpagaling. Isinulat ni Apostol Pablo na ang Simbahan ni Jesucristo ay “itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Mga Taga Efeso 2:20). Tumawag din si Jesus ng mga Pitumpu at isinugo Niya sila upang maglingkod (tingnan sa Lucas 10:1, 17), at pinahintulutan Niya ang pagtawag ng iba pang mga lider, tulad ng mga pastor at mga guro (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:11).
Isang mahalagang tungkulin ng mga Apostol sa Simbahan na itinayo ni Jesus ang paghawak ng mga susi ng priesthood. Nang ipangako ng Tagapagligtas kay Apostol Pedro “ang mga susi ng kaharian ng langit,” inilarawan Niya ito bilang kapangyarihan na “anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit” (Mateo 16:19). Ibig sabihin, tinitiyak ng mga susi na may bisa sa langit ang mga awtorisadong ginawa ng mga mayhawak ng prieshood sa lupa. Ang mga Apostol na humahawak ng mga susi ng priesthood ay may karapatan at tungkulin na mamuno at mamahala sa mga aktibidad ng priesthood ng Diyos at sa Simbahan ni Jesucristo sa lupa.8 Kabilang dito ang pagsasagawa at pangangasiwa sa mahahalagang ordenansa ng ebanghelyo.
Bilang bahagi ng kanilang mga responsibilidad, ang mga propeta at mga apostol ay mayroong katungkulan at kaloob bilang propeta na magturo ng mga katotohanan ng ebanghelyo at magpatotoo bilang “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (Doktrina at mga Tipan 107:23). Natutukoy nila ang katotohanan at kamalian at may awtoridad sila na sabihing, “Ganito ang sabi ng Panginoon.” Ipinahayag ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang mga apostol “ay may karapatan, kapangyarihan, at awtoridad na ipahayag ang kalooban at kagustuhan ng Diyos sa kanyang mga tao, sa ilalim ng buong kapangyarihan at awtoridad ng Pangulo ng Simbahan.”9
Bilang mga tagapaglingkod ng Ama at ng Anak, ang mga apostol at mga propeta ay nagtuturo at nagpapayo ayon sa patnubay ng Espiritu Santo, nang walang ibang hangarin kundi ang magsalita ng katotohanan at hikayatin ang lahat na tahakin ang landas patungo sa mga pagpapala ng Diyos, kabilang ang Kanyang pangunahing hangarin para sa lahat ng Kanyang mga anak: buhay na walang hanggan, ang “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7). Mapagkakatiwalaan ang kanilang mga tinig.
Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Labindalawang Apostol: “Sa mundo ngayon, kung saan 24 oras kada araw ay nagbabahagi ng magkakasalungat na opinyon ang mga komentarista sa telebisyon at radyo, kung saan nagpapaligsahan ang mga negosyante para sa lahat ng bagay mula sa inyong pera hanggang sa inyong boto, mayroong isang malinaw, dalisay, at walang kinikilingang tinig na palagi ninyong mapagkakatiwalaan. At iyon ang tinig ng buhay na propeta at ng mga apostol. Ang tanging layunin nila ay ang ‘walang hanggang kapakanan ng inyong mga kaluluwa’ (2 Ne. 2:30).”10
Ang daan tungo sa mga turo ng mga apostol at mga propeta ay isang pagpapala at isang malaking pananagutan. Ang pagpapala ay ang nakahandang daan tungo sa mga bagay na nais ng Panginoon na marinig natin. Dahil sa daang ito tungo sa mga turo ng Panginoon, may pananagutan tayo na pakinggan at sundin ang mga turong iyon. Sa kasamaang-palad, hindi natutupad ng ilang mananampalataya ang pananagutang ito. Hindi nakapagtataka na hindi tinatanggap ng marami sa mundo ang katotohanan na binibigyan ng Diyos ang mga apostol at mga propeta ng awtoridad at inspirasyon na mangusap sa Kanyang pangalan. At hindi tinatanggap ng mas maraming tao ang mga propeta at mga apostol dahil itinatatwa nila na mayroong Diyos o na mayroon talagang tama at mali.
Sa kabutihang-palad, marami rin naman ang pumipiling maniwala at sumunod sa mga turo ng mga propeta. Natatanggap nila ang mga ipinangakong pagpapala. Ganito ang itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang huwarang matagal nang itinakda ng Diyos sa pagtuturo ng Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propeta ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na pagpapalain Niya ang bawat propeta at pagpapalain Niya ang mga nangangailangan ng payo ng propeta.”11
Ang mga Propeta at mga Apostol ay Kumikilos sa Pamamagitan ng mga Konseho
Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga propeta (marami) at mga apostol (marami), habang kumikilos sila sa pamamagitan ng mga konseho. Maraming halimbawa nito.
Tumatawag ang Panginoon ng isang propeta upang pasimulan ang isang bagong dispensasyon. Pagkatapos, kapag ang bagong pagpapanumbalik na iyon ay umunlad at sumulong, ihahayag ang mga doktrina at mga tuntunin para sa grupo sa pamamagitan ng isang organisasyon na pinamumunuan ng mga apostol at mga propeta. Kaya, nang umunlad at sumulong ang ipinanumbalik na Simbahan sa huling dispensasyong ito, inihayag ng Panginoon na ang mga pinakamahalagang gawain at pinakamahirap na pagpapasiya ay dapat gawin ng konseho ng Unang Panguluhan at Labindalawang Apostol (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:78–79). Doon, ang lahat ng pasiya ay “kinakailangang sa pamamagitan ng nagkakaisang tinig ng naturan” (Doktrina at mga Tipan 107:27). Kung hindi, ang kanilang mga pasiya “ay walang karapatan sa gayunding mga pagpapala na siyang mga pasiya ng korum ng tatlong pangulo noong sinauna” (Doktrina at mga Tipan 107:29).
Lahat ng ito ay nagpapakita ng utos ng Panginoon na ang Kanyang Simbahan ay dapat pamahalaan ng mga konseho ng mga apostol at mga propeta. Pinoprotektahan at isinusulong nito ang pagkakaisa na mahalaga sa Simbahan ng Panginoon.
“Inihayag ng Panginoon sa pagsisimula ng gawaing ito na dapat magkaroon ng tatlong mataas na mga saserdote na mamumuno sa Mataas na Pagkasaserdote ng kanyang Simbahan at sa buong Simbahan,” turo ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) sa pangkalahatang kumperensya kung saan sinang-ayunan siya bilang Pangulo ng Simbahan.12 Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tatlong mataas na mga saserdote sa panguluhan sa pamamagitan ng paghahayag “na hindi tama para sa isang tao na gamitin ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan ng panguluhan sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”13 Dagdag pa niya, “Hindi nilayon ng Panginoon kailanman na iisang tao lamang ang magtaglay ng lahat ng kapangyarihan, at sa kadahilanang iyon ay naglagay siya sa kanyang Simbahan ng mga pangulo, mga apostol, mataas na mga saserdote, mga pitumpu, [atbp.].”14
Ang pagbanggit sa marami, mga propeta at mga apostol, ay makikita rin sa pamilyar na turong ito ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972): “May isang bagay na dapat maging napakalinaw sa ating isipan. Hindi kailanman ililigaw ng Pangulo ng Simbahan, ni ng Unang Panguluhan, ni ng nagkakaisang tinig ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ang mga Banal o papayuhan ang sanlibutan nang salungat sa isipan at kalooban ng Panginoon.”15
Upang maging opisyal na doktrina ng Simbahan ni Jesucristo, ang mga indibiduwal na turo ng mga apostol at maging ng mga propeta ay dapat pagtibayin sa pamamagitan ng pagsang-ayon ng iba pang mga apostol at mga propeta. Ito ay ipinakita sa Biblia sa pagsang-ayon ng mga Apostol nang ilahad ni Pedro ang paghahayag na natanggap niya na ipangaral ang ebanghelyo sa mga gentil (tingnan sa Mga Gawa 11:1, 18). Tulad din nito, nang idulog sa mga Apostol ang usapin kung kinakailangang gawin ang pagtutuli, ipinaalala sa kanila ni Pedro ang kahalagahan ng paghahayag na natanggap niya, at pagkatapos ay sinang-ayunan at inayos ng konseho ang usapin sa pamamagitan ng isang nagpapatunay na liham sa Simbahan (tingnan sa Mga Gawa 15).
Gayon din, sa ipinanumbalik na Simbahan, ang isang doktrina ay hindi maituturing na opisyal na doktrina hangga’t hindi ito tinatanggap ng konseho ng Simbahan sa pamamagitan ng batas ng pangkalahatang pagsang-ayon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 26:2, 28:13). Ang alituntuning iyon ay inihayag noong 1830 at sinusunod na mula noon.16 Ang kaugaliang ito, na hindi sinunod ng mga simbahan sa panahon na tinatawag nating Apostasiya, ay nagpoprotekta sa mga katotohanan ng ebanghelyo upang hindi ito mabago o maimpluwensyahan ng mga ideya o opinyon ng mga tao.
Sa huli, ang mahalagang pagkakaisa sa doktrina ng iba’t ibang lider ay napangangalagaan ng patakarang itinakda noon pa man na ang mga bagay na itinanong sa indibiduwal na mga Apostol o iba pang mga awtoridad tungkol sa doktrina o tuntunin na hindi malinaw na nakasaad sa mga banal na kasulatan o hanbuk ay dapat isangguni sa Unang Panguluhan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:126).17
Ang mga Propeta at mga Apostol ay Nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo
Sa kanyang ministeryo, ganito ang itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Tulad ng pagpatnubay ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob bilang mga pamilya, at sa mga anak ni Israel bilang isang bansa; tayo man, bilang isang Simbahan, ay dapat magpailalim sa Kanyang patnubay kung gusto nating umunlad, maligtas, at mapalakas.”18
Inilarawan sa artikulong ito kung paano isinasakatuparan ng Panginoon ang Kanyang gawain sa buong kasaysayan at kung paano nagpapatuloy ang huwaran at paraang ito sa panahon natin ngayon. Tulad ng itinuro ni Apostol Pedro, “pinatotohanan ng lahat ng mga propeta” ang tungkol kay Cristo (Mga Gawa 10:43). Sa ating panahon, patuloy na isinasakatuparan ng Panginoon ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga propeta at mga apostol na may awtoridad na kumilos sa Kanyang pangalan upang gawin ang Kanyang gawain na isakatuparan ang buhay na walang hanggan ng tao.