Kaya Ito ng Ubon Ward!
Ang awtor ay naninirahan sa Isan, Thailand.
Ang mga miyembro ng aming ward ay bihirang magkasama-samang lahat—kahit sa simbahan. Ano ang magagawa namin para mahikayat ang lahat na sama-samang magsimba?
Maraming miyembro rito sa Thailand ang nahihirapang magsimba dahil sa mga miting sa paaralan, masamang panahon (karamihan sa aming mga miyembro ay naglalakbay sakay ng motorsiklo), at distansya. Nararanasan ng mga miyembro sa aming ward, ang Ubon Ward, ang mga hamong ito at iba pa, na nagpapahirap sa pagsisimba.
Isang araw ng Linggo, nag-isip ako kung paano namin matutulungan ang mga miyembro na makita ang mga pagpapala ng pananampalatayang magsimba nang sama-sama nang mas madalas. May naisip akong ideya, “Ano kaya kung pumili kami ng isang araw ng Linggo na nakatuon sa pagpapasimba sa lahat ng miyembro sa petsang iyon?” Kung mapapasimba namin ang lahat sa parehong petsa, talagang makikita at madarama ng mga miyembro ang katatagan ng ward.
Nagustuhan ng iba pang mga lider at miyembro sa ward ang ideya at nakibahagi sila sa pagpaplano nito. Nagtakda kami ng isang petsa, Hunyo 17, 2018—ang araw na pinakamalapit sa anibersaryo ng pagkakatatag ng Ubon Thailand Stake—at nagsimulang magpadala ng mga mensahe tungkol dito sa pamamagitan ng social media. Pinamagatan namin ang kaganapan na “Halina’t Magsimba Tayo sa Araw ng Linggo sa Parehong Petsa! Pagdalo ng 200 Katao sa Sacrament Meeting—Kaya Ito ng Ubon Ward.”
Nakibahagi ang buong ward sa paghikayat sa bawat isa na magsimba. Lahat ay nagpadala ng mga mensahe na naghihikayat sa iba na makibahagi sa kaganapan. Inanyayahan din ng mga miyembro ang mga nagbabalik na miyembro at ang mga kaibigan nilang hindi miyembro. At napakaraming tao ang nagsabing sisimba sila!
Napagtanto namin na higit pa ito sa isang masayang kaganapan para makita kung ilang tao ang magsisimba. Gusto naming maging espesyal na espirituwal na karanasan ito para makatulong na mahikayat ang mga miyembro na gawing prayoridad ang pagdalo sa sacrament meeting. Kaya sa mga buwan bago ang kaganapan, hinikayat ng bishopric ang mga tao na iwasan ang anumang mga aktibidad na maaaring maglihis ng atensyon mula sa kahalagahan ng sakramento o ng pagsamba sa Panginoon.
Gumawa pa kami ng mga bookmark upang matulungan ang mga tao na maalala ang kaganapan at ang Espiritu na alam naming paroroon dahil sa pagsisikap ng lahat na magsimba. Nakalagay sa bookmark ang pangalan ng kaganapan at ang isang banal na kasulatan: “Aking sinabi, Kayo’y mga dios, at kayong lahat ay mga anak ng Kataastaasan” (Awit 82:6). Pinili namin ang banal na kasulatang ito dahil gusto naming maunawaan ng lahat na sila ay mga anak ng Diyos at may potensyal na maging katulad Niya.
Matagal nang nagplano ang mga miyembro para makapagsimba ang lahat sa itinakdang petsa. Sa wakas, dumating ang araw na iyon. Pero nagkaroon din ng mga balakid. Umulan nang malakas sa gabi bago ang araw na itinakda at patuloy na umulan buong magdamag. Ang isa pang balakid para sa ilang miyembro ay may idinaraos na mahalagang miting sa paaralan kasabay ng oras ng simba.
Hiniling namin sa lahat na manalangin na maalis ang mga balakid na ito. Mga alas-7 ng umaga ng araw ng Linggo, tumigil ang ulan. At pagdating namin sa simbahan, nakita namin ang mga pamilyang kailangang dumalo sa miting ng paaralan. Nang tanungin namin sila tungkol sa isa pa nilang miting, sabi nila, “Dapat muna naming unahin ang sacrament meeting.” Napakagandang patotoo niyon para sa akin tungkol sa kahalagahan ng sakramento ng Panginoon.
Nagsama ang mga miyembro ng maraming kaibigan at kapit-bahay sa sacrament meeting. Isang sister sa ward ang nagsama ng walong kaibigan na hindi pa kailanman nakapagsimba! Habang parami nang parami ang mga taong dumarating, kinailangan naming buksan ang divider sa likod. Umabot sa 215 katao ang dumalo sa sacrament meeting! Sa buong miting, nadama kong nasa amin ang Espiritu Santo at tinulungan kami ng Diyos na maging matagumpay ang kaganapang ito.
Pagkatapos ng napakagandang araw ng Linggo na iyon, tumaas ang bilang ng mga taong regular na dumadalo sa sacrament meeting. Kabilang dito ang tatlong mayhawak ng Melchizedek Priesthood na nagsimulang dumalo nang regular kasama ang kanilang mga pamilya. Dalawa sa mga anak ng isang pamilya ang nabinyagan at nakumpirma nang sumunod na buwan.
Nakita ng aming mga lider sa stake ang kabutihang naidulot nito sa aming ward at nagpasiya silang magdaos ng parehong kaganapan. Para sa kaganapan ng stake, nangako ang bawat miyembro sa stake na dadalo sila sa sari-sarili nilang ward sa parehong petsa ng araw ng Linggo. Naging matagumpay rin ang kaganapan sa buong stake—nalaman ko na 208 katao ang dumalo sa isang ward sa aming stake! Lubos akong nagpapasalamat para sa mga biyayang natanggap ko at ng aming ward at ng aming stake dahil sa mga kaganapang ito at para sa Espiritu na nadama namin sa paghahanda at pakikibahagi sa mga ito.