2020
Ako ay Naging 14 Taong Gulang Muli
Marso 2020


Ako ay Naging 14 na Taong Gulang Muli

Habang nag-aasikaso ng negosyo sa Rochester, New York, USA, nagpasiya akong dumaan sa mga makasaysayang lugar ng Simbahan sa Palmyra, mga 25 milya (40 km) ang layo. Gustung-gusto kong makita ang Sagradong Kakahuyan.

Noong panahong iyon, may mga problema ako sa trabaho at sa bahay, at talagang inasam kong magkaroon ng sagradong karanasan na magpapatunay sa akin, sa kamangha-manghang paraan, na iniisip ako ng Ama sa Langit.

Hindi pa naitatayo noon ang Hill Cumorah Visitors’ Center at ang Palmyra New York Temple. Pumarada ako malapit sa tahanan ng pamilya Smith, bumaba ako sa aking sasakyan, at sinundan ko ang mga karatula papunta sa Sagradong Kakahuyan. Nang may panalangin sa aking puso, tinahak ko ang landas papasok sa kakahuyan. Nagnilay-nilay ako habang naglalakad, at lumuhod pa ako para manalangin. Nakadama ako ng kapanatagan, ngunit wala akong nakitang haligi ng liwanag at wala akong naramdamang matinding emosyon. Balisa pa rin ang aking isipan sa mga problema at alalahanin.

Medyo nadismaya, pumunta ako sa muling itinayong bahay na yari sa troso kung saan tumira ang pamilya Smith. Inisip ko na kunwari ay nagtatrabaho, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, at nananalangin sila roon. Pinuntahan ko ang mga silid sa itaas at ang kusina, kung saan naroon ang tsiminea na yari sa laryo, mesa at mga upuan na yari sa kahoy, magaspang na kahoy na sahig, at mga simpleng kagamitan. Naisip ko na sa tahanang gaya nito nanirahan ang 14 na Taong gulang na binata nang, puno ng mga katanungan, magpasiya siyang kumilos at magtanong sa Diyos.

Habang nakatayo ako sa may pintuan, at papaalis na, napatingin ako sa Sagradong Kakahuyan. Alam ko na nagtungo si Joseph Smith sa kalapit na kakahuyan, nanalangin siya, at nakita niya ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Bigla akong napuspos ng pagkahabag para kay Joseph. Tila nadama ko kung ano ang nadama ni Joseph bago siya nanalangin. Kulang ako ng karunungan, ngunit alam ko na maaari akong humingi sa Diyos at makatanggap ng mga sagot (tingnan sa Santiago 1:4–5). Naalala ko kung paano ako nanalangin nang may pananampalataya noong tinedyer ako at nakadama ng kapayapaan at katiyakan. Nadama kong muli na napuno ang aking puso ng gayong pag-asa at pagmamahal. Tila ako ay naging 14 na Taong gulang muli.

Yumuko ako at umusal ng tahimik na panalangin ng pasasalamat. Natanggap ko na ang sagot. Ako ay iniisip ng Ama sa Langit. At kung patuloy akong magtitiwala sa Kanya, patuloy Siyang tutugon.