Mga Bukid ng Dayami at mga Basbas ng Priesthood
Mula sa isang panayam kasama si Eliza Broadbent
“Ang Mangaaliw … ang Espiritu Santo” (Juan 14:26).
Noong bata pa ako, ang aking pamilya ay may isang maliit na bakahan at mga bukid. Ang paglaki sa isang bukid ay puno ng mahihirap na gawain.
Isang araw ng tag-init, kami ng aking kapatid ay nagtrabaho sa bukid. Malakas ang ihip ng hangin, at maraming alikabok sa hangin. Matindi ang aking allergy, at kung minsan ay nagkakasakit ako dahil sa mga alikabok mula sa mga dayami. Naluha ang aking mga mata. Nahirapan akong huminga. Nagsimulang magdugo ang aking ilong dahil sa sobrang pagkuskos ko rito.
Nang magpunta ang aking ina sa bukid at makita niya ako, pinapasok niya ako sa bahay. Pinahiga niya ako at nilagyan niya ng basang tela ang aking mukha. Pagkalipas ng ilang minuto, bumalik siya na may kasamang dalawang magsasaka. Nakasuot sila ng overall na balot ng alikabok ng dayami.
Ang mga magsasaka ay miyembro ng aming ward. Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa aking ulo at nagsimula silang magbigay ng basbas sa akin. Hindi pa miyembro ng Simbahan ang aking ama noong panahong iyon, kaya wala siyang priesthood. Ngunit hinding-hindi ko malilimutan ang nadama ko nang basbasan ako ng mabubuting kalalakihang iyon. Nakadama ako ng kasiyahan, kapayapaan, at kapanatagan. At tila nawala na ang aking sakit.
Kalaunan sa buhay, napagtanto ko na ang nadama kong iyon ay ang Espiritu Santo. Kung minsan, ang Espiritu Santo ay tinatawag na Mang-aaliw. Gusto ko ang pangalang iyon dahil ang Espiritu Santo ang nagbigay sa akin ng kapanatagan. Bumuti ang pakiramdam ko sa labas at sa loob.
Ang Espiritu Santo ay isang malaking pagpapala. Hanapin ang kapanatagang dulot ng Espiritu Santo at sikaping mapasaiyo ito araw-araw. ●
Kapanatagan mula sa Espiritu Santo
Maraming paraan para madama mo ang kapanatagan mula sa Espiritu Santo. Ipinapakita sa maze ang ilan sa mga ito. Mahahanap mo ba ang daan palabas sa maze?