2020
“Mahirap na Katotohanan”
Marso 2020


“Mahirap na Katotohanan”

people in front of Smith family farm

Paglalarawan ni Cheryl Chalmers

Ang New York Pennsylvania Historic Sites Mission ay nag-aalok ng mga natatanging pagkakataon na maibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kami ay naghahanap ng tuturuan, nagtuturo, at nagbibinyag tulad ng iba pang mga missionary, pero nagkaroon din kami ng pambihirang tungkulin na magturo tungkol sa mga sagradong pangyayari na naganap sa mga lugar na ito.

Naglingkod kami sa sakahan ng pamilya Smith, sa lugar kung saan inilathala ang Aklat ni Mormon, sa Hill Cumorah Visitors’ Center, at sa sakahan nina Peter at Mary Whitmer. Inilibot namin ang mga bisita sa mga sagradong lugar na ito at tinulungan namin sila na maging mas pamilyar sa kasaysayan at mga pangyayari hinggil sa Pagpapanumbalik.

Isang araw, inilibot naming magkompanyon sa sakahan ng pamilya Smith ang isang bata pang pamilya mula sa Ireland. Dalawang taon pa lang silang miyembro.

Habang naroon kami sa muling itinayong bahay na yari sa troso kung saan tumira si Joseph Smith at ang kanyang pamilya noong tagsibol ng 1820, ikinuwento naming magkompanyon ang mahahalagang pangyayari noong kabataan ni Joseph na nag-udyok sa kanya na pumunta sa isang kakahuyan upang manalangin para malaman kung aling simbahan ang dapat niyang sapian. Ikinuwento namin sa kanila ang karanasan ni Joseph nang magpakita sa kanya ang Ama sa Langit at si Jesucristo at sagutin Nila ang kanyang panalangin. Pagkatapos ay tinanong namin kung ano ang naramdaman nila noong una nilang narinig ang tungkol kay Joseph Smith at sa kanyang Unang Pangitain.

Inasahan kong sasabihin nila ang gayon ding sinasabi ng karamihan—na nag-alab ang kanilang mga puso o hindi kaya’y nalaman nila na totoo ito dahil napakalakas ng Espiritu na nadama nila. Sa halip, sinabi nila na nadama nilang isa itong “mahirap na katotohanan.” Sandali kaming natigilan dahil sa sagot nila. Hiniling namin sa kanila na ipaliwanag kung ano ang ibig nilang sabihin.

Sinabi nila sa amin na komportable silang namumuhay bago nila narinig ang ebanghelyo, at tila mahirap sa kanila ang ideya ng pagbabago ng nakasanayan nilang pamumuhay. Subalit nang makatanggap sila ng espirituwal na pagpapatibay na totoo ito, alam nila na kailangan nilang baguhin ang uri ng kanilang pamumuhay.

Naantig kami sa kanilang natatangi at taos-pusong patotoo. Dahil talagang may patotoo sila tungkol kay Joseph Smith at sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, handa silang gumawa ng mahihirap na pagbabago sa kanilang buhay at sumapi sa Simbahan. Ginawa nila ito dahil alam nila na ang mga pagbabagong iyon ang pinakamainam na bagay para sa kanilang pamilya!

Talagang mahal ko ang aking misyon. Wala akong alinlangan na ang mga lugar kung saan ako naglingkod ay sagradong lahat. Lahat ng sinabi naming nangyari roon ay totoong nangyari. Ito ay isang himala.