Digital Only: Mga Young Adult
Pagbabalik sa Simbahan nang may Suporta ng Miyembro
Tumigil ako sa pagsisimba ngunit hindi nawala ang pananampalataya ko sa pinaniniwalaan ko. Nang bumalik ako, sinuportahan ako ng aking ward.
Mamantika pa ang aking mga daliri sa pagkain ng masarap na pritong manok at maalat pero malutong na French fries na sinabayan ng pag-inom ng malamig na milkshake sa oras sana ng math class, nang ipinakilala sa akin ng isang malapit na kaibigan ang isang bagong relihiyon na bago sa aking pandinig noon—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi ko natanto na ginagabayan ako ng Diyos, may nakikilalang mga tao at nagkakaroon ng mga karanasan na perpektong ipinlano ng Ama sa Langit para sa akin.
Naniniwala ako sa Diyos noon pa man, dahil lumaki akong Katoliko. Ngunit nang mag-aral ako sa kolehiyo, tandang-tanda ko na gusto kong mas marami pang malaman. Gusto ko rin na mas mapalapit sa Diyos. Ang kaisipang iyan at pagiging tapat sa Panginoon ay nagtulot sa kaibigan ko na ipabatid sa akin ang ebanghelyo at anyayahan ako sa simbahan.
Nang pumunta ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa unang pagkakataon, medyo nahihiya pa ako, ngunit nadama ko ang magiliw na pagtanggap sa akin dahil ang lahat ay mabait, mapaghikayat, at tapat. Bagama’t hindi ko pa kilala ang mga taong ito, parang kapamilya ang turing nila sa akin. Sinimulan kong magsimba nang regular, at matapos ang mahabang pag-alam sa katotohanan at isang basbas ng priesthood na nagpabago ng buhay, sumapi ako sa Simbahan. Ngunit pagkaraan ng limang buwang tuluy-tuloy na pagiging aktibo at pakikibahagi sa mga aktibidad ng Simbahan, sinubok ang aking pananampalataya. Nahikayat akong umuwi sa aming bayan.
Pagbalik ko sa bayang kinalakhan ko, dumalo ako sa bago kong ward at nabigyan ng mga tungkulin. Sinikap kong manatiling aktibo, pero parang lahat ng bagay sa buhay ay hindi umaayon sa akin, na humantong sa hindi ko na madalas na pagsisimba.
Marami akong naranasang masasaya at malulungkot na sandali sa buhay ngunit hindi ako kailanman nawalan ng pananampalataya sa pinaniniwalaan ko. Alam ko na taglay ng Simbahan ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang lahat ng kailangan ko sa buhay.
Dumadalo ako kung minsan sa iba’t ibang ward noong mga taon na iyon na hindi ako gaanong aktibo at nakita ang kaibhan ng damdaming kabilang ka at hindi napapansin. Mabuti na lang, tinulungan ako ng mga missionary sa mga pangangailangan ko hanggang sa tuluyan akong makabalik sa Simbahan. Talagang malugod akong tinanggap ng aking home ward. Pakiramdam ko ay kabilang ako roon noong sandaling iyon na pumasok ako sa pintuan. Dahil sa suporta ng mga miyembrong iyon, patuloy akong nagsimba at natamasa ang lahat ng mga pagpapala ng ebanghelyo.
Naniniwala ako na dapat kang magsimba para sa iyong sarili at hindi para sa mga tao. Ngunit talagang malaking tulong ang magiliw na pagtanggap sa iyo ng mga tao doon. Mabuti na lang at may mga bagay kang magagawa para maramdaman mo at ng iba na kabilang ka sa simbahan.
Paano mo matutulungan ang iyong sarili para maramdaman mong kabilang ka:
-
Pumunta sa institute, sa mga proyektong paglilingkod, at sa mga aktibidad ng Simbahan. Kahit natatakot ka sa una, lalo na kung wala kang kakilala, ang pagsisikap na makipag-usap sa iba kahit nahihiya kang gawin ito ay nagbubukas ng mga pagkakataon na magkaroon ka ng mga bagong kakilala at mga kaibigan sa habang buhay.
-
Palibutan ang iyong sarili ng mga taong katulad mo ang mga paniniwala at mga pinahahalagahan. Mahalaga ito lalo na kung ikaw ay isang convert o nagbabalik na miyembro. Ang pakikisalamuha sa mga taong katulad mo ang pinaniniwalaan at pinahahalagahan ay hindi lamang nangangahulugan na hindi mo kinokompromiso ang iyong sarili kundi marami ka ring matututuhan mula sa kanila at makakakuha ng mabuting suporta.
-
Pumunta sa templo. Ang pagsisikap na makapunta sa templo ay nangangahulugang gumagawa ka ng mga pasiyang ayon sa kalooban ng Panginoon. Madarama mong napapalakas ka kapag sumusunod ka.
-
Alalahanin ang mga salitang sino at bakit. Para kanino mo ginagawa ito? Sino ang mahalagang tingnan, at bakit ka narito sa mundo? Matutulungan ka nito na maunawaan kung ano ang makabubuti sa iyong pag-unlad.
Paano mo matutulungan ang iba na maramdamang kabilang sila:
-
Magpakita ng pagmamahal. Maging tunay na kaibigan. Magkakaiba ang pinagdaraanan nating lahat. Ang pakikipagkilala sa iba ay makatutulong para malaman mo ang pinakamainam na paraan para masuportahan sila. Ang pag-anyaya sa kanila sa mga aktibidad, pagpapabatid sa kanila ng mga bagay na nangyayari, at pagpapakilala sa kanila sa mga bagong tao sa simbahan ay tutulong sa kanila para magkaroon sila ng mga kakilala at bagong mga kaibigan.
-
Makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu at magtiwala sa takdang panahon ng Panginoon. Matibay ang paniniwala ko na ginagabayan tayo ng Ama sa Langit at sadyang naglalagay ng mga tao sa ating daraanan. Pagpapalain ka at matutulungan mo ang iba kapag ginawa mo ang lahat ng iyong makakaya.
Talagang kilala tayo ng Ama sa Langit at mahal Niya ang bawat isa sa atin. Umaasa ako na madarama mo ang Kanyang pagmamahal at makikita ang iyong sarili—at ang iba—tulad ng pagtingin Niya sa iyo. Umaasa ako na maibabahagi mo sa iba ang pagmamahal Niya para sa iyo, lalo na sa mga bisita, mga bagong miyembro, at mga bumabalik sa Simbahan. Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng tao na tumulong sa akin, at naghahanap ako ngayon ng mga pagkakataong magawa rin ang gayon.