Digital Only: Mga Young Adult
Paano Ko Nalaman na Tinawag at Ginagabayan ng Diyos ang Propeta
Nabago ang patotoo ko tungkol sa mga buhay na propeta noong araw na bumisita ang isang Apostol sa Haiti.
Ang awtor ay naninirahan sa Haiti.
Dahil kinalakhan ko na ang Simbahan, lagi akong nagsisikap na malaman ang mga katotohanan at mapanatiling malakas ang aking patotoo. Naalala ko ang isang umaga ng Huwebes sa seminary, itinuturo sa amin ng guro namin ang tungkol sa mga propeta at mga apostol. Binanggit niya ang isang pangungusap na tumimo nang malalim sa aking isipan: “Si Pangulong Thomas Spencer Monson [na propeta nang panahong iyon] ay propeta ng Diyos, at makapagdarasal nang taimtim ang sinumang nagnanais na malaman kung totoo ito para malaman niya ang sagot.” Talagang naantig ako ng mga sinabi niya.
Pagkauwi ko nang araw na iyon, lumuhod ako at hiniling ko sa Ama sa Langit na ipaalam sa akin kung tinawag Niya si Pangulong Monson bilang propeta. Sa sandaling iyon, napuspos ako ng matindi at masidhing kagalakan—isang bagay na hindi mailalarawan. Mula noong araw na iyon, alam ko na nagmula sa Diyos ang kagalakang nadama ko nang sandaling iyon, at pinagtibay nito ang pananampalataya ko sa propeta. Naragdagan ang pagmamahal ko hanggang sa matanto ko na kailangan ko ang paggabay ng propeta sa aking buhay. Hindi ko makakaya kung wala ito. Nais kong palaging pakinggan at sundin ang lahat ng kanyang mga salita mula sa pangkalahatang kumperensya. Nang malaman ko ang pagpanaw ni Pangulong Monson ilang taon na ang nakakaraan, labis akong nalungkot, dahil mahal na mahal ko siya.
Nang sang-ayunan si Pangulong Russell M. Nelson bilang bagong propeta, inisip ko kung paano ko siya mamahalin tulad ng pagmamahal ko kay Pangulong Monson! Ngunit alam ng Ama sa Langit ang hangarin ng aking puso, na mahalin ang bawat isa sa mga tinawag Niya na mamuno sa Kanyang Simbahan. At naniniwala ako na gusto Niyang patuloy akong magkaroon ng mga karanasan na magtutulot sa akin na magawa iyon.
Hindi nagtagal matapos siyang tawagin, ipinadala ni Pangulong Nelson si Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol para pulungin ang mga kabataan sa Haiti. Natuwa ako sa ideya na makikita ko sya. Gusto kong makatiyak kung talagang tinawag siya ng Diyos.
Paghahanap ng Katotohanan
Pagkatapos ng mahabang biyahe, dumating ako sa kabisera ng aming bansa at naupo sa gusali kung saan kami pupulungin ni Elder Renlund. Nang pumasok siya sa silid, nakadama ako ng payapang kasiyahan sa aking puso. Sinimulan niya ang kanyang mensahe sa pagsasabing si Pangulong Russell M. Nelson ang nagpadala sa kanya para bisitahin kami. Sa sandaling iyon nalaman ko na alam ng Diyos na kailangan naming madama ang pagmamahal at suporta ng bagong propeta, at tinulutan Niya kami na magkaroon ng gayong pagkakataon.
Nang humiling si Elder Renlund ng isang boluntaryo na magbasa ng pambungad ng Aklat ni Mormon para sa grupo, nadama ko nang matindi ang Espiritu—napatayo ako na parang hindi namamalayan ang aking ginagawa. Naglakad ako paakyat sa pulpito at tumayo sa tabi ng Apostol para magbasa. Biglang nagsimulang tumibok nang mabilis ang aking puso, at hindi ko rin maihayag sa salita ang lakas ng Espiritu na naramdaman ko. Parang presensya ito ng Diyos na naroon sa silid, at napakagandang maranasan nito. Sa sandaling iyon, napawi ang lahat ng aking tanong at pag-aalinlangan. Alam ko na si Elder Renlund ay tunay na isang Apostol na tinawag ng Diyos. Nakadama ako ng malaking pagmamahal para sa kanya—at para sa propeta na nagpadala sa kanya para magsalita sa amin.
Mahal na mahal tayo ng Ama sa Langit kaya ipinakita Niya ang Kanyang sarili at Kanyang paggabay sa pamamagitan ng Kanyang mga kahanga-hangang lider. Pinatototohanan ko na ang mga propeta at mga apostol ay tinawag ng Diyos, na sumusunod si Pangulong Nelson sa mga kautusan at paghahayag ng Diyos, at gagabayan niya tayo sa tuwina sa pagtahak sa tamang landas. Mula kay Joseph Smith, nagsimula ang gawain na ipanumbalik ang ebanghelyo, at patuloy pa rin ang gawaing iyan ngayon. At kapag ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya na sundin ang mga payo ng ating mga propeta at magbahagi ng katotohanan sa iba, makakabahagi rin tayo sa patuloy na Panunumbalik.