2020
Gusto Nating Lahat na Kabilang Tayo
Marso 2020


Gusto Nating Lahat na Kabilang Tayo

Maging sa pamilya man, mga kaibigan, kasamahan, o mga tao sa simbahan, gusto nating lahat na kabilang tayo.

Hindi ako magaling sa basketball. Namanang katangian man ito, likas na abilidad, o anuman ang itawag mo rito—tila lahat ng naroon sa court ay mayroon nito, at wala ako nito. Dahil dito madalas kong maramdaman na wala akong lugar doon.

Ang katotohanang ito ay hindi nakahadlang sa mga kaibigan ko na yayain akong maglaro ng basketball. Pabalik-balik lang akong tumatakbo sa court, nagkukunwaring alam ko ang ginagawa ko. Sa tingin ko wala naman akong naloko sa kanila. Pero, salamat sa kanila, ginawa ng mga kaibigan ko ang lahat ng kanilang makakaya para isali ako.

Sa isang laro, nag-shoot ako at lumipad ang bola papunta sa basket. Tumama ito sa backboard, sa rim, at tuloy na bumagsak sa hoop. Hindi ako makapaniwala. Sinuwerte lang talaga, nakapuntos ako!

Dahil alam nilang pambihira ang sandaling ito, binati ako ng mga kaibigan ko. Wala akong gaanong naiambag sa larong iyon, pero nadama kong kabilang ako, at iyan ay napakahalaga.

Ang madamang kabilang ka ay isang pangangailangan ng tao. Maging sa pamilya man, mga kaibigan, kasamahan, o mga tao sa simbahan. Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, hindi lamang natin gustong mapabilang, kundi dapat din nating ipadama sa iba na sila ay kabilang din. Dapat nating sundin ang halimbawa at pagmamahal ng ating Tagapagligtas at tulungan ang lahat na “lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao” (Mosias 18:8).

Tayong Lahat ay Kailangan

Ang nakalulungkot, hindi nararamdaman ng lahat na kabilang sila—maging sa simbahan. Maaaring madama ng ilang tao na hindi sila kailangan o kasali. Ngunit kapag pinag-isipan ng tao kung ano talaga ang totoo, tayong lahat ay kailangan. Si Apostol Pablo, sa pagsasalita tungkol sa Simbahan, ay nagsabing: “Sapagka’t ang katawan [ni Cristo] ay hindi iisang sangkap, kundi marami” (I Mga Taga Corinto 12:14).

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Isang kasiya-siyang bagay ang kailanganin sa katawan ni Cristo. Kung ako man ay isang mata o braso; ang mahalaga ay kailangan ako … at hindi perpekto ang katawan kung wala ako.”1

Kapag tayo ay naging bahagi ng katawan ni Cristo—ang Simbahan—nakikiisa tayo sa iba nang may pananampalataya. At bilang bahagi ng katawan ni Cristo, kailangan ang lahat ng miyembro ng Simbahan.

Matutulungan Natin ang Iba na Madamang Kabilang Sila

Kasama sa pagtanggap ng sakramento, nagsisimba tayo para “[mag]tipun-tipon upang mag-ayuno at manalangin, at makipag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng [ating] mga kaluluwa” (Moroni 6:5).

Maaaring makadama ang mga bago o bumabalik sa simbahan ng bahagyang pagkahiya. Maaaring madama nila na hindi sila tanggap, umaasang may lalapit sa kanila at kakaibiganin sila. Maaaring tayo ang taong iyon na ngingiti, magsasabi ng hello, at kakaibiganin sila.

Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung tayo ay mga tunay na disipulo ng Panginoong Jesucristo, tutulong tayo nang may pagmamahal at pag-unawa sa lahat ng ating kapwa sa lahat ng panahon.”2

“Walang Isa Man sa Inyo ang Umalis”

Nang magpakita ang Tagapagligtas sa mga Nephita, inanyayahan Niya ang lahat na damhin ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay, mga paa, at tagiliran. Isa-isang nagsilapit sa Kanya ang mga tao (tingnan sa 3 Nephi 11:15). Pagkatapos ay pinagaling Niya ang may karamdaman, ang may kapansanan, at nahihirapan (tingnan sa 3 Nephi 17:7, 9). Pagkatapos ay binasbasan Niya ang lahat ng mga bata at nanalangin para sa kanila (tingnan sa 3 Nephi 17:21). Makalipas ang ilang sandali, magiliw Niyang sinabi, “Iniutos ko na walang isa man sa inyo ang umalis” (3 Nephi 18:25).

Anuman ang iyong paghihirap, pinagmulan, kinalakhan, paraan ng pagpapalaki sa iyo, o anumang bagay na nagpapadama sa iyo na tila hindi ka kabilang, alalahanin na hindi nais ng Tagapagligtas na umalis ka. Kung nadama mo na nag-iisa ka o hindi kasali, alam Niya kung ano ang pakiramdam na iyon. Siya’y hinamak at itinakwil (tingnan sa Isaias 53:3). Pinasan Niya sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan at kalungkutan at naranasan ang lahat ng uri ng pasakit at kapighatian (tingnan sa Alma 7:11). Kusang-loob na dinanas ni Jesucristo ang lahat ng ito upang malaman Niya kung paano Niya tayo tutulungan. Kapag sumunod tayo sa Kanya, makikita natin na talagang kabilang tayo.

May Lugar para sa Iyo

Narito ang Simbahan upang tulungan tayong matutuhan kung paano tayo magiging katulad ng Ama sa Langit. Naglalaan din ito ng istruktura at awtoridad na mahalaga sa paggawa ng mga sagradong tipan at inilalagay tayo sa landas na patungo sa kadakilaan.

Saanman kayo naroon sa paglalakbay na ito, tandaan, tulad ng sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “May lugar para sa inyo sa Simbahang ito. Halina at sumama sa amin!”3

Habang sinisikap nating sundin ang perpektong halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagmamahal, pagtulong, at pagmamalasakit sa isa’t isa, ang simbahan ay magagawa nating lugar kung saan may pagtanggap at pagkakaisa. Maging sa mga taong hindi marunong maglaro ng basketball!

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Belonging: A View of Membership,” Ensign, Abr. 1980, 27.

  2. M. Russell Ballard, “Doctrine of Inclusion,” Liahona, Ene. 2002, 40.

  3. Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 23.