2020
Ang Panaginip ni Anthony
Marso 2020


Matatapang na Halimbawa

Ang Panaginip ni Anthony

Anthonys Dream

Namangha si Anthony nang magising siya. Pangatlong beses na niya iyong napapanaginipan! Sa kanyang panaginip, ipinakita sa kanya ng isang matangkad na lalaki ang isang magandang gusali. Ano kaya ang kahulugan niyon?

Bilang isang guro sa paaralan, marami nang napuntahang lugar si Anthony sa labas ng kanilang bayan sa Nigeria. Ang gusali sa kanyang panaginip ay hindi katulad ng anumang nakita niya noon. Siguro wala naman talagang ganoong gusali. Ngunit mayroong isang bagay na espesyal tungkol doon.

Sa paglipas ng mga taon, nasa isip pa rin ni Anthony ang tungkol sa kanyang panaginip, ngunit nag-alala rin siya tungkol sa iba pang mga bagay. Sumiklab ang isang digmaan sa Nigeria. Hindi ligtas para kay Anthony at sa kanyang asawa at mga anak na lumabas sa kanilang bahay. Ngunit mahirap mamalagi sa loob ng bahay buong araw. Nangungulila si Anthony sa kanyang mga kaibigan at mga estudyante.

Isang araw, nakakita si Anthony ng isang lumang magasin sa kanyang bahay. Nang buklatin niya ito, may nakita siyang isang bagay na tila pamilyar. Iyon ang magandang gusali sa kanyang panaginip! Totoo iyon.

Ang gusali ay pag-aari ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngayon ko lang narinig ang pangalan ng simbahang iyon, naisip ni Anthony. Gusto niyang malaman ang iba pa tungkol doon, ngunit dahil sa digmaan, hindi pa rin siya makalabas ng bahay. Kailangan niyang maghintay.

Nang matapos na sa wakas ang digmaan, nagpadala ng liham si Anthony sa punong-tanggapan ng Simbahan sa Salt Lake City. Tinanong niya kung maaari silang magpadala ng mga missionary para maturuan siya at ang kanyang pamilya. “Maaari po ba kayong magtayo ng inyong simbahan sa aming bayan?” isinulat ni Anthony. “Mangyaring magpadala po kayo ng mga banal na kasulatan sa akin para maturuan ko ang aking mga kababayan.”

Nalungkot si Anthony nang makatanggap siya ng liham mula sa punong-tanggapan ng Simbahan: “Sa ngayon, wala kaming mga missionary sa inyong bansa.” Noon, karamihan sa mga lalaking lahing itim ay hindi maaaring magtaglay ng priesthood. At hindi pa naoorganisa ang Simbahan sa malaking bahagi ng Africa.

Ngunit matiyagang naghintay si Anthony sa takdang panahon ng Panginoon. Bagama’t hindi pa siya maaaring mabinyagan, patuloy niyang pinalakas ang kanyang pananampalataya.

Pinadalhan ng Simbahan si Anthony at ang kanyang pamilya ng Aklat ni Mormon at ng iba pang mga aklat ng Simbahan. Pinag-aralan ni Anthony ang mga aklat at itinuro ang natutuhan niya sa kanyang mga kababayan.

Napakaraming tao na naging interesado sa ebanghelyo kaya ninais ni Anthony na magkaroon ng isang lugar para makapagtipon ang lahat.

Sa daan na may mga puno ng saging sa magkabilang panig, nagtayo si Anthony ng isang maliit na kapilyang may bughaw na pinto at mga panakip sa bintana. Mababasa sa harapan ng gusali, “Nigerian Latter-Day Saints [Mga Banal sa mga Huling Araw na Taga-Nigeria].”

Lumipas ang mga taon. At isang araw, nakasagap si Anthony ng magandang balita. Sinabi ng Diyos sa propeta na maaari nang makatanggap ng priesthood ang lahat ng mga karapat-dapat na kalalakihan. Nagpadala ang Simbahan ng mga missionary sa nayon nina Anthony!

Namangha ang mga missionary sa nakitang gusali ng simbahan at sa napakaraming tao na handa nang magpabinyag. Namangha sila sa pananampalataya ni Anthony at ng kanyang mga kababayan.

“Napakatagal ng paghihintay at pagtitiis namin,” sabi ni Anthony sa mga missionary, “ngunit hindi na iyon mahalaga ngayon. Narito na kayo sa wakas.”

Si Anthony ang kauna-unahang nabinyagan sa Ekeonumiri River sa Nigeria. Nang maorganisa ang bagong branch, tinawag siya bilang branch president. Ang kanyang asawang si Fidelia ang naging Relief Society president. Sila ay ibinuklod sa templo pagkalipas ng ilang taon.

Patuloy na ibinahagi ni Anthony ang kanyang pananampalataya sa iba. Madalas niyang sabihin sa mga tao na ang binhi ng ebanghelyo na itinanim sa Nigeria ay lalago at magiging mayabong na puno. Ang mundo ay magugulat sa paglago nito.

Tama si Anthony. Ngayon, mayroong mahigit 170,000 miyembro ng Simbahan sa Nigeria—at isang magandang templo! Ang binhi ng ebanghelyo na naitanim sa tulong ni Anthony ay patuloy na lumalago sa iba’t ibang dako ng mundo ngayon. ●

Palagi kong napapanaginipan ang tungkol sa isang magandang gusali!

Ito ang gusali na nakita ko sa aking mga panaginip!

Itinayo ko ang maliit na kapilyang ito para magkaroon tayo ng isang lugar na pagtitipunan!

Nabinyagan na ako sa wakas!

Mga paglalarawan ni Dilleen Marsh