Mga Larawan ng Pananampalataya
Ulisses at Emilia Maio
Porto, Portugal
Ang nakababatang kapatid na babae ni Emilia Maio, si Custodia, ay isinilang na may matinding kapansanan. Labinlimang taon na ang nakalipas, tumira si Custodia kasama ni Emilia at ng asawa nito na si Ulisses. Bilang isang pamilya, natutuhan nila na ang di-makasariling paglilingkod sa pamilya ay nagdudulot ng matinding kagalakan.
Leslie Nilsson, Litratista
Emilia:
Nang isilang ang kapatid kong si Custodia, napagtanto ko kaagad na hulog siya ng langit. Nakita ko ito sa kanyang mga mata. Naging malapit kami ni Custodia habang lumalaki kami. Dahil sa kanyang mga kapansanan, madalas ko siyang kargahin dahil hindi siya makalakad. May mga pagkakataong ilang beses siyang inaatake ng epilepsy sa loob ng isang araw, kaya mahirap siyang alagaan kung minsan, ngunit parati akong naroon para tulungan ang aking ina. Nang magkasakit ang aking ina, inalagaan ko sila pareho.
Noong panahong iyon, tumatanda na ang aking ina at nahihirapan nang alagaan si Custodia. Nagpasiya siyang pumunta sa isang bahay-kalinga. Pumunta si Custodia sa isang pasilidad na nag-aalaga ng mga taong may kapansanan. Doon nagsimula ang pagsundo namin sa kanya at pagpapatuloy namin sa kanya sa bahay tuwing Sabado’t Linggo. Ginawa namin ito sa loob ng apat na taon.
Bago namatay ang aking ina, binisita namin siya ng aking asawa. Hinawakan niya ang aming mga kamay at sinabi niya na nagtitiwala siyang aalagaan namin si Custodia. Sinabi namin sa kanya na gagawin namin iyon. Sa nakalipas na 15 taon, nakatira sa amin ang aking kapatid at kami ang nag-aalaga sa kanya.
Siyempre mahirap sa simula. Kinailangan kong magbitiw sa trabaho para alagaan ang aking kapatid. Gayunpaman, naging pagpapala ito. Nang ikasal kami ni Ulisses, natuklasan namin na hindi kami magkakaroon ng anak. Si Custodia ay tulad ng isang bata na bigay ng Diyos para alagaan namin. Sa maraming paraan, tumutulong siyang mapunan ang kakulangang nadarama namin dahil wala kaming sariling anak. Siya ay mapagmahal at mapagmalasakit. Gustung-gusto niyang tumawa at magsimba. Siya ay isang kagalakan.
Ulisses:
Nang tawagin akong maglingkod bilang bishop, pinag-isipan ko kung magagampanan ko ang aking mga tungkulin sa tahanan at sa Simbahan. Nag-usap kami ni Emilia tungkol dito at napagtanto namin na magagawa namin ito nang magkasama kung magtitiwala kami sa Diyos.
Ang paglilingkod sa aking pamilya ay palaging nagpapalakas sa aking espirituwalidad. Bagama’t wala kaming gaanong oras para mapag-isa bilang mag-asawa, malapit kami sa isa’t isa pagdating sa espirituwalidad. Malapit kami bilang isang pamilya. Sa lahat ng panahon ay nakikita namin ang impluwensya ng Panginoon na tumutulong sa amin. Nagpakita Siya ng maraming himala sa amin. Talagang pinagpala kami.