Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Inspirasyon sa Pantalan
Nagkasamaan ng loob ang aking pamilya, at apat na oras pa akong maghihintay ng bangka para makauwi. Oras iyon para manalangin.
Isang bangka pa ang sasakyan ko bago makauwi ng bahay nang mabalitaan ko na nagkaroon ng isang malaking pagtatalo sa aking pamilya noong araw na iyon. Isang napakalaking pagtatalo.
Galit ang aking asawa. Galit ang aking mga anak. Masama ang loob ng lahat. At hindi ko alam kung ano ang gagawin.
Kinuha ko ang trak na gamit ko sa trabaho noong umagang iyon mula sa aking tahanan sa Upolu, Samoa, at sumakay ako ng bangka papunta sa Savai’i, Samoa. Ang biyaheng ito ay tumatagal nang ilang oras sa bawat direksyon.
Pagkatapos kong makausap ang aking asawa sa telepono at marinig ang galit sa kanyang tinig, inaamin ko na nahirapan akong magdesisyon kung uuwi ako sa bahay sa sitwasyong iyon. Hindi ko tiyak kung paano ako makakatulong para mapawi ang hinanakit sa isa’t isa ng aking pamilya.
Pumarada ako sa pantalan at nagsimulang manalangin. Nang sumunod na apat na oras, nakaupo ako sa aking trak, nananalangin para sa aking pamilya habang hinihintay ang bangka pauwi.
Pagkatapos ng mahabang oras ng pananalangin, nakatanggap ako ng isang malinaw na espirituwal na impresyon. “Ipakita mo lang ang pagmamahal mo sa iyong mga anak. Ipakita ang pagmamahal. Sabihin mo sa kanila, ‘Mahal ko kayo, at mahal kayo ng Diyos.’”
Palagi kaming nagkakasundo ng aking mga anak. Alam nila na mahal ko sila, at alam nila kung gaano sila kahalaga sa akin. Ngunit malinaw kong naunawaan, sa pamamagitan ng paghahayag, na ang pagpapakita ng higit na pagmamahal ang tanging paraan para magkalapit muli ang aking pamilya.
Pagdating ko sa bahay noong gabing iyon, galit na galit pa rin ang aking asawa. “Ano ang gagawin mo?” tanong niya sa akin.
Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa paghahayag na natanggap ko. Sinabi ko sa kanya na sa palagay ko, kailangan naming ipakita nang mas malinaw ang pagmamahal namin sa aming mga anak. “Naniniwala ako na iyon ang pinakamahalagang bagay na magagawa natin para mapawi ang hinanakit ng lahat,” sabi ko. Nagpasiya kaming subukan ito.
Iyon ang karaniwang gabi para sa aming lingguhang family council. Gayunpaman, dahil sa pagtatalo, gusto na itong kanselahin ng karamihan sa aking pamilya noong linggong iyon. Nagpasiya kaming mag-asawa na ituloy pa rin ang family council.
Noong una, walang umiimik. Masasabi kong maraming luha at hinanakit sa aking pamilya noong araw na iyon.
Pagkatapos ay nagsimulang magsalita ang aking asawa. “Gusto ko lang malaman ninyo na mahal na mahal ko kayo,” sabi niya. Nakita ko ang pagbabago sa galaw ng kanilang katawan. Nakaupo silang lahat sa gilid ng kanilang upuan. Ngunit nang magsimulang magpaliwanag ang aking asawa kung gaano niya sila kamahal, ang aming mga anak ay sumandal sa upuan at naging komportable. Hindi nagtagal ay nagsalita na rin sila. Sinabi ko rin sa kanila na mahal na mahal ko sila at masaya ako na pamilya kami.
Iyon ang nakalutas sa buong problema. Kamangha-mangha iyon. Nawala ang lahat ng galit sa aming tahanan, at naayos namin ang problema.
Hindi perpekto ang aking pamilya. Pero mahal na mahal namin ang isa’t isa. At nag-uukol kami ng oras para sa isa’t isa. Ito man ay paggising nang maaga para magbasa ng mga banal na kasulatan nang magkakasama, pagsisimba nang magkakasama, paglalaro ng basketbol nang magkakasama, pagkain nang magkakasama, o pakikinig lang ng musika nang magkakasama, sinisikap naming tumibay ang aming samahan bilang pamilya.
Dahil dito, mas naunawaan naming mag-asawa kung gaano kahalaga na ipakita ang pagmamahal namin sa aming mga anak.
Mga Aral mula sa Ama na Ito
-
Naunawaan ni Brother Silaga na hindi niya malulutas ang problemang ito nang mag-isa. Nanalangin siya nang maraming oras para humingi ng paghahayag kung paano tutulungan ang kanyang pamilya.
-
Itinuon ng pamilya Silaga ang kanilang tahanan kay Jesucristo. Sa kabila ng mga abalang iskedyul, gumigising sila nang maaga para mag-aral ng mga banal na kasulatan bilang pamilya. Nagdaraos sila ng family council linggu-linggo. Nagsisimba sila. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang madala ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa kanilang tahanan at pamilya.
-
Sumangguni muna si Brother Silaga sa kanyang asawa bago nila kinausap ang kanilang mga anak tungkol sa pagtatalo.
-
Palaging sinasabi nina Brother at Sister Silaga sa kanilang mga anak kung gaano nila sila kamahal.
-
Sama-samang gumagawa ang mga Silaga, pero naglilibang din sila nang magkakasama. Nagsisilbi silang halimbawa ng sumusunod na payo na ibinigay ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa ugnayan ng pamilya, ang tunay na baybay ng pagmamahal ay o-r-a-s, oras. Ang pagkakaroon ng oras sa bawat isa ay ang susi sa pagkakasundo sa tahanan” (“Sa mga Bagay na Pinakamahalaga,” Liahona, Nob. 2010, 22).