2020
Dapat Ba Naming Tanggapin ang Tungkulin?
Marso 2020


Dapat Ba Naming Tanggapin ang Tungkulin?

family dressed for church

Mga paglalarawan mula sa Getty Images

Dahil maliit pa ang isa naming anak at mayroon pa kaming bagong silang na sanggol, nahirapan kaming gampanan ang aming mga tungkulin sa Simbahan. Kaya nang matanggap ng aking asawa ang tawag na maglingkod bilang bishop ng isang young single adult student ward, pareho kaming nag-alinlangan na tanggapin ito.

Maraming tanong at alalahanin na pumasok sa aming isipan hinggil sa aming kakayahan na magawa ang lahat ng kailangan kabilang ang karagdagang tungkulin. Ilang araw pagkatapos matanggap ang pagtawag, nalaman namin na buntis ako sa aming pangatlong anak. Dahil sa kalagayan ng aking katawan, naging mahirap ang mga nakaraan kong pagbubuntis. Habang pinag-uusapan namin kung ano ang aasahan namin sa susunod na ilang buwan kung tatanggapin ng aking asawa ang tungkulin, hindi namin tiyak kung ano ang gagawin. Nagsimula kaming manalangin nang taimtim para mapanatag at mapatnubayan kami.

May pagkakataong naisip na ng aking asawa kung dapat ba niyang ipaliwanag ang aming sitwasyon sa stake president at tanggihan ang tungkulin. Ito ang pinaka-praktikal na gawin para sa amin, ngunit nang manalangin at mag-ayuno kami, naalala namin ang mga salita ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Kapag tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, tayo ay karapat-dapat sa tulong ng Panginoon” (“Duty Calls,” Ensign, Mayo 1996, 44).

Napanatag ang aming mga puso at napawi ang aming mga alalahanin. Nakatanggap kami ng katiyakan na ang pagtawag na ito ay hindi nagmula sa stake president. Ito ay nagmula sa Panginoon, at alam Niya, bago pa namin malaman, na buntis ako nang ipabatid sa amin ang tungkulin. Mas marami Siyang magagawa para sa aming pamilya kaysa sa magagawa ng aking asawa sa sarili niyang kakayahan kung hindi niya tinanggap ang tungkuling ito.

Taglay ang pananampalataya sa aming puso, tinanggap ng aking asawa ang tungkulin at hinarap namin ang bawat araw. Isang malaking himala ang aking pangatlong pagbubuntis, at ang aming anak ay isinilang na malusog at malakas. Ang mga taon na ginugol ko sa pagdalo sa aming home ward kasama ang aming mga anak ay nakatulong na maging malapit kami hindi lang bilang isang pamilya, kundi pati na rin sa mga kapwa namin miyembro sa ward. Habang masigasig na ginagampanan ng aking asawa ang kanyang tungkulin, natutuhan kong umasa sa aking mga kasamahan sa ward para tulungan ako sa aking mga anak.

Kaming mag-asawa ay nagpapasalamat sa maraming matatapat na Banal at, lalo na, sa ating Ama sa Langit sa pagtulong sa amin habang sinisikap naming balansehin ang trabaho, pamilya, at paglilingkod sa Simbahan.