2020
Pagbubukas ng Kalangitan para sa Tulong
Mayo 2020


2:3

Pagbubukas ng Kalangitan para sa Tulong

Ipakita natin sa gawa ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo!

Talagang kakaiba at napakaganda ng kumperensyang ito! Salamat, mahal naming Laudy at Enzo. Napakahusay ng pagkatawan ninyo sa mga kahanga-hangang kabataang babae at lalaki ng Simbahan.

Mahal kong mga kapatid, marami tayong narinig ngayon tungkol sa Pagpapanumbalik ng Simbahan—ang mismong Simbahan na itinatag ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo noong Kanyang ministeryo sa lupa. Ang Pagpapanumbalik na iyan ay nagsimula 200 taon na ang nakalipas ngayong tagsibol nang ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay nagpakita sa batang Joseph Smith.

Sampung taon makalipas ang pambihirang pangitaing ito, si Propetang Joseph Smith at limang iba pa ay tinawag na itatag ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon.

Mula sa maliit na grupong iyon na nagtipon noong Abril 6, 1830, nagkaroon ng isang pandaigdigang organisasyon ng mahigit 16 na milyong miyembro. Ang kabutihang nagagawa ng Simbahang ito sa buong mundo upang ibsan ang pagdurusa ng tao at bigyang-sigla ang sangkatauhan ay batid ng marami. Ngunit ang pangunahing layunin nito ay tulungan ang kalalakihan, kababaihan, at mga pamilya na sundin ang Panginoong Jesucristo, sundin ang Kanyang mga utos, at maging marapat sa pinakadakila sa lahat ng mga pagpapala—ang buhay na walang-hanggan kasama ng Diyos at ng mga mahal nila sa buhay.

Habang ipinagdiriwang natin ang pangyayari na nagsimula noong 1820, mahalagang alalahanin na bagama’t iginagalang natin si Joseph Smith bilang propeta ng Diyos, hindi ito simbahan ni Joseph Smith, ni hindi ito simbahan ni Mormon. Ito ay Simbahan ni Jesucristo. Siya mismo ang nagsabi kung ano ang itatawag sa Kanyang Simbahan: “Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Nagsalita na ako noon tungkol sa pagtatamang kailangang gawin sa pagtukoy natin sa pangalan ng Simbahan. Simula noon, marami nang nagawa upang maisagawa ang pagtatamang ito. Labis ang pasasalamat ko kay Pangulong M. Russell Ballard at sa buong Korum ng Labindalawang Apostol, na napakaraming nagawa upang pamunuan ang mga pagsisikap na ito gayundin ang may kaugnayan sa isa pang inisyatibo na ibabalita ko sa gabing ito.

Ang mga lider ng Simbahan at mga departamento, kaugnay na mga entidad, at milyun-milyong mga miyembro—at ang iba pa—ay ginagamit na ngayon ang tamang pangalan ng Simbahan. Ang opisyal na style guide ng Simbahan ay binago. Ang pangunahing website ng Simbahan ngayon ay ChurchofJesusChrist.org. Ang mga email address, pangalan ng domain, at social media channels ay updated na. Ang mahal nating koro ngayon ay The Tabernacle Choir at Temple Square na.

Ginawa natin ang mga pambihirang pagsisikap na ito dahil kapag inalis natin ang pangalan ng Panginoon sa pangalan ng Kanyang Simbahan, di maiiwasang inaalis natin Siya bilang sentro ng ating pagsamba at ng ating buhay. Sa pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas sa binyag, nangangako tayong sasaksi, sa ating mga salita, isip, at gawa, na si Jesus ang Cristo.

Dati, nangako ako na kung “gagawin natin ang lahat para ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ibubuhos Niya ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw, sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman.” Pinaninibago ko ang pangakong iyan ngayon.

Upang maalala natin Siya at makilala Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang ang Simbahan ng Panginoon, ikinalulugod naming ipaalam ang isang simbolo na sasagisag sa sentral na lugar ni Jesucristo sa Kanyang Simbahan.

Kasama sa simbolong ito ang pangalan ng Simbahan na nasa loob ng isang bato sa panulok. Si Jesucristo ang pangulong bato sa panulok.

Wordmark kasama ng bato sa panulok

Sa gitna ng simbolo ay ang representasyon ng marmol na estatwa na gawa ni Thorvaldsen na Christus. Ipinapakita nito ang nabuhay na mag-uli, at buhay na Panginoon na nakaunat ang kamay upang yakapin ang lahat ng lalapit sa Kanya.

Bilang simbolo, si Jesucristo ay nakatayo sa ilalim ng isang arko. Ipinapaalala sa atin ng arko ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na lumalabas mula sa libingan sa ikatlong araw matapos ang Pagpapako sa Kanya sa Krus.

Bagong simbolo ng Simbahan

Dapat pamilyar na ang marami sa simbolong ito, dahil matagal na nating iniugnay ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa buhay, at nabuhay na mag-uling Cristo.

Ang simbolong ito ay gagamitin na ngayon bilang visual identifier para sa opisyal na literatura, mga balita, at mga kaganapan ng Simbahan. Ipinapaalala nito sa lahat na ito ang Simbahan ng Tagapagligtas at lahat ng ginagawa natin bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan ay nakasentro kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Ngayon, mahal kong mga kapatid, bukas ay Linggo ng Palaspas, na itinuro nang napakahusay ni Elder Gong. Pagkatapos ay pumapasok tayo sa espesyal na linggo na hahantong sa pinakamahalagang sandali, ang Pasko ng Pagkabuhay. Bilang mga tagasunod ni Jesucristo, na nabubuhay sa panahon kung saan nagdudulot ng kaguluhan ang pandemyang COVID-19 sa buong mundo, huwag lang tayong mangusap tungkol kay Cristo o mangaral tungkol kay Cristo o gamitin ang isang simbolong sumasagisag kay Cristo.

Ipakita natin sa gawa ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo!

Tulad ng alam ninyo, sinusunod ng mga miyembro ng Simbahan ang batas ng ayuno isang araw bawat buwan.

Ang doktrina ng pag-aayuno ay sinauna. Ginagawa ito ng magigiting na tao sa Biblia noon pa mang unang panahon. Sina Moises, David, Ezra, Nehemias, Esther, Isaias, Daniel, Joel, at marami pang iba ay nag-ayuno at nangaral tungkol sa pag-aayuno. Sa mga isinulat ni Isaias, sinabi ng Panginoon: “Hindi baga ito ang ayuno na aking pinili: na kalagin ang mga tali ng kasamaan, na pagaanin ang mga pasan at papaging layain ang napipighati, at iyong alisin ang lahat na atang?”

Hinimok ni Apostol Pablo ang mga Banal sa Corinto na “iukol ang [inyong] sarili sa [pag-aayuno] at pananalangin.” Sinabi mismo ng Tagapagligtas na may ilang bagay na “hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.”

Sinabi ko kamakailan sa isang social media video na “bilang isang doktor at surgeon, malaki ang paghanga ko sa mga propesyonal sa larangan ng medisina, sa mga siyentipiko, at sa lahat ng taong walang-tigil sa paggawa para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.”

Ngayon, bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at bilang Apostol ni Jesucristo, alam ko na “taglay [ng Diyos] ang lahat ng kapangyarihan, lahat ng karunungan, at lahat ng kaalaman; nalalaman niya ang lahat ng bagay, at isa siyang maawaing Katauhan, maging hanggang sa kaligtasan, sa mga yaong magsisisi at maniniwala sa kanyang pangalan.”

Kaya, sa panahong ito ng matinding pagkabalisa, gaya nang kapag ang sakit ay nagiging pandemya, ang pinaka-natural na dapat nating gawin ay manawagan sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak—ang Dalubhasang Manggagamot—na ipakita ang Kanilang kagila-gilalas na kapangyarihan upang pagpalain ang mga tao sa mundo.

Sa mensahe ko sa video, inanyayahan ko ang lahat na makiisa sa pag-aayuno noong Linggo, Marso 29, 2020. Maaaring nakita ng marami sa inyo ang video at nakiisa sa ayuno. Ang ilan ay maaaring hindi. Ngayon kailangan pa rin natin ng tulong mula sa langit.

Kaya ngayong gabi, mahal kong mga kapatid, sa diwa ng mga anak ni Mosias, na itinuon ang sarili nila sa maraming panalangin at pag-aayuno, at bilang bahagi ng ating pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020, nananawagan ako para sa isa pang pandaigdigang ayuno. Para sa lahat ng pahihintulutan ng kanilang kalusugan, tayo nang mag-ayuno, manalangin, at muli nating pagkaisahin ang ating pananampalataya. Manalangin tayo nang may taimtim na pagsamo para malunasan itong pandemya sa buong mundo.

Inaanyayahan ko ang lahat, pati ang hindi natin miyembro, na mag-ayuno at manalangin sa Biyernes Santo, Abril 10, na ang pandemya sa kasalukuyan ay mapigilan, maprotektahan ang mga nangangalaga sa kalusugan, na lumakas ang ekonomiya, at bumalik sa normal ang buhay.

Paano tayo nag-aayuno? Karaniwang dalawang kainan o 24-oras ang itinatagal nito. Ngunit kayo ang magpasiya kung ano ang maituturing ninyo na sakripisyo, habang inaalala ninyo ang dakilang sakripisyong ginawa ng Tagapagligtas para sa inyo. Tayo na at magkaisa sa pagsamo ng paggaling sa buong mundo.

Biyernes Santo ang pinakamainam na araw upang pakinggan tayo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak!

Mahal kong mga kapatid, ipinahahayag ko ang matinding pagmamahal ko sa inyo, kasama ang aking patotoo sa kabanalan ng gawaing kinabibilangan natin. Ito ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Siya ang namumuno at namamahala sa lahat ng ating ginagawa. Alam kong tutugon Siya sa mga pagsamo ng Kanyang mga tao. Pinatototohanan ko ang mga ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.