2020
Elder Matthew S. Holland
Mayo 2020


Elder Matthew S. Holland

General Authority Seventy

Si Elder Matthew S. Holland ay sanay na sa mga General Authority o sa mga pangkalahatang kumperensya.

Maraming Banal sa mga Huling Araw ang nakakakilala sa kanya bilang anak ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maaaring naaalala pa ng iba na siya ang 17-taong gulang na nagsalita sa sesyon ng priesthood noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 1983.

“Napakagandang pagpapala, sa buong buhay ko, na makita kung paano namuhay ang aking ina at ama, kung gaano sila katapat, at kung ano ang ipinagawa sa kanila,” sabi ni Elder Holland, na kasalukuyang pangulo ng North Carolina Raleigh Mission.

“Ngunit dahil sa mga personal na obserbasyong ito, napakarami na naming alam tungkol sa tungkuling ito kaya naiisip namin kung sapat ba ang kakayahan namin ukol dito,” dagdag niya. “Mabuti na lamang, natutuhan din namin na ginagawang marapat ng Panginoon ang Kanyang mga tinatawag, at nananalig at napapanatag kami nang lubos diyan.”

Naaalala pa ni Elder Holland kung gaano nakakakaba ang magsalita sa pangkalahatang kumperensya. Ang paghahanda ng mensahe na dumarating nang “taludtod sa taludtod, [nang] tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30) ay naging “maagang pagbibigay ng katiyakan na kapag tumatanggap ka ng mga atas mula sa Panginoon, tutulungan ka Niya at bibigyan ka ng mga kaisipan at impresyon sa mga bagay na dapat mong ibahagi.”

Si Matthew Scott Holland ay ipinanganak noong Hunyo 7, 1966, sa Provo, Utah, USA, at anak nina Jeffrey R. at Patricia Holland. Pinakasalan niya si Paige Bateman noong May 20, 1996, sa St. George Utah Temple. Sila ay may apat na anak.

Kabilang sa mga natapos ni Elder Holland sa edukasyon ang tatlong degree sa political science—bachelor of arts mula sa Brigham Young University noong 1991 at master of arts and doctor of philosophy, parehong mula sa Duke University, noong 1997 at 2001, ayon sa pagkakabanggit.

Habang nagtatrabaho bilang associate professor of political science sa BYU (2001–2009), naging pangulo siya ng Utah Valley University noong 2009, at naglingkod hanggang noong 2018 nang matawag siya na maging mission president.

Siya ay naglingkod bilang bishop, high councilor, tagapayo sa bishopric, ward Young Men adviser, ward mission leader, Sunday School teacher, at full-time missionary sa Scotland Edinburgh Mission.