2020
Siya ay Nagpapatiuna sa Atin
Mayo 2020


2:3

Siya ay Nagpapatiuna sa Atin

Pinamumunuan ng Panginoon ang Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo at ng Kanyang Simbahan. Alam na alam Niya ang mga mangyayari sa hinaharap. Inaanyayahan Niya kayong makibahagi sa gawain.

Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat akong makasama kayo sa pangkalahatang kumperensyang ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa kanyang paanyaya na pagnilayan kung paano napagpala ang buhay natin at ng mga mahal natin sa buhay ng Pagpapanumbalik ng Panginoon sa Kanyang Simbahan sa huling dispensasyong ito, nangako si Pangulong Russell M. Nelson na hindi lamang magiging napakaganda ang ating karanasan kundi hindi rin ito malilimutan.

Napakaganda ng karanasan ko, at alam ko na gayon din kayo. Ang pagiging di-malilimutan nito ay nakadepende sa bawat isa sa atin. Mahalaga iyan sa akin dahil nabago ako ng karanasan sa paghahanda para sa kumperensyang ito kaya’t nais kong palaging madama ito. Ipapaliwanag ko.

Dinala ako ng paghahanda ko sa pagbabasa ng tala tungkol sa isang pangyayari sa Pagpapanumbalik. Maraming beses ko nang nabasa ang pangyayaring iyan, ngunit para sa akin noon tila isang tala lang ito ng tungkol sa isang mahalagang pulong kasama si Joseph Smith, na propeta ng Pagpapanumbalik. Ngunit sa pagkakataong ito nang basahin ko ito, nalaman ko kung paano tayo pinamumunuan ng Panginoon, na Kanyang mga disipulo, sa Kanyang Simbahan. Nakita ko ang kahalagahan para sa ating mga tao na mapamunuan ng Tagapagligtas ng sanlibutan, ang Manlilikha—na nakababatid sa lahat ng bagay, noon, ngayon, at sa hinaharap. Tinuturuan Niya tayo nang paunti-unti at ginagabayan tayo, nang hindi namimilit.

Ang pulong na binabanggit ko ay isang napakahalagang sandali sa Pagpapanumbalik. Iyon ay pulong sa araw ng Sabbath na idinaos noong Abril 3, 1836, sa Kirtland Temple sa Ohio, pitong araw matapos itong ilaan. Inilarawan nang simple ni Joseph Smith ang dakilang sandaling ito sa kasaysayan ng mundo. Marami sa kanyang salaysay ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan bahagi 110:

“Kinahapunan, tinulungan ko ang iba pang mga Pangulo sa pamamahagi ng Hapunan ng Panginoon sa Simbahan, tinatanggap ito mula sa Labindalawa, na kung kaninong pribilehiyo ito ay mangasiwa sa banal na hapag ngayong araw na ito. Matapos magawa ang paglilingkod na ito sa aking mga kapatid nagtungo ako sa pulpito, naibaba na ang mga tabing, at iniyukod ang sarili, kasama si Oliver Cowdery, sa taimtim at tahimik na panalangin. Sa pagtayo mula sa pananalangin, ang mga sumusunod na pangitain ay nabuksan sa aming dalawa.” 1

“Ang tabing ay inalis mula sa aming mga isipan, at ang mata ng aming pang-unawa ay nabuksan.

“Aming nakita ang Panginoon na nakatayo sa sandigan ng pulpito, sa aming harapan; at sa ilalim ng kanyang mga paa ay isang gawa na nalalatagan ng lantay na ginto, na ang kulay ay gaya ng amarilyo.

“Ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; ang buhok sa kanyang ulo ay puti gaya ng busilak na niyebe; ang kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw; at ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig, maging ang tinig ni Jehova, na nagsasabing:

“Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama.

“Masdan, ang inyong mga kasalanan ay pinatatawad na sa inyo; kayo ay malinis na sa aking harapan; samakatwid, itaas ang inyong mga ulo at magsaya.

“Magsaya ang mga puso ng inyong mga kapatid, at magsaya ang mga puso ng lahat ng aking tao, na, sa pamamagitan ng kanilang lakas, ay itinayo ang bahay na ito sa aking pangalan.

“Sapagkat masdan, tinanggap ko ang bahay na ito, at ang aking pangalan ay malalagay rito; at ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao sa bahay na ito.

“Oo, ako ay magpapakita sa aking mga tagapaglingkod, at mangungusap sa kanila sa sarili kong tinig, kung susundin ng aking mga tao ang aking mga kautusan, at kung hindi durumihan ang banal na bahay na ito.

“Oo ang mga puso ng libu-libo at sampu-sampung libo ay labis na magsasaya bunga ng mga pagpapalang ibubuhos, at sa endowment kung saan ang aking mga tagapaglingkod ay pinagkalooban sa bahay na ito.

“At ang katanyagan ng bahay na ito ay lalaganap sa mga ibang lupain; at ito ang simula ng mga pagpapala na ibubuhos sa mga ulo ng aking mga tao. Maging gayon nga. Amen.

“Matapos mapinid ang pangitaing ito, ang kalangitan ay muling binuksan sa amin; at si Moises ay nagpakita sa amin, at ipinagkatiwala sa amin ang mga susi ng pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng mundo, at ang pangunguna sa sampung lipi mula sa hilagang lupain.

“Matapos ito, si Elias ay nagpakita, at ipinagkatiwala ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, sinasabi na sa pamamagitan namin at ng aming binhi lahat ng susunod na salinlahi sa amin ay pagpapalain.

“Matapos mapinid ang pangitaing ito, isa pang dakila at maluwalhating pangitain ang bumungad sa amin; sapagkat ang propetang si Elijah, na dinala sa langit nang hindi nakatikim ng kamatayan, ay tumindig sa aming harapan, at sinabi:

“Masdan, ang panahon ay ganap nang dumating, na sinabi ng bibig ni Malakias—nagpapatotoong siya [si Elijah] ay isusugo, bago ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon—

“Upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama, at baka ang buong mundo ay bagabagin ng isang sumpa—

“Samakatwid, ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala sa inyong mga kamay; at sa pamamagitan nito ay inyong malalaman na ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ay nalalapit na, maging nasa mga pintuan na.” 2

Ngayon, maraming beses ko nang nabasa ang salaysay na iyan. Pinagtibay sa akin ng Espiritu Santo na totoo ang salaysay. Ngunit habang nag-aaral ako at naghahanda para sa kumperensyang ito, mas malinaw kong naunawaan ang kapangyarihan ng Panginoon na pamunuan ang Kanyang mga disipulo sa Kanyang gawain.

Pitong taon bago ipinagkaloob ni Moises kay Joseph ang mga susi ng pagtitipon ng Israel sa Kirtland Temple, “nalaman ni Joseph mula sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon na ang layunin nito ay upang ‘ipakita sa mga labi ng sambahayan ni Israel … nang kanilang malaman ang mga tipan ng Panginoon, na sila ay hindi itatakwil nang habang panahon.’ Noong 1831, sinabi ng Panginoon kay Joseph na ang pagtitipon ng Israel ay magsisimula sa Kirtland, ‘At mula roon [Kirtland], sinuman ang naisin ko ay hahayo sa lahat ng bansa … sapagkat ang Israel ay maliligtas, at akin silang aakayin.’” 3

Bagama’t kailangan ang gawaing misyonero sa pagtitipon ng Israel, binigyang inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang mga lider na turuan ang Labindalawa, na naging ilan sa mga unang missionary natin, “Tandaan, hindi kayo hahayo sa ibang bansa, hangga’t hindi ninyo natatanggap ang inyong endowment.” 4

Tila mahalaga ang Kirtland Temple noon sa bawat hakbang sa plano ng Panginoon dahil sa dalawang dahilan: Una, hinintay ni Moises na maitayo ang templo upang maipanumbalik ang mga susi ng pagtitipon ng Israel. At pangalawa, itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na “inutusan ng Panginoon ang mga Banal na magtayo ng templo [ang Kirtland Temple] kung saan maihahayag niya ang mga susi ng awtoridad at kung saan ang mga apostol ay mabibigyan ng endowment at maihahanda sa pagpungos ng kanyang ubasan sa huling pagkakataon.” 5 Bagama’t ang temple endowment gaya ng alam natin ngayon ay hindi nagawa sa Kirtland Temple, bilang katuparan ng propesiya, ang mga preparatory ordinance sa templo ay nagsimula na doon, kaakibat ang pagbuhos ng mga espirituwal na pagpapamalas na naghanda sa mga tinawag na magmisyon na may pangakong kaloob na “kapangyarihan mula sa kaitaasan” 6 na humantong sa malaking pagtitipon sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga missionary.

Matapos ipagkaloob kay Joseph ang mga susi ng pagtitipon ng Israel, nabigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Propeta na ipadala sa misyon ang mga miyembro ng Labindalawa. Habang pinag-aaralan ko ito, naging malinaw sa akin na detalyadong inihanda ng Panginoon ang paraan para makapagmisyon ang Labindalawa sa ibang bansa kung saan inihanda ang mga tao na maniwala at suportahan sila. Sa paglipas ng panahon, sa pamamagitan nila, libu-libo ang nadala sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon.

Batay sa ating mga talaan, tinatayang nasa pagitan ng 7,500 at 8,000 ang nabinyagan sa dalawang misyon ng Labindalawa sa British Isles. Ito ang naging pundasyon ng gawaing misyonero sa Europe. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, mga 90,000 ang nagtipon sa Amerika, na karamihan sa mga ito ay nagmula sa British Isles at Scandinavia. 7 Nabigyang-inspirasyon ng Panginoon si Joseph at ang matatapat na missionary na iyon na nagpagal para makapag-ani, sa panahong iyon, nang higit sa kakayahan nila. At ang Panginoon, sa Kanyang perpektong pananaw at paghahanda, ay ginawa itong posible.

Alalahanin ang tila simple at halos patulang pananalita mula sa bahagi 110 ng Doktrina at mga Tipan:

“Masdan, ang panahon ay ganap nang dumating, na sinabi ng bibig ni Malakias—nagpapatotoong siya [si Elijah] ay isusugo, bago ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon—

“Upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama, at baka ang buong mundo ay bagabagin ng isang sumpa—

“Samakatwid, ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala sa inyong mga kamay; at sa pamamagitan nito ay inyong malalaman na ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ay nalalapit na, maging nasa mga pintuan na.” 8

Pinatototohanan ko na nakita ng Panginoon ang hinaharap at kung paano Niya tayo pamumunuan para matulungan Siyang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin sa mga huling araw.

Habang naglilingkod ako noon sa Presiding Bishopric maraming taon na ang nakakaraan, naatasan akong bantayan ang design and development group na gumawa sa tinatawag nating FamilySearch. Buong ingat kong sinasabing “binantayan” ko ang paggawa nito, kaysa sabihing “pinangasiwaan” ko ito. Iniwan ng matatalinong tao ang kanilang propesyon at ginawa ang nais ipagawa ng Panginoon.

Ang Unang Panguluhan ay nagtakda ng mithiing bawasan ang mga duplikasyon ng mga ordenansa. Ang malaking inaalala nila ay hindi natin magagawang malaman kung naisagawa na ang mga ordenansa sa isang tao. Sa loob ng ilang taon—o tila mga taon—tinanong ako ng Unang Panguluhan, “Kailan ninyo ito matatapos?”

Nang may panalangin, sigasig, at personal na sakripisyo ng mga taong mahuhusay, natapos ang gawain. Natapos ito nang paunti-unti. Ang unang gagawin ay gawing user friendly ang FamilySearch para sa mga di sanay sa computer. Marami pang pagbabago ang dumating, at alam ko na patuloy na darating ang mga ito, dahil sa tuwing lulutasin namin ang isang problema, nakatatanggap kami ng mga karagdagang paghahayag para sa mga pagpapahusay na mahalaga rin ngunit hindi pa nakikita. Kahit ngayon, ang FamilySearch ay nagiging kung ano ang kailangan ng Panginoon bilang bahagi ng Kanyang Pagpapanumbalik—at hindi lamang para maiwasan ang duplikasyon ng mga ordenansa.

Tinutulungan tayo ng Panginoon sa pagpapahusay pa nito para matulungan ang mga tao na makilala at mahalin ang kanilang mga ninuno at makumpleto ang mga ordenansa nila sa templo. Ngayon, gaya ng tiyak na alam ng Panginoon na mangyayari, ang mga kabataan ay nagiging mga computer mentor sa kanilang mga magulang at miyembro ng ward. Nakadama silang lahat ng malaking kagalakan sa paglilingkod na ito.

Binabago ng diwa ni Elijah ang puso ng mga bata at matatanda, mga anak at magulang, mga apo at mga lolo’t lola. Ang mga templo ay muling masayang mag-iiskedyul ng mga pagbibinyag at iba pang mga sagradong ordenansa. Lalong tumitindi ang hangarin natin na paglingkuran ang ating mga ninuno at lalong tumitibay ang ugnayan ng mga magulang at mga anak.

Nakita ng Panginoon na mangyayari ang lahat ng ito. Pinlano Niya ito, paunti-unti, gaya ng ginawa Niya sa iba pang mga pagbabago sa Kanyang Simbahan. Ibinangon at inihanda Niya ang matatapat na tao na piniling gawin nang mahusay ang mahihirap na bagay. Noon pa man ay magiliw na Siyang nagtitiyaga sa pagtulong sa atin na matuto nang “taludtod sa taludtod; tuntunin sa tuntunin; kaunti rito at kaunti roon.” 9 Tiyak Niya ang tamang oras at pagkakasunud-sunod ng Kanyang mga gagawin, gayunman tinitiyak Niya na madalas na naghahatid o maghahatid ng pagpapala ang pagsasakripisyo na hindi natin nakinita noon.

Magtatapos ako sa pasasalamat sa Panginoon—Siya na nagbigay-inspirasyon kay Pangulong Nelson na anyayahan akong magsakripisyo upang makapaghanda para sa kumperensyang ito. Nagdala ng pagpapala ang bawat oras at bawat panalangin habang naghahanda ako.

Inaanyayahan ko ang lahat ng nakaririnig sa mensaheng ito o nakakabasa sa mga salitang ito na manampalataya na pinamumunuan ng Panginoon ang Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo at ng Kanyang Simbahan. Siya ay nagpapatiuna sa atin. Alam na alam Niya ang mga mangyayari sa hinaharap. Inaanyayahan Niya kayong makibahagi sa gawain. Kasama ninyo Siya sa gawaing ito. Mayroon Siyang plano para sa paglilingkod ninyo. At kahit nagsasakripisyo kayo, magagalak kayo habang tinutulungan ninyo ang ibang tao na maging handa para sa Kanyang pagdating.

Pinatototohanan ko sa inyo na buhay ang Diyos Ama. Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan. Kilala at mahal Niya kayo. Ginagabayan Niya kayo. Naghanda Siya ng daan para inyo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.