2020
Paghanap ng Kanlungan mula sa mga Unos ng Buhay
Mayo 2020


2:3

Paghanap ng Kanlungan mula sa mga Unos ng Buhay

Si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala ang kanlungan na kailangan nating lahat, anuman ang mga unos na humahampas sa ating buhay.

Noong kalagitnaan ng 1990s, noong nasa kolehiyo ako, bahagi ako ng Fourth Company ng Santiago Fire Department sa Chile. Habang naglilingkod doon, tumira ako sa fire station dahil bahagi ako ng mga tagapagbantay sa gabi. Bago matapos ang taon, sinabihan ako na kailangan kong manatili sa fire station sa Bisperas ng Bagong Taon dahil palaging may emergency sa araw na iyon. Dahil nagulat, sagot ko ay, “Talaga?”

Naaalala ko na habang naghihintay kami ng mga katrabaho ko, pagsapit ng hating-gabi, sinindihan na ang mga kuwitis at paputok sa bayan ng Santiago. Niyakap namin ang bawat isa habang nagbabatian ng isang matiwasay na bagong taon. Nang biglang tumunog ang sirena sa fire station na nangangahulugang may emergency. Kinuha namin ang aming mga kagamitan at sumakay sa fire truck. Sa pagtungo namin sa emergency, habang dumaraan kami sa maraming tao na nagdiriwang ng bagong taon, napansin kong hindi sila talagang nag-aalala at wala silang pakialam. Sila ay hayahay at nasisiyahan sa maalinsangang gabi ng tag-init. Gayunman sa isang lugar malapit roon, nasa seryosong panganib ang mga taong nagmamadali kaming tulungan.

Tinulungan ako ng karanasang ito na matutuhan na bagama’t kung minsan ang ating buhay ay medyo maayos, darating ang panahon na ang bawat isa sa atin ay haharap sa mga hindi inaasahang hamon at unos na susubok sa ating kakayahang magtiis. Ang mga problema sa katawan, isipan, pamilya at trabaho; mga natural na kalamidad; at iba pang bagay kung saan nakasalalay ang buhay at kamatayan ay ilan lamang sa mga halimbawa ng unos na haharapin natin sa buhay na ito.

Kapag nahaharap sa mga unos na ito, madalas ay nakararamdam tayo ng kawalan ng pag-asa at takot. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Pananampalataya ang lunas sa takot”—pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo (“Ipakita ang Inyong Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2014, 29). Dahil sa nakita kong mga unos na nakaapekto sa buhay ng mga tao, nagkaroon ako ng konklusyon na anumang unos ang humampas sa atin—mayroon mang solusyon dito o nakikita na natin ang wakas—iisa lamang ang kanlungan, at totoo ito sa lahat ng uri ng mga unos. Ang nag-iisang kanlungang ito na ipinagkaloob ng ating Ama ay ang ating Panginoong Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

Wala sa atin ang hindi haharap sa mga unos na ito. Itinuro sa atin ni Helaman, isang propeta sa Aklat ni Mormon, ang sumusunod: “Tandaan na sa bato ng ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).

Si Elder Robert D. Hales na dumanas din sa kanyang sarili ng mga unos ay nagsabi: “Ang pagdurusa ay dinaranas ng lahat; kung paano tayo tumugon sa pagdurusa ay nakasalalay sa bawat indibiduwal. Ang pagsubok at pagdurusa ay magdadala sa atin sa isa sa dalawang paraan. Maaari itong maging karanasan na nagpapalakas at nagpapadalisay na nilakipan ng pananampalataya, o maaari itong maging puwersang wawasak sa ating buhay kung wala tayong pananampalataya sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon” (“Your Sorrow Shall Be Turned to Joy,” Ensign, Nob. 1983, 66).

Upang matamasa ang inihahandog na kanlungan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, kailangan tayong magkaroon ng pananampalataya sa Kanya—isang pananampalatayang magtutulot sa atin na malampasan ang lahat ng pasakit ng isang limitadong pananaw sa mundo. Ipinangako Niyang pagagaanin ang ating mga pasanin kung lalapit tayo sa Kanya sa lahat ng ating ginagawa.

“Magsiparito sa akin,” sabi Niya, “kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30); tingnan din sa Mosias 24:14–15).

Sinasabi na “sa isang taong may pananampalataya, hindi na kailangan ang paliwanag. Sa isang taong walang pananampalataya, walang paliwanag ang sasapat.” (Ang pahayag na ito ay naiugnay kay Thomas Aquinas ngunit mas malamang na pakahulugan lamang ng mga bagay na itinuro niya.) Gayunman, mayroon tayong limitadong pang-unawa sa mga bagay na nangyayari dito sa mundo, at kadalasan ay wala tayong sagot sa tanong na bakit. Bakit ito nangyayari? Bakit nangyayari ito sa akin? Ano ang dapat kong matutuhan? Kapag hindi natin mahanap ang mga sagot, pinakaangkop ang mga salitang ipinahayag ng Tagapagligtas kay Propetang Joseph Smith sa Piitan sa Liberty:

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;

“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas” (Doktrina at Tipan 121:7–8).

Bagama’t maraming tao ang tunay na naniniwala kay Jesucristo, ang pangunahing tanong ay kung naniniwala tayo sa Kanya at kung naniniwala tayo sa mga bagay na itinuturo at iniuutos Niya sa atin na gawin. Maaaring iniisip ng isang tao, “Ano ang nalalaman ni Jesucristo sa mga bagay na nangyayari sa akin? Paano Niya nalalaman kung ano ang kailangan ko para maging masaya?” Tunay na ang ating Tagapagligtas at Tagapamagitan ang tinutukoy ni Isaias nang sinabi niya:

“Siya’y hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman. …

“Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan. …

“Nguni’t siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo” (Isaias 53:3–5).

Nagturo rin sa atin si Apostol Pedro tungkol sa Tagapagligtas, nagsasabing, “Siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa ibabaw ng kahoy, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan, ay mangabuhay tayo sa katuwiran, na dahil sa kaniyang mga sugat ay nangagsigaling kayo” (I Ni Pedro 2:24).

Bagama’t nalalapit na ang oras ng pagpatay mismo kay Pedro, ang kanyang mga salita ay hindi napuno ng takot o ng pagiging negatibo; sa halip, itinuro niya sa mga Banal na “magalak,” bagama’t sila ay “pinalumbay sa muli’t muling pagsubok.” Pinayuhan tayo ni Pedro na alalahanin na “ang pagsubok sa [ating] pananampalataya … bagama’t ito’y sinusubok sa pamamagitan ng apoy” ay hahantong sa “ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo” at sa “pagkaligtas ng [ating] mga kaluluwa” (I Ni Pedro 1:6–7, 9).

Patuloy ni Pedro:

“Mga minamahal, huwag kayong mangagtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok sa inyo, na dumarating sa inyo upang kayo’y subukin, na waring ang nangyayari sa inyo’y di karaniwang bagay:

Kundi kayo’y mangagalak, sapagka’t kayo’y mga karamay sa mga hirap ni Cristo; upang sa pagkahayag ng kaniyang kaluwalhatian naman ay mangagalak kayo ng malabis na galak” (I Ni Pedro 4:12–13).

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “kayang magsaya ng mga Banal sa lahat ng sitwasyon. … Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan” (“Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82).

Siyempre, mas madaling sabihin ang mga bagay na ito kapag wala tayo sa gitna ng unos kaysa ipamuhay at gawin ang mga ito habang may unos. Ngunit bilang inyong kapatid, umaasa ako na nadarama ninyo na tapat kong ninanais na ibahagi sa inyo kung gaano kahalaga na malaman na si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala ang kanlungan na kailangan nating lahat, anuman ang mga unos na humahampas sa ating buhay.

Alam ko na tayong lahat ay mga anak ng Diyos, na mahal Niya tayo, at hindi tayo nag-iisa. Inaanyayahan ko kayong magsiparito at makita na kaya Niyang pagaanin ang inyong mga pasanin at maging kanlungan na inyong hinahanap. Magsiparito at tulungan ang iba na makahanap ng kanlungan na labis nilang hinahangad. Magsiparito at manatiling kasama namin sa kanlungang ito, na tutulong sa inyong labanan ang mga unos ng buhay. Walang pagdududa sa aking puso na kung kayo ay paparito, makikita ninyo, tutulong kayo, at mananatili kayo.

Pinatotohanan ni propetang Alma sa kanyang anak na si Helaman ang sumusunod: “Nalalaman ko na sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw” (Alma 36:3).

Itinuro mismo ng Tagapagligtas:

Kaya nga, maaliw sa inyong mga puso … ; sapagkat lahat ng laman ay nasa aking mga kamay; mapanatag at malaman na ako ang Diyos. …

“Dahil dito, huwag matakot maging sa kamatayan; sapagkat sa daigdig na ito ang inyong kagalakan ay hindi lubos, subalit sa akin ang inyong kagalakan ay lubos” (Doktrina at mga Tipan 101:16, 36).

Ang himnong “Pumayapa, Aking Kaluluwa,” na umantig sa aking puso sa maraming pagkakataon, ay may mensahe ng kapanatagan para sa ating mga kaluluwa. Ganito ang sinasabi ng mga titik:

Pumayapa, aking kaluluwa:

Walang-hanggang makakapiling Siya,

Paglipas ng bawat pagdurusa,

At pagkamit ng bawat ligaya.

Pumayapa: Pagpawi ng luha,

Ligtas tayong muling magkikita. (Mga Himno, blg. 71)

Sa pagharap natin sa mga unos ng buhay, alam ko na kung gagawin natin ang lahat ng makakaya natin at aasa kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala bilang ating kanlungan, tayo ay pagpapalain ng kaginhawahan, kapanatagan, kalakasan, kahinahunan, at kapayapaan na hinahangad natin, na may katiyakan sa ating puso na sa pagwawakas ng ating panahon dito sa mundo, maririnig natin ang mga salita ng ating Panginoon: “Mabuting gawa, mabuti at tapat na lingkod: pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon” (Mateo 25:21). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.