Elder Ciro Schmeil
General Authority Seventy
Laging sinisikap ni Elder Ciro Schmeil na sundin ang Panginoon, kahit hindi niya nauunawaan ang dahilan ng isang partikular na kautusan. “Kapag masunurin tayo, kapag sinusunod natin ang mga kautusan,” natutuhan niya na, “lagi tayong pagpapalain ng Panginoon.”
Sa pagtupad sa kanyang mga tungkulin, nakita niya ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod. Habang naglilingkod bilang bishop at stake president, napakarami niyang katangi-tanging oportunidad na “makitang nagbabago ang buhay ng mga tao dahil sa kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Aklat ni Mormon.”
Si Elder Schmeil ay ipinanganak noong Abril 16, 1971, sa Ponta Grossa, Paraná, Brazil, kina Bruno at Erica Schmeil, parehong convert sa Simbahan. Lumaki siya sa Curitiba, Brazil, at noong panahong matawag ang kanyang mga magulang na mangulo sa Brazil Campinas Mission, umalis naman siya para maglingkod sa Utah Ogden Mission.
Habang nag-aaral sa University of Utah, nakilala ni Elder Schmeil si Alessandra Machado Louza, isang estudyante sa Brigham Young University, sa isang debosyonal. “Nang magkita kami sa unang pagkakataon sa debosyonal, talagang hindi niya ako pinansin,” sabi niya. Ngunit para sa kanya, pag-ibig iyon sa unang pagkikita.
Sila ay ikinasal sa São Paulo Brazil Temple noong Hulyo 1994 at tinapos ang kanilang pag-aaral sa Estados Unidos. Bumalik sila sa Brazil sa loob nang 20 taon bago lumipat sa Colorado, USA, at pagkatapos ay sa Florida, USA. Sina Elder at Sister Schmeil ay may dalawang anak.
Si Elder Schmeil ay nagtapos ng bachelor of arts degree in architectural studies sa University of Utah noong 1995 at ng executive master of business administration degree sa Ohio University noong 2010. Nagtrabaho siya para sa Walmart Brasil bilang vice president at director ng real estate development, bilang chief operating officer ng Scopel, bilang general manager ng Cia City, at nitong huli bilang pinuno ng real estate para sa JBS S.A.
Si Elder Schmeil ay naglingkod bilang Area Seventy, stake president, tagapayo sa stake presidency, bishop, elders quorum president, at branch president.