Elder Moisés Villanueva
General Authority Seventy
Si Elder Moisés Villanueva ay 10 taong gulang pa lang noon, pero hindi niya nakalimutan ang nadama niya nang ituro sa kanya at sa kanyang pamilya ng mga missionary ang ebanghelyo sa Oaxaca, Mexico.
“Naaalala ko na kahit nakaalis na ang mga missionary, naramdaman ko pa rin ang Espiritu, ang kapayapaang nadama ko sa aking puso,” sabi niya.
Nang mabinyagan si Moisés at ang apat sa kanyang mga kapatid, ang kanyang ina—na nag-iisang nagpalaki kay Moisés at sa kanyang pitong kapatid sa napakahirap na mga kalagayan—ay naging aktibong muli sa Simbahan.
Kalaunan, noong naghahanda na sa misyon ang 18-taong gulang na si Moisés, patuloy na nakaranas ng kakapusan sa pera ang kanyang pamilya. Pinag-alinlanganan niya ang desisyon niyang umalis at sinabi sa kanyang ina na hindi na siya tutuloy para matulungan ito.
“Kung gusto mo talagang matulungan ako,” sabi sa kanya ng kanyang ina, “umalis ka at maglingkod sa Panginoon.”
Habang nakaluhod sa tabi ng kanyang higaan sa pagtatapos ng unang araw niya sa Mexico Hermosillo Mission, nadama ni Moisés na nalugod ang Panginoon sa kanyang desisyon. Itinuturing niya ang kanyang misyon na siyang dahilan ng paglago ng patotoo niya sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
“Ang Simbahang ito ay pinamumunuan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo,” sabi ni Elder Villanueva. “Kilala Niya ang bawat isa sa atin sa pangalan. Alam Niya ang ating mga pangangailangan, mga hamon sa buhay, at mga alalahanin. Alam din Niya ang ating mga kalakasan at maging ang mga hangarin ng ating mga puso.”
Si Moisés Villanueva López ay ipinanganak noong Disyembre 13, 1966, sa Oaxaca, Oaxaca, Mexico, kina Rubén Villanueva Platas at Delfina López Domínguez. Pinakasalan niya si Leticia Ávalos Lozano sa Mexico City Mexico Temple noong Hunyo 30, 1995. Sila ay may tatlong anak.
Si Elder Villanueva ay nagtapos ng kanyang bachelor’s degree in business administration mula sa Southeast Regional University noong 1997 at master’s degree in innovation for business improvement mula sa Tecnológico de Monterrey noong 2011. Ang pinakahuling trabaho niya ay bilang chief executive officer ng Sertexa, isang transportation company.
Nang tawagin siya sa kanyang bagong tungkulin, si Elder Villanueva ay naglilingkod bilang Area Seventy sa Mexico. Siya ay naglingkod din bilang pangulo ng California Arcadia Mission at bilang high councilor, tagapayo sa stake presidency, bishop, at public affairs director.